30.4 C
Manila
Sabado, Oktubre 5, 2024

Bakit kailangang umutang sa ibang bansa para umunlad? Paano malalaman kung sumusobra na ang panlabas na utang?

TINGIN SA EKONOMIYA

- Advertisement -
- Advertisement -

ANG pangungutang sa ibang bansa ay ginagawa kapag una, kailangan ng puhunan para maidagdag sa limitadong pondo ng bansa at ikalawa, kapag may sakuna o pagbagsak ng ekonomiya at kailangang mapunan ang kulang na pondo para  maibsan ang epekto ng sakuna at pagbagsak ng ekonomiya at para makausad papalabas dito.

Sa unang kaso, umuutang tayo sa multilateral financial institutions gaya ng ADB at World Bank para mapalaki ang pondo para sa impraestruktura o capital outlays na siya ring nagpapalago sa pamumuhunan ng pribadong sector. Napakataas kasi ang economic rate of return ng inprastruktura at capital outlays. Mula 1980 hanggang 2022, average economic rate of return ng capital outlays ng National Government (NG) ay 39% porssyento per annum, sadyang napakataas kumpara sa 1 porsyento na average real interest rate ng mga utang ng gobyerno. Napakalakas pa ang hatak ng inprastruktura sa pribadong investment na nakakahila  ng 3.7 times sa orihinal na gastos ng gobyerno. Ito ang dahilan kung bakit lumakas ang real GDP growth ng bansa sa 6.4 porsyento bawat taon mula 2010 hanggang 2019 kumpara sa 4.3 porsyento mula 1950 hanggang 2009.

Sa ikalawang kaso, kapag may sakuna o economic recession, kailangang umutang ng dagdag na kapital para makausad palabas dito. Noong panahon ng pademya (2020 hanggang 2022, umutang ang bansa ng P5.6 trilyon, P3.3 trilyon para sa inprastruktura at P2.3 trilyon para maibsan ang epekto ng pandemya. Nagbigay ang gobyerno ng ayuda sa mga nawalan ng trabaho at bumili ng bakuna para panlaban sa nakamamatay na sakit. Kailangan lang pag umutang para sa consumption, kailangang magtipid at ibigay lang ang tulong sa mga nangangailangan, mga mahihirap at nawalan ng hanapbuhay.

Para hindi mahulog sa debt trap o patibong ng pangungutang, kailangan ng mahusay na pangangasiwa sa mga proyekto at ang masinsin na pagmonitor o pagsubaybay sa mga bayarin sa hinaharap. Nakapag-develop na ang mga bansa ng debt ratios na kung saan, malalaman kung sumosobra na ang pangungutang at mahihirapan na ang bansang magbayad nito. Dahil sa kahirapan naranasan ng mga bansa noong tinatawag na debt crisis noong early 1980s at Asian crisis noong 1997-1998, nagtayo ang Asean ng mekanismo na siyang susubaybay sa mga debt ratios na ito para para di na maulit ang mga krisis pang-ekonomiya na dinaanan ng mga bansa. Itinayo ang Asean Macroeoconomic Research Office (AMRO) na sumusubaybay sa mga economic indicators ng mga miembro ng Asean. Sa buong daigdig, nagtayo ang mga multilateral agencies na gaya ng World Bank, International Monetary Fund (IMF) , at Asian Development Bank (ADB) ng economic research offices para masubaybayan ang pag-implementa ng kanilang lending programs at ang impact nito sa mga bansang pinautangan. Nagtayo rin ng pribadong sektor ng mga international credit rating agencies gaya ng Standard & Poors, Moody’s at Fitch Ratings na tinaguriang Big 3 kasi sila ang mga pinakamalaking credit rating agencies. Ang mga nakakariwasang  bansa na may bilateral lending programs ay nagtayo rin ng mga credit rating offices na gaya ng Japan Credit Rating Agency (JCRA) at Rating & Investment Information (R&I) ng Japan,  RAM Rating Services ng Malaysia, at NICE ng South Korea. Ang mga bansa at korporasyon ay isa-isang nilang inuurirat at binibigyan nila ng credit rating na siyang gabay ng mga investors sa pagpapautang. Ang pinakamataas na rating ay AAA o Aaa at ibinibigay lamang sa mga developed na bansa at mangilan-ngilang emerging economies na may mataas na per capita GDP.  Ang pinakamababa ay D sa S&P at Fitch at C sa Moody’s na ang ibig sabihin ay mahina ang creditworthiness at malaki ang risk ng nagpautang.

Ang pinakamataas na rating ng  Pilipinas sa tinaguriang Big 3 ay BBB+ na ibinigay ng Standard & Poors; ito ay one level na mas mababa kaysa minimum A rating. Nasa baba ang rating natin sa Moody’s na BAA2 at n Fitch na nagbigay sa atin ng rating na BBB na ang ibig sabihin ay “good creditworthiness.” Ang mga rating na ito ay investment grade  na ang ibig sabihin ay pinapayagang mag-invest ang mga pension funds ng iba’t ibang bansa sa mga bonds at stocks na na-isyu ng ating gobyerno at mga korporasyon. Noong 2020, binigyan ng JCRA ang rating ng Pilipinas na A- at ang sabi ay “matatag ang ekonomiya sa gitna ng pandemya.”


Noong pandemya na kung saan bumaba ang GDP growth ng Pilipinas sa -9.7 porsyento, lumobo ang depisit ng National Government (NG) sa average na -7.8 porsyento ng GDP sa tatlong magkasunod na taon mula 2020 hanggang 2022, at ang utang ay lumukso sa 62.5 porsyento ng GDP mula 39.6 porsyento, hindi nagbago ang credit rating ng bansa. Natapyasan lang ang outlook ng rating sa negative ng Fitch na binawi nila noong 2023 (naging stable) pero nanatili ang rating sa investment grade.

Ang dahilan ng magandang rating ng Pilipinas ay ang external debt-GDP ratio ay tumaas lang nang bahagya, mula 20.2 porsyento ng Gross National Income (o Gross Domestic Product plus Net factor Income from Abroad) noong 2019 sa 26.1 porsyento noong 2021 na kasagsagan ng pandemya. Ito ay bumaba nang bahagya sa 26.0 porsyento noong 2022 at tumaas uli sa 27.2 porsyento noong Marso 2023 nang nagsimulang kumagat ang tight monetary policy sa mga trading partners ng bansa at bumaba ang exports ng Pilipinas. Ngunit ito ay sadyang mababa pa rin kung ikumpara sa 50.7 porsyento noong 2000.

Noong panahon ng pandemya, tumaas din ang ratio ng external debt sa Exports of Goods & Services, Primary Income and Secondary Income. Ang external debt ay binabayaran sa pamamagitan ng foreign exchange receipts kaya dapat din itong manmanan at ikumpara sa galaw ng external debt.   Isinasama ng Primary Income at Secondary Income ang $31 bilyon na kita ng OFWs at $13 bilyon na kita ng mga Filipino investments sa labas ng bansa noong panahon ng pandemya. Mula 61.1 porsyento noong 2019, ang ratio na ito ay umakyat sa 82.2 89 porsyento  noong 2020, pero mabilis din itong bumaba sa 77.7 porsyento noong 2022 at 71.8 porsyento noong Marso 2023. Kumpara sa 107.0 porsyento noong 2000 at 92.9 porsyento noong 2010, mas malakas pa rin nang di hamak ang debt ratio ngayon.

 

- Advertisement -
Table 1. EXTERNAL DEBT
2000 2010 2019 2020 2021 2022 2023
March
External debt outstanding, US$ Billion 52.06 73.594 83.618 98.49 106.428 111.268 118.812
% of Gross National Income 50.7% 27.3% 20.2% 25.3% 26.1% 26.0% 27.2%
% of Exports of Goods & Services, Primary Income & Secondary Income 107.0% 92.9% 61.1% 82.2% 81.8% 77.7% 71.8%
Sources: Bangko Sentral ng Pilipinas & Philippine Statistics Authority

 

Kung ikumpara naman sa mga kapit-bansa, isa sa mga pinakamababang external debt-GNI ratios ang Pilipinas. Ang ratio ng Pilipinas ay 26.11 porsyento sa 2020 at 26.05 porsyento sa 2021 samantalang ang average na ratio ng siyam na bansang mabibilis ang economic growth ay 34.8 porsyento. Sa siyam na  bansang  nasa Table 2, ang Pilipinas ay ikatlo sa mga pinakamababa ang external debt ratio. Ito ang dahilan kung bakit malakas ang macroeconomic fundamentals ng bansa at mabilis itong umilag sa mga tilamsik ng krisis pang-ekonomiya.

Table 2. EXTERNAL DEBT-GNI RATIOS 2020 2021
Philippines 26.11% 26.05%
Indonesia 41.40% 41.80%
Malaysia 68.70% 67.80%
Thailand 42.00% 43.20%
China 16.00% 14.10%
South Korea 27.30% 27.50%
Taiwan 31.80% 33.70%
India 22.00% 19.60%
Vietnam 38.20% 39.29%
AVERAGE 34.83% 34.78%
Source: World Bank  & Bangko Sentral ng Pilipinas

 

 

 

 

- Advertisement -
- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -