Ang paghahari ng Diyos katulad ng malaking lambat na inihagis sa dagat at nakahuli ng sari-saring isda. Nang mapuno hinila ito sa pampang. At naupo ang mga tao upang pagbukud-bukurin ang mga isda: tinipon nila sa mga sisidlan ang mabubuti, ngunit itinapon ang mga walang kuwenta. Gayon din ang mangyayari sa katapusan ng daigdig. — Hesukristo sa Ebanghelyo ni San Mateo, 13:44-49
MARAMING video at pahayag ngayon tungkol sa katapusan ng mundo. Dahil sa pandemya, kahirapan ng buhay, digmaan at patayan, kalamidad at pinsala sa kalikasan, sigalot sa lipunan at maging sa Simbahan, nangangamba ang maraming tao na parating na ang wakas ng panahon o “end times” bago bumalik si Hesukristo.
Ayon sa pagsusuri o survey ng Pew Research ng Amerika noong isang taon, apat sa bawat sampung tao sa Estados Unidos (US) o 38 porsiyento ang naniniwalang nasa end times na tayo.
At ayon sa Lifeway Research ng Nashville, Tenessee, para sa 90 porsiyento ng mga Kristiyanong pastor sa US, narito na ang mga pangyayaring sinabi ni Hesus na magaganap sa wakas ng panahon sa Ebanghelyo ni San Mateo, Kabanata 24: mga huwad na propeta at pangaral, paghina ng pagmamahalan, pagtalikod sa tradisyonal na moralidad at Kristiyanismo, at digmaan, taggutom, lindol at iba pang kalamidad.
Kung palapit na nga o hindi ang wakas ng panahon at pagbabalik ni Kristo, batid na ng nananampalataya sa kanya ang mangyayari sa katapusan. Huhusgahan tayo ng Diyos, gaya ng salaysay ni Hesus sa pagbasang Misa ng Ika-16 na Linggo ng Karaniwang Panahon, nakasipi sa simula:
“Darating ang mga anghel at ihihiwalay ang mga makasalanan sa mga banal, at ihahagis ang mga makasalanan sa maningas na pugon. Doo’y mananangis sila at magngangalit ang kanilang ngipin.”
Diyos laban sa daigdig
Kung langit o impiyerno ang pagpipilian, walang dudang sa Poong Maykapal ang bawat tao. Ang hirap, sa buhay at daigdig natin, maraming pang-akit ang kamunduhan upang ilihis tayo sa panawagan ng Ama natin sa langit.
Makikita ito sa lahat ng pagbasang Misa sa Hulyo 30. Sa unang babasahin mula sa Unang Aklat ng mga Hari (Hari 3:5, 7-12), tungkol sa paghiling ni Haring Solomon ng biyaya sa Diyos, pinili niya ang “pusong maunawain at marunong kumilala ng masama at magaling,” sa halip ng “mahabang buhay, o kayamanan, o kamatayan ng iyong mga kaaway.” Sa Salmong Tugunan (Salmo 118:57 at 72. 76-77. 127-130), pagmamahal sa “tanang utos” ng Diyos ang itinanghal, subalit batid nating may sumusuway rin.
Sa ikalawang pagbasa mula sa Liham ni San Pablo sa mga taga-Roma (Roma 8:28-30), tinawag tayo ng Panginoon upang pawalang-sala at bigyang-dangal. Pero maaaring hindi tumalima sa tawag ni Kristo. Samantala, sa salaysay ni Hesus sa Magandang Balita ni San Mateo (Mateo 13:44-52), kailangang ipagbili ang lahat ng ari-arian para mabili ang yamang nakabaon at “perlas na napakahalaga.”
Sa madaling salita, maraming pag-akit at pambuyo sa mundo laban sa panawagan ng Panginoon. At palakas nang palakas ang mga tukso at tulak na naglalayo sa tao, pamilya, pamayanan, lipunan, sambayanan at sandaigdigan sa Diyos.
Pinakamalakas ngayon ang mga puwersa ng dahas, salapi at makasariling nasa. Sa tumitinding tunggalian ng malalaking bansa — nag-aapoy ngayon sa Ukrayna, subalit nagbabanta rin sa Asya — inuudyukan tayo na kumapit sa armas sa lupa, hindi Ama sa langit, para sa kaligtasan.
Gayon din, tinitingala ng bilyun-bilyong tao ang mga bilyonaryo bilang marapat tularan at pagsikapan: yaman sa bulsa at bangko ang panukat ng halaga ng tao, hindi yaman ng diwa at ugali. At wala na rin ang paglilingkod sa Diyos at kapwa sa hangarin ng madla, kundi ang sariling nais at ambisyon. Lalo pa itong lumalala dahil sa lumalaganap na kahirapan.
Paano babalik sa DIyos?
Sa ganitong paglihis ng buong mundo sa landas ng Panginoon, ano ang magagawa upang hindi mauwi ang tao sa masamang damo at walang kuwentang isda na binanggit ng Panginoong Hesus sa mga Misa noong Hulyo 23 at 30?
Lalo pang malaki ang peligro ngayong bilyung-bilyong tao ang hindi naniniwala sa Diyos, langit at impiyerno. Ayon sa survey o pagsusuri ng Pew Research ng Amerika sa 26 na bansa ngayong taon, mga 40 porsiyento ng mga taong kalahok ang hindi naniniwala sa Diyos o may pagdududa.
Samantala, sa taunang World Values Survey tungkol sa mga pananaw at patakaran ng buhay at asal sa mga pangunahing bansa, pahina nang pahina ang paniniwala sa DIyos, langit at impiyerno, at ang pahalaga sa relihiyon, lalung-lalo na para sa kabataan ng mundo. Awa ng Diyos, 100 porsiyento ng mga Pilipinong sumagot sa survey ang nagpahayag ng paniniwala sa Panginoon (https://tinyurl.com/448xhuza). Subalit walang tigil ang mga puwersang kontra pananampalataya. Paano sila lalabanan?
Sa sunod nating pitak sa Agosto 4, tatalakayin natin ang mga mensahe ng Panginoong dala ng Mahal na Birhen Maria upang gisingin ang sangkatauhan habang nagmumuni tayo sa Kapistahan ng Pagliliwanag at Bagong Anyo ni Hesus. Sa tayo ng mundo ngayon, kailangan na natin ang liwanag ng Diyos.