30.4 C
Manila
Biyernes, Disyembre 6, 2024

Humanda sa babala ng makapangyarihang Diyos

ANG LIWANAG

- Advertisement -
- Advertisement -

Nasaksihan namin ang kanyang kadakilaan nang ipagkaloob [kay Hesus] ng Diyos Ama ang karangalan at kapurihan. Nangyari ito nang marinig ang tinig mula sa Dakilang Kaluwalhatian ng langit. “Ito ang pinakamamahal kong Anak; siya ang lubos kong kinalulugdan.” Narinig namin ito sapagkat kasama niya kami sa banal na bundok.

                                                                        — Ikalawang Sulat ni San Pedro, 1:17-18

PAANO tayo gigisingin ng Diyos sa pagsamba at pagkahumaling sa mga idolo at tukso ng mundo? Ito ang iniwang tanong sa wakas ng huling pitak natin noong Hulyo 29 (“Iyon ang mangyayari sa katapusan ng daigdig,” https://tinyurl.com/sj7tjw8z). Hindi natin alam, siyempre, subalit may mga halimbawa sa Bibliya at kasaysayan, sampu ng mga patalastas hatid ng Panginoong Hesukristo, Mahal na Birhen, at mga santo at mistiko.

Pinakamatinding halimbawa ng pagbulahaw ng langit sa taong lulong sa kamalian ang pagbabagong-loob ni San Pablo sa Gawa ng mga Apostol (Gawa 9:1-19). Patungong Damasko mula Herusalem upang mandakip ng Kristiyano, nasilaw siya, nahulog sa kabayo, at kinausap ni Kristo sa dati niyang pangalan: “Saulo, Saulo! Bakit mo ako inuusig?” Dahil sa nangyari, naging apostol si San Pablo, ang pangunahing nagpalaganap ng Kristiyanismo sa Imperyong Romano.

Higit pang kamangha-mangha ang pagpapakitang isinalaysay sa Ebanghelyo ni San Mateo (Mateo 17:1-9), babasahin sa Misa ng Agosto 6, ang Kapistahan ng Pagliliwanag at Bagong Anyo ni Hesus (Transfiguration sa Ingles). Tinukoy rin ito sa pangalawang pagbasa mula sa Ikalawang Sulat ni San Pedro, sinipi sa simula.


Ani San Mateo: “Noong panahong iyon, isinama ni Hesus si Pedro at ang magkapatid na Santiago at Juan, at umakyat sila sa mataas na bundok. Samantalang naroon, nakita nilang nagbagong-anyo si Hesus: nagliwanag na parang araw ang kanyang mukha, at pumuting parang busilak ang kanyang damit. Nakita na lamang at sukat ng tatlong alagad sina Moises at Elias na nakikipag-usap kay Hesus.”

Ayon sa mga komentaryo, naganap ang pagbabagong-anyo ni Hesus hindi lamang upang ipamalas ang pagka-Diyos niya, kundi upang patibayin ang loob ng tatlong Apostol sa darating niyang Pasakit at Pagkamatay. Kung isinaisip nila ang naganap sa bundok, patunay ito na mabubuhay muli si Hesus, gaya nina Moises at Elias.

Hoy, gising!

Gagawin kaya ng Diyos ang pagmumulat sa atin gaya ng ginawa kina Apostol San Pedro, Santiago, San Juan at San Pablo? Bahit hindi?

- Advertisement -

Sa buong kasaysayan, napakaraming pagpapakita nina Hesus, Maria, Jose at iba pang banal, pati ang Arkanghel San Miguel, upang magdala ng mga pahayag, panawagan at babala galling langit.

Pinakakagimbal-gimbal ang anim na pagdalaw ni Maria sa tatlong batang pastolero sa Fatima, Portugal, tuwing ika-13 ng buwan mula Mayo hanggang Oktubre 1917. At sa huling pagpapakita, nagkaroon ng mga himalang mahihigtan lamang ng Muling Pagkabuhay ng Panginoong Hesukristo.

Sa binagyong araw na iyon sa burol ng Cova de Iria, biglang tumigil ang ulan sa katanghalian at lumabas ang araw na pinagmasdan ng 70,000 katao nang hindi nasasaktan ang mata. Nagpakita ang Mahal na Birhen dala ang Batang Hesus, at gayon din si San Jose. Tapos, nagsasayaw ang araw sa langit, halos bumagsak sa lupa, at umakyat muli sa himpapawid. Sa wakas ng pangitain, tuyo ang madla at lupa na parang walang unos. At unang pahayagang nag-ulat nito ang kontra-Katolikong O Seculo, sulat ng patnugot na dumalo sa Fatima upang libakin ang ipinangakong himala, ngunit sa halip nagpatotoo nito, bagaman inatake siya ng kapwa Mason.

Ano naman kaya ang gagawin ng Diyos upang gisingin ang bilyun-bilyong katao na hindi naniniwala sa Kanya o sa langit at impiyerno, ayon sa pandaigdigang survey o pagsusuri (https://tinyurl.com/36cn6mjv)? Isa pang pagpapakita ng Ina ng Diyos ang marahil sasagot dito.

Sa bayan ng Garabandal, Espanya, mula 1961 hanggang 1965, nabalitang nagpakita si Maria nang libu-libong ulit sa apat na batang babae, kasama ang mga himala. (Pinag- aaralan pa ng Simbahan kung tunay ngang gawa ng Diyos ang mga aparisyon.)

Sa 1962, isinaad ni Maria na sa hinaharap magbibigay ang Diyos ng tinaguriang “Babala”: ipababatid Niya sa bawat tao ang mga kasalanan niya, ang masasamang bunga nito, at saan tutungo ang kaluluwa niya kung hindi magsisi at humingi ng awa.

- Advertisement -

Sa Babala malalaman nating lahat ang tunay na lagay ng ating kaluluwa at ang dapat gawin para sa kapatawaran at katubusan, anuman ang relihiyon at katayuan sa buhay. Sa gayon, wala nang makapagsasabing hindi niya alam ang tunay na Diyos at ang mga pagkakasala niya dahil walang tamang pangaral sa pananampalataya.

Magaganap ba ito? Ayon sa Mahal na Birhen, may tatlong pangyayaring mauuna sa Babala: sinoda or kapulungan ng Simbahang Katolika, muling pagsigla ng komunismo, at pagdalaw ng Papa sa Moskba, ang punong lungsod ng Rusya.

May napakahalagang sinoda ngayon, at lumalaganap muli ang mga patakaran at pananaw ng komunismo sa mundo. May balak din si Papa Francisco na dumaan sa Paliparang Moskba pagbiyahe niya sa Mongolya sa Agosto 31, upang makapulong si Patriyarka Kirill, ang pinuno ng mga Kristiyano sa Rusya.

Humanda na tayo sa pagbulahaw ng Poong Maykapal.

- Advertisement -
- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -