31.2 C
Manila
Huwebes, Nobyembre 14, 2024

Hack sa Philhealth, taas-bigas at digmaang Israel

TALAGA

- Advertisement -
- Advertisement -

Wow! Medyo maligalig ang mundo at bansa sa pagpasok ng Oktubre. Para sa mga nagbabasa ng pitak nating Ang Liwanag noong Setyembre 29, baka maisip nilang simula na nga ng tinaguriang Tribulasyon na sabi ng isang paring taga-Brasil, magsisimula sa buwang ito.

Tribulasyon man o hindi, may dahilang mabahala sa mga balita.

Una, inalis ng Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang takdang presyo sa bigas na P41 at P45 kada kilo, depende sa kinis. Mukhang hindi umobra: pumalo ng 6.1 porsiyento ang taas ng presyo o inflation noong Setyembre sa tulak ng halaga ng bigas at langis.

Tapos, lumabas ang balitang na-hack o napasok ang mga sistemang kompyuter ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) noong Setyembre 22, at mahigit 700 gigabyte ng nakaw na impormasyon ang nailabas na internet at maaring gamitin ng mga criminal laban sa mga tauhan o kliyente ng PhilHealth — baka kabilang tayo.

At nito lamang unang Sabado ng buwan, Oktubre 7, naglunsad ang Palestinong grupong Hamas ng malawakang atake sa Israel, pumaslang ng daan-daang katao at bumihag ng mga sundalo at hostage. Tuloy, nagdeklara ng giyera laban sa Hamas ang Israel at sa ganti nitong pagbobomba, mahigit 200 ang agad napatay.


Pagsubok kay Marcos

Sa mga pangyayaring ito at pati na rin sa patuloy na girian sa dagat ng China, Pilipinas at mga kaalyado nating bansa, lalo ng ang Estados Unidos (US), pihadong masusubok na nang di-hamak ang administrasyong Marcos.

Pinakamalaking hamon siyempre ang ekonomiya, lalo ang patuloy na pagmahal ng bigas. Isang dapat sisihin ang Pangulo mismo dahil sa pamumuno niya ng Kagawaran ng Pagsasaka sa mula’t mula, gayong wala siyang oras patakbuhin iyon nang ayos. Anim na buwan na raw hindi niya napupulong ang mga pangalawang kalihim o undersecretary ng ahensiya.

At gaya ng naipaliwanag natin noon, pag-akyat ng inflation sa hila ng bigas, langis at iba pang pangunahing bilihin, mapipilitan ang Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) panatiliing mataas din ang interes o singil sa pautang na siya namang nakapipigil sa mabilis na paglago ng negosyo at paglikha ng trabaho.

- Advertisement -

Dahil kapwa sa inflation at paghina ng ekonomiyang pandaigdig, kabilang ang China na napakahalaga sa Asya, ibinaba ng International Monetary Fund (IMF) at mga bangkong pangdaigdig ang estima nila sa magiging paglago ng ating ekonomiya.

Kaya humanda tayo sa magkabilang piga ng presyong tumataas at kabuhayang tumutumal. At dahil dito, malamang hindi agad makaangat at baka pa lalong bumaba ang grado ng Pangulo sa mga survey o pagtatanong sa publiko.

Sa ulat ng Pulse Asia sa Setyembre, halimbawa, bumaba ang porsiyento ng taong aprobado si Marcos sa 65, mula 73. Samantala, umakyat sa 56 porsiyento mula 37 noong Hunyo ang publikong di-aprobado ang nagawa ng administrasyon sa paglaban sa inflation.

Peligro sa hacking at Hamas

Tungkol naman sa hacking ng PhilHealth, mukhang hindi kumilos nang sapat ang pamunuan sa kabila ng maliwanag na banta ng atake sa internet o cyberattack. Unang-una, nagkaroon na ng hacking noong 2016 na nagnakaw ng impormasyon tungkol sa milyun-milyong botante.

Tapos, bago pa man ang pandemya, napasukan mismo ang Ministeryo ng Kalusugan ng Singapore, isa sa pinakabatikan sa teknolohiyang kompyuter sa buong mundo. Nadukot ng mga hacker maging ang impormasyong mediko ng Punong Ministro Lee Hsien Loong, ang pinuno ng gobyerno.

- Advertisement -

Kung nangyari iyon sa Singapore, dapat nag-ingat at nagpatibay ng sistema ang PhilHealth. Pero ang isang balita, noong Mayo, hindi itinuloy ang serbisyo para sa seguridad o cybersecurity ng ahensiya dahil sa kakulangan ng pondo, at ito marahil ang isang dahilang nakapasok ang mga hacker.

Ngayon, sa ulat ng Kagawaran ng Teknolohiyang Pang-Impormasyon at Komunikasyon (DICT sa Ingles), ang pangunahing ahensiya sa information technology o IT, mga 700 gigabytes ng nakaw na datos ng PhilHealth ang inilabas sa internet. Katumbas iyon ng teksto ng 1,800 Bibliya.

At mukhang may inilabas na impormasyon hindi lamang sa mga tauhan ng PhilHealth, kundi pati sa mga kliyente, kabilang ang mga resibo ng bayad sa premium o tauhang singil ng ahensiya. Sasabihan daw ng PhilHealth ang lahat ng taong apektado ng pagnanakaw at pagbubunyag ng datos.

Ano ang dapat gawin ng mga kliyente ng PhilHealth na may mandatong ilahok ang lahat ng mamamayan?

Una, alamin agad sa tanggapan ng PhilHealth o sa sariling kompanya kung maaring mahinto ang serbisyo ng ahensiya patungkol sa iyo. May mga sistemang inihinto muna ng PhilHealth para hindi mapasok, at mahigit sampu ang naibalik na.

Pangalawa, palitan ang mga password o lihim na numero o ngalan para sa bangko at iba pang paraan ng pagbabayad o pagtanggap ng pondo sa PhilHealth gamit ang internet, kung sakaling nanakaw ito.

At pangatlo, magmatyag sa kahina-hinalang pangyayari sa mga platapormang gamit natin sa internet, gaya ng email, Facebook at X or Twitter, at iulat agad ito sa adminstrador ng plataporma.

Sa paglabas ng iba pang balita tungkol sa PhilHealth at sa Israel din, patuloy nating tatalakayin ang mga pangyayaring ito. Ingat na lang tayong lahat.

- Advertisement -
- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -