26 C
Manila
Huwebes, Disyembre 12, 2024

Kai Sotto ibinangko muli

- Advertisement -
- Advertisement -

SA pangalawang pagkakataon, hindi nasulyapan ng mga kababayan nating mga Pilipino na makitang makapaglaro si Kai Sotto, nang matambakan ang Orlando Magic ng Indiana Pacers, 85-108,  sa NBA Summer League sa Thomas and Mack Center sa Las Vegas, Nevada kahapon ng umaga, Hulyo 11.

Kai Sotto habang nagsasanay kasama ng Orlando Magic. Kuha mula sa Twitter ng @OrlandoMagic

Matatandaan noong Linggo, Hulyo 9, maraming Pinoy basketball fans ang nag-abang sa dapat sana ay debut ni Sotto sa NBA Summer League at unang laro ng Orlando Magic kontra Detroit Pistons. Kung saan, hindi man lang nabigyan ng kahit kaunting minuto na makapasok si Kai dahil na rin sa idineklarang DNP-CD o (Did Not Play – Coach’s Decision).

Ayon kay Kai, alam niya at kinausap siya ng Magic Coach na si Dylan Murphy bago pa man magsimula ang laban, na lima silang napili na hindi makakapaglaro dahil na rin di umano’y may first dibs o karapatan sa playing minutes o paglalaro sa loob ng court ang mga “rookies at contracted players” sa unang laro sa Summer League.

Kahit isa sa dalawang manlalaro na inilista bilang sentro, hindi naipasok ang 7’3 na si Sotto sa kanilang unang laban kontra Pistons na nagresulta sa pagkatalo ng Magic, 78-89. Sa halip ay pinili ni Coach Murphy na maging bahagi ng starting five ang power forward nito na si DJ Wilson.

Si Wilson naman ay hirap sa loob at nakapagtala lamang ng apat na puntos — lahat  galing sa free throws — may  tatlong rebounds, dalawang assists, isang block at dalawang steal. Samantala ang isa pang sentro ng Magic na si Robert Baker Jr. ay nakapaglaro ng 15 minuto at nakakalap ng walong puntos, dalawang rebounds, dalawang assists, isang block at isang steal.

At gaya noong Linggo, hindi muling pinaglaro si Sotto kanina matapos manatiling DNP-CD ito at nanatiling 11 player lamang ang naipasok sa court ni Coach Murphy. Na siyang ikinadismaya nang ilang manunuod na hindi napigilang mag-chant ng “We Want Sotto” matapos matambakan ng 26 puntos ang Orlando noong second quarter.

Tulad noong una nilang laban kontra sa Pistons, naungusan ang koponan ng Magic sa rebounds ng double-digits, 47-36, at nanatiling third-worst sa rebounding sa Summer League na may average na 32.5 sa loob ng dalawang laban ang koponan.

May natitira na lamang na dalawang laban ang Magic sa Summer League, isa na dito ang paparating na bakbakan sa New York Knicks sa Huwebes, 8:00 a.m., na katulad ng Magic ay wala pang panalo sa liga.

Umaasa ang mga Pinoy na hindi lamang pangarap ni Kai Sotto ang matutupad sa darating na Huwebes, dahil gaya ni Kai pangarap din ng buong bansa ang magkaroon ng manlalaro sa pamosong NBA.

 

Previous article
Next article
- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -