26.4 C
Manila
Miyerkules, Pebrero 19, 2025

Implikasyon ng pagkitid ng trade deficit

- Advertisement -
- Advertisement -

NAIBALITA sa The Manila Times noong Oktubre 11, 2023 na ang trade deficit ng bansa noong Agosto 2023 ay kumitid kung ihahambing sa buwan ng Hulyo 2023 at noong nakaraang taon.  Ang balanse sa kalakalan o trade balance ay ang agwat sa pagitan ng eksports ng bansa at ng imports nito. Kung positibo ang agwat, ang bansa ay nakararanas ng trade surplus dahil mas mataas ang antas ng eksports sa halaga ng inaangkat. Ipinahihiwatig nito na kayang tustusan ng kita mula eksports ang gastos sa ating mga inaangkat. Samantala, kung ang agwat ay negatibo may trade deficit ang ekonomiya. Ito ay naglalahad na ang kabuoang imports ng mga produkto ng bansa ay mas mataas sa ating kabuoang eksports ng mga produkto. Nagpapahiwatig ito na hindi kayang tustusan ng kita mula sa eksport ang ating inaangkat. Ilan sa mga alternatibo upang punan ang trade deficit ay ang pangangailangang mangutang ng bansa upang tustusan ito o bawasan ang iba’t ibang gugulin ng ekonomiya.

May ilang ekonomista ang naniniwala na ang pagkitid ng trade deficit ay tanda ng pagbangon ng ekonomiya dahil ang eksports ay nagmumula sa produksiyon sa loob ng bansa samantalang ang imports ay gawa sa ibang bansa. Kung titignan ang datos ayon Philippine Statistical Authority, ang kabuoang kalakalang panlabas ng bansa ay bumaba sa halagang $ 17.53 bilyon mula sa $ 18.89 bilyon na naitala noong Agosto 2022. Tinataya na halos $ 10.83 bilyon o 62 porsiyento kalakalang eksternal ng bansa ay nagmula sa ating imports at $ 6.7 bilyon lamang ang nanggagaling sa ating eksports. Kahit ang eksports ay kumakatawan lamang sa 38 porsiyento ng kabuoang eksternal na kalakalan ng bansa, kapunapunang  nagpapakita ito ng pagsigla ng ekonomiya dahil tumaas ito ng 4.2 porsiyento mula noong isang taon. Samantala, ang imports ay bumaba ng halos 9.6 porsiyento % kung ihahambing sa nakaraang taon. Ito ay ang batayan ng ilan sa pagsasabing bumabangon na ang ating ekonomiya dahil positibo ang paglaki ng mga produktong gawa sa loob ng bansa at ang iniluluwas natin sa ibang bansa.

Kung sinasabi nilang ito ay simula ng pagbangon ng ekonomiya, may iba akong pananaw. Kahit na ang mga eksports ay gawa sa ating bansa, karamihan nito o  57.8 porsiyento nito ay mga produktong electronics. Hindi talaga ang bansa ang gumawa nito dahil malaking bahagi ng mga hilaw na materyal na ginamit sa pagbuo ng produktong electronics ay gawa ng ibang bansa. Ang ambag ng ating bansa o ang value added ay ang  halaga ng pagproproseso ng mga inangkat na hilaw na materyal upang maging produktong elektroniko. Makitid lamang ang kontribusyon nito sa pambansang produksyon at pambansang kita dahil galing lamang ito sa kontribusyon ng  ating mga manggagawa at sa paggamit ng mga makinarya sa pagproproseso.

Samantala, ang pangunahing inaangkat ng bansa ay mga produktong electronics din na kumakatawan sa halos, 22.4 porsiyento ng kabuoang inaangkat ng bansa. Samakatuwid kung ito ay bumababa, tinatayang maaaring bumababa ang ating eksports sa mga susunod na panahon dahil kakailanganin natin ng mga hilaw na sangkap upang maiproseso nang maging eksports na electronics. Samakatuwid, sa halip na pagbangon baka nagbabadya ang pagkitid ng trade deficit ng matamlay na eksports at maaaring pagbagal ng paglaki ng ekonomiya sa mga susunod na panahon.

Isa sa mga dahilan kung bakit ang ekonomiya ng Pilipinas ay hindi kasing unlad ng South Korea at Taiwan ay bunga ng mahinang industriya ng mga hilaw na materyal na kinakailangan sa pagbuo ng mga huling produkto na maaaring iluwas sa ibang bansa. Ang South Korea at Taiwan ay may masisigla ekonomiya dahil sa malalawak at episyenteng industriya ng mga hilaw na materyal. Kahit mahal ang pasweldo sa mga manggagawa sa mga ekonomiyang ito, nakapagprodproduysus sila ng mga produktong electronics na mas mura dahil mura ang kanilang mga hilaw na sanggap na galing sa loob ng kanilang ekonomiya. Samantala, ang Pilipinas ay umaasa sa mga inaangkat na hilaw na materyal. At kapag tumaas ang halaga ng US dolyar o nagkakaroon ng depresasyon ang PH piso, magiging mahal ang mga inaangkat na hilaw na sangkap at kakaunti lamang ang ating maiaangkat at kakaunti lamang ating maiproproseso at mailuluwas. Nakatali at palaasa tayo sa mga inaangkat ng hilaw na sangkap di tulad ng South Korea at Taiwan. Dahil dito ang idinagdag na halaga ng mga produktong tulad ng electronics sa ating pambansang kita ay makitid lamang. Hindi tulad ng South Korea at Taiwan, napakalawak ng idagdag na halaga dahil ang produksyon ng mga hilaw na sangkap at produksyon ng mga huling produkto ay galing sa loob ng bansa at prinoseso ng kanilang manggagawa at mga makinarya.


Ang kalagayang ito ng ating ekonomiya ay hamon sa ating mga lider na palakasin ang mga industriya ng mga hilaw na sangkap. Ang hamon sa Pilipinas ay kung papaaano tayo makapagtutunggali sa mura at mataas kalidad ng mga hilaw na sangkap na gawa sa South Korea at Taiwan. Mahirap gawin ngunit kailangang simulan.

- Advertisement -
- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -