31.2 C
Manila
Huwebes, Nobyembre 14, 2024

Ang masaganang bukas nasa siyensya at matematika

TALAGA

- Advertisement -
- Advertisement -

ANONG trabaho o karera ang magandang pag-aralan sa kolehiyo o paaralang technical o vocational?

Ito ang dapat pinag-iisipan ng mga kabataang sa mga huling taon ng mataas na paaralan o senior high school. Kaya lang malakas ang hatak ng TikTok, YouTube, Facebook at iba pang social media o socmed sa mga bagets.

Kaya naman, sana mabasa itong pitak natin ngayon ng mga magulang at mapag-usapan nila ng mga anak nila. Pihadong may mga binata at dalagang aayaw sa usapang trabaho, pero magpursige tayong matutukan ng mga anak ang kinabukasan nila.

STEM o science, technology, engineering at mathematics — nasa mga larangang ito ng agham, teknolohiya, pag-eenhinyero at matematika ang malaking bahagi ng mga trabahong maganda ang kita at paglago ngayon at sa mga taong darating.

May mga iskolar ang parokya namin sa Greenhills na nagtapos noong isang taon, at bago pa man magtapos ng kompyuter, may mga kompanyang pandaigdigan na handang mag-alok ng trabahong teknikal sa mga bata. At iyong hindi nagkatrabaho bago mag-graduate, nakakuha agad sa loob ng ilang linggo.


Unahan sa mga eksperto ng STEM

At dito pa lang iyon sa Pilipinas. Sa buong mundo, lalo pang lumalaki ang pangangailangan ng mga aral at dalubhasa sa STEM. Sa Amerika lang, ayon sa pag-aaral ng Oxford Economics at Semiconductor Industy Association (SIA), mga 1.7 milyon trabaho sa larangan ng kompyuter ang baka hindi maihanap ng tauhan sa taong 2030. Kabilang dito ang siyentipiko, tekniko at enhinyero sa kompyuter.

At lalo pang lumulubha ang kakulangan ng tao dahil sa hangad ng Estados Unidos (US) na palakihin at palakasin ang industriya ng semikonduktor, ang mga mikroskopikong sirkit ng kompyuter na nagpapatakbo ng napakaraming modernong kagamitan, mula telepono at kasangkapang bahay hanggang mga raket, eroplano, tangke, barko at submarinong pandigma.

Nagbubunsod nitong paglago ng industriyang semikonduktor ang batas ng Amerika noong isang taon, ang CHIPS and Science Act of 2022, na naghahangad tapatan at lampasan ang progreso ng Tsina sa sector na ito. Bukod sa pagtatayo ng sarili nitong mga pabrika at laboratoryo ng panaliksik, inaakit din ng US ang mga pangunahing kompanya sa Asya at Europa, hindi lang ang Hapon at Timog Korea, kundi pati Vietnam, upang magtayo ng pagawaan ng semikonduktor sa Amerika.

- Advertisement -

Subalit sa lahat nitong mga programa para sa industriyang semikonduktor ng US, pirming hamon at problema ang paghanap, pagkuha at pagtuturo ng mga tauhang kompyuter. Kaya naman, kung maisipan ng anak na STEM ang kunin sa kolehiyo, maganda at masagana ang hinaharap niya pagkakuha ng diploma.

Ngayon, hindi kailangang makatapos ng apat na taong kolehiyo para magkatrabaho sa industriyang semikonduktor o iba pang dako ng sektor ng teknolohiyang impormasyon at komunikasyon (ICT sa Ingles). Sa pag-aaral ng SIA-Oxford Economics, maaaring magkatrabaho ang may sertipiko ng dalawang taong pag-aaral, diplomang unibersidad, master o doktorado. Kaya maraming Pilipino ang maaaring maghangad pumasok sa ICT sa Amerika, sampo ng ibang bansang malakas sa industriyang ICT.

At maraming kompanya ang magpapaaral sa mga tauhang kompyuter na kulang ang kaalaman, basta may talino at tiyaga. Bukod dito, maaaring makipagtuwang ang Pilipinas sa mga kompanya at ahensiyang US upang makapagturo ng kabataang Pilipino at makapagbigay ng pahintulot magtrabaho sa Amerika para sa makakatapos ng kursong kailangan ng industriyang kompyuter at semikonduktor.

Dapat maghasa mula pagkabata

O, maghahanda na ba tayong magkompyuter sa Amerika. Sandali lang.

Kung ibig nating makapag-aral ng kompyuter ang mga anak natin at makakuha ng magandang kita sa industriya ng ICT, dapat maghasa na ang isip sa larangan ng matematika, agham at teknolohiya mula sa pagkabata. Dapat magpursige sa pag-aaral na ito kahit nasa unang mga baitang pa lamang ng mababang paaralan.

- Advertisement -

Kung hindi masigasig sa mga kursong ito habang bata, huwag nating asahan na biglang huhusay ang mga anak natin pagdating sa kolehiyo. Ang hirap, kadalasan, hindi binibigyang halaga at pansin ang agham, teknolohiya at matematika.

Sa halip, madalas nakatutok ang kabataan sa awit, sayaw at libangan. Napakahalaga rin sa bayan at kinabukasan ang sining, awit at sayaw, subalit kung karerang STEM ang hangad natin para sa mga anak, lalo na kung kailangan ng pamilya ang magandang kita mula sa isa o dalawang anak, kailangan silang tumutok sa agham, teknolohiya at matematika, lalo na kung limitado ang galling nila sa sining, musika at pagtatanghal.

Ngayon, kung ibig nating magpursige sa kaalamang STEM ang anak, kailangang ipakita sa kanila ang halaga, gawain, biyaya at iba pang kagalingan ng trabahong tekniko. Hindi ito nabibigyang ng gaanong pansin.

Sa kabilang dako, paligid tayo ng palabas at pagkilala sa mga mang-aawit, artista, mananayaw at iba pang sikat sa sining. Kung ito ang laging nakikita, pinag-uusapan at pinagkakaguluhan ng mga bagets, hindi nga sila mahihikayat sa aral at karerang agham, teknolohiya at matematika.

At hindi lamang ito hamon sa pamilya, kundi sa bansa rin. Laging nasa buntot ng pandaigdigang test ng agham at matematika ang Pilipinas. Dapat itong aksiyunan para sa kaunlaran natin, at simula ng pagkilos ang paghihikayat ng ating mga anak sa STEM.

 

- Advertisement -
- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -