KUNG mismong ang pinakamataas na pinuno ng bansa ay di makayang arukin ang kahulugan ng biglang pagdalaw ni dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte sa China noong nakaraang linggo, sino pa ang isang hamak na kolumnista upang makapagmarunong sa bagay na ito. Pinakamagaling nang kanyang magagawa ay maghabi ng mga palaisipang pinupukaw ng kaganapan.
Ano ang maaaring ihambing sa pagdalaw na iyun? Di ba ang pagdalaw ni President Ferdinand “Bongbong” R. Marcos Jr sa China noong isang taon? Parehong pagdalaw ng presidente ng Pilipinas, dating presidente nga lamang ang huli, kasalukuyang nanunungkulan ang una. Subalit ang kapwa pagdalaw ay tinanggap ni Presidente Xi Jinpin sa mga kaparaanang angkop lamang sa mga gawi ng isang gobyerno, ibig sabihin, sangkot ang iba pang opisyal ng pamahalaang Chino. Walang lumabas na anumang detalye ng kung ano ang pinag-usapan nina Duterte at Xi, subalit malinaw sa kalagayan ng pagkikita ng dalawa na pambansa at pampamahalaan ang tema ng kanilang pag-uusap.
Ayon kay National Defense Secretary Gilbert “Gibo” Teodoro, sila ni Pangulong Bongbong ay walang alam sa naging usapan nina Xi at Duterte, subalit aniya ay handa silang makinig kung handang ibahagi ito sa kanila.
Malinaw, tanggap nina Bongbong at Teodoro na may pambansang kahalagahan ang mga bagay na pinag-usapan nina Xi at Duterte, anoman ang mga ito.
Ang sigalot sa South China Sea? Ang lumalalang tensyon sa pagitan ng China Coast Guard at Philippine Coast Guard? Ang isyu ng EDCA? Ang giyera sa Ukraine?
Sa pahiwatig ni Gibo, maaaring pinag-usapan nina Xi at Duterte ang namimintong pananalakay ng China sa Taiwan na ayon sa kanya ay tiyak na magaganap, ang pag-uusapan na lamang ay kung kailan.
Sa panahon ng dalaw ni Bongbong, isang bagay ang ating nahiwatigan. Pagkabalik na pagkabalik niya sa Pilipinas, bigla ang mga pagbabago sa ilang pwesto ng pamunuan ng sandatahang lakas ng Pilipinas. Si Armed Forces of the Philippines (AFP) Chief Bartolome Vicente Bacarro ay hinalinhan ni General Andres Centeno na humawak na sa puwestong iyun sa ilalim ng Duterte administration. Si Department of National Defense (DND) Officer-in-Charge Jose Calingasan Faustino Jr. ay hinalinhan naman ni dating Covid-19 vaccine czar Carlito Galvez Jr. Kapuna-puna na ang mga bagong inilagay sa puwesto ay mga Duterte boys. Kaya laking hinga ko. Kung si Duterte ay walang dudang panig sa China, ang paglagay ng mga Duterte boys sa matataas na puwesto sa Bongbong government ay nagpapahiwatig na ang gobyernong Bongbong ay pabor na sa China.
Sa labanang US-China, si Bongbong ay hindi maaaring hindi maging kontra Amerika.
Hanggang nagsunud-sunod na ang mga pangyayari na nagpapahiwatig na ako ay nagkamali.
Una, ang pagdalaw ni US House Speaker Nancy Pelosi sa Taiwan na pinakatutultulan ng China na nagpapalagay dito bilang pagsuway sa kanyang soberiniya. Eh, pumayag si Bongbong na paraanin si Pelosi sa Clark Airfield papunta sa Taiwan. Maliwanag na pagsuway ito sa China.
Pangalawa, ang pagdalaw naman ni US Vice President Kamala Harris upang suriin ang napipintong ipagkakoob ni Bongbong na mga karagdagang base militar sa Amerika sa ilalim ng Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA) ng Pilipinas at Amerika. Mariin ding tutol dito ang China dahil kita niyang ito ay direkta nang pagpunturya sa kanya.
At pangatlo, ang pagdalaw na ni US Defense Secretary Lloyd Austin na kumuha na ng pagbibigay ni Bongbong ng karagdagang apat pang base militar sa Amerika.
Dito tila ganap nang luminaw na sa alitan ng China at Estados Unidos, ang pagpanig ni Bongbong ay sa Kano Sa kanyang kakaraang State of the Nation Address (SONA), ang ganung pagpanig ay higit pang pinakadiin-diinan ng mga katagang “international rules-based order” bilang pamantayan ng pagkilos sa pinag-aawayang South China Sea. Ano ba ang mga katagang iyun kung hindi ang siyang malamang na laging ipangatwiran ng Amerika sa kanyang mga panghihimasok sa rehiyong Indo-Pasipiko?
Napakapeligroso para sa sambayanang Pilipino kung ito ang totoo. Ibig sabihin sunud-sunuran si Bongbong sa bawat naisin ng Amerika. E, ang layon nga ng Kano ay giyerahin ng Pilipinas ang China upang ang Estados Unidos ay makapanghimasok at isulong sa South China Sea region ang adyenda nitong hegemoniya sa Indo-Pasipiko. Giyera ang tunguhin ng Pilipinas sa ilalim ni Presidente Bongbong. Ergo, para maiiwas sa giyera ang Pilipinas, alisin kay Bongbong ang kapangyarihang dalhin ang bansa sa ganung peligrisong kalagayan.
Sa maraming palaisipan na sumakbibi sa sambayanan bunga ng dalaw ni Duterte sa China, anong papel ang ibig ng China na gampanan ni Duterte upang biguin ang balak ng Kano na pasiklabin ang Giyera Chino-Pilipino.