HALOS lahat ng tao ngayon ay mayroong cellphone (mobile phone o smartphone) na mayroong “touchscreen.” Gamit lang ang dulo ng daliri, nakakapagbigay ng utos ang gumagamit mismo sa display screen na tinatapik-tapik na lang para makapag-type ng mga letra, numero o simbolo.
Ngunit problema pa rin para sa marami ang makalumang uri ng “keyboard” na ang disenyo ay para sa sampung daliri sa dalawang kamay at sa malaking keyboard ng computer at typewriter. Madalas tuloy, pahirapan tayong gumamit ng magkabilang hinlalaki (thumbs) sa dalawang kamay.
Alam niyo ba na ang QWERTY layout (nababasa ito sa unang anim na letra sa taas-kaliwa ng keyboard) ay na-disenyo pa noong taon na 1874 para sa mabagal at lumang mekanikong typewriter? Pinasa lang ang QWERTY keyboard sa mga computer at mula doon ay pinasa naman ito sa mga smartphone.
Sa katunayan, noong 2002, naglabas si Saied Nesbat ng isang keyboard na nakabase sa 3×3 hugis ng siyam na letra na pinakamadalas gamitin sa English: ETAONRISH. Ginamit ang kanyang layout para sa keyboard na pinangalang “MessagEase.” Ito ay libreng pinamimigay ng kumpanyang ExIdeas na nakalugar sa Belmont, California.
Maaari ninyong i-download at i-install ang MessagEase keyboard sa inyong mga cellphone mula sa Google Play App Store. Pagkatapos ay pumunta kayo sa “Settings” ng smartphone ninyo at piliin ang “Additional Settings” at sunod naman ang “Languages and Input.” Siguraduhin sa “Manage Keyboards” na naka-On ang MessagEase Keyboard. Kung magloko ang MessagEase keyboard, panandaliang ibalik ito sa Gboard tapos umpisahan uli ang MessagEase.
Sa MessagEase keyboard, gamitin ang hintuturo (pointer finger) para tapikin (tap) ang siyam na malalaking titik: A, N, I, H, O, R, T, E, at S. Para naman ipasok ang natitirang 17 na letra, idulas (slide or swipe) ang daliri sa gilid ng malalaking butones. Halimbawa, para ipasok ang “U” ay tapikin ang “O” sa gitna tapos padulasin pataas ang daliri.
Sa paligid sa gitnang butones na “O” ay may walong titik: Q, U, P sa itaas at taas-pagilid, C sa kaliwa, B sa kanan, at G, D, J sa ibaba at baba-pagilid. Mangyari po na tingnan ninyo ang mga retrato (screenshots).
Ang maganda sa MessagEase, hindi mo na kailangan lumipat ng screen para ipasok ang mga simbolo at punctuation marks. Sa pamamagitan ng paggamit ng malalaking butones na mayroong tapik at padulas na galaw, maaaring ipasok ang 26 na titik at 37 na simbolo tulad ng kuwit (comma), tuldok (dot or period), colon, at iba pa.
Maaari rin na magpasok ng numero sa pamamagitan ng matagal na tapik (hold) ng siyam na butones upang ipasok ang mga numerong 1 hanggang 9. Mayroon ding “spacebar” sa ibaba ng siyam na numero na ginagamit sa pagpasok ng espasyo at ng “0” (zero) kung matagal ang pagtapik nito.
Kung gusto mong ipasok ang malalaking titik (capital letters), pwedeng pabilog (circular) ang galaw sa loob ng isang butones. Halimbawa, kung ordinaryong tapik lang sa H na butones, ang papasok ay ang maliit na titik “h” pero kung pabilog ang galaw ng daliri sa butones, malaking titik “H” ang papasok.
Para sa ibang letra na pinapasok gamit ang padulas na galaw, pwedeng padulas-paatras (slide-then-reverse or reverse-swipe) ang gagawin para maipasok ang malalaking titik.
Para mabilis matuto agad nitong MessagEase keyboard, may kasamang apat na laro ang software kung saan tuturuan ka na gamitin ang mga butones at ang iba pang espesyal na gawain. Umabot na daw sa 84 salita sa bawat minuto ang speed typing record gamit ang MessagEase.
Maaari daw ganap na matuto ng MessagEase sa loob ng isang araw hanggang isang lingo. Sa higit na 15 taon gamit ang MessagEase, nakapagsulat na ako ng maraming mahahabang artikulo sa Quora.com at iba pang pook-sapot (website) at Facebook posts.
Inaayawan ko na ang ordinaryong QWERTY keyboard layout kasi mabagal, mahirap, maasikaso, at nakakapagod itong gamitin. Titiisin niyo pa ba ang makalumang disenyo ng keyboard kung mayroong kakaibang disenyo na mas-madaling gamitin nang pangmatagalan?