32.5 C
Manila
Biyernes, Disyembre 6, 2024

Giyera sa pagitan ng Israel at Palestine ngayon, may pinag-ugatan ba sa mga pangyayari sa nakaraan?

- Advertisement -
- Advertisement -

Ikatlong bahagi

BABALIKAN natin sa artikulong ito ang Common Era matapos nating talakayin ang mahahalagang pangyayari sa panahon ng Before Common Era o BCE sa una (https://www.pinoyperyodiko.com/2023/10/16/balita/sumiklab-na-giyera-sa-pagitan-ng-israel-at-palestine-saan-nagmula/2829/) at ikalawang bahagi (https://www.pinoyperyodiko.com/2023/10/17/balita/giyera-sa-pagitan-ng-israel-at-palestine-ngayon-may-kinalaman-ba-sa-nakaraan/2849/) ng artikulong ito.

Sinusubukan nating alamin ang mga pangyayari sa kasaysayan na naging dahilan ng walang katapusang giyera sa pagitan ng Israel at Palestine ngayon na nasa ika-13 araw na ngayon ng lumalalang sitwasyon.

Missile attacks sa Gaza nagpatuloy. FILE PHOTO

Ayon sa huling ulat ng The Manila Times kahapon, Oktubre 18, 2023, hindi natuloy ang nakatakdang pagpunta  sa Israel at Jordan ni  US President Joe Biden matapos kanselahin ito dahil sa ginawang pag-atake sa isang ospital sa Gaza na pumatay sa may 500 katao.

Sinisisi ng Hamas ang pag-atake ng Israel subalit ayon sa Israel, ito ay mula sa rocket ng Hamas na nagkamali sa pag-atake.

Habang paakyat na si Biden sa Air Force One noong Martes (Oktubre 17), inanunsyo ng Jordan na ang planong four-way summit kay Palestinian Mahmud Abbas, Jordanian King  Abdullah II at Egypt’s President Abdel Fattah al-Sisi ay kanselado na.

Pero ayon sa pinakahuling ulat ngayon (Oktubre 19), tumuloy si Biden sa Israel at nakipagpulong kay Israeli Prime Minister Benjamin Netanyahu at sa kanyang gabinete at sa mga pamilya ng mga namatay at nawawala dahil sa giyera.

Samantala, ang unang batch ng 17 Pilipino mula sa Israel ay dumating kahapon, Miyerkules, ayon sa Departments of Migrant Workers (DMW) at Foreign Affairs (DFA). Sinabi naman ng Philippine Embassy sa Tel Aviv na ang ikalawang batch ng 19 na mga Pilipino sa Israel ay inaasahang darating ngayon, Huwebes.

Sa kabilang banda, hinihimok ng Philippine Embassy sa Beirut ang mga Pilipino na malapit sa border ng Katimugang Lebanon na lumikas na rin para makaiwas sa nagaganap na giyera. Ayon sa ulat, dahil sa labanang nangyayari sa border ng Lebanon at Israel, may limang Hezbollah fighters ang namatay sa isang araw na paglalabanan.

Ngayon balikan natin muli ang nakaraan sa pag-uumpisa ng Common Era o ang Karaniwang Panahon. Ang Common Era o ang AD o Anno Domini ay isa sa mga notasyon ng taon na ginagamit para sa kalendaryong Gregoryano (at hinalinhan nito, ang kalendaryong Huliyano), ang pinakaginagamit na panahon sa kalendaryo sa buong mundo ngayon.

1st century AD, ang panahon ng Emperyong Romano at Kristiyanismo

Noong 117 AD, maraming sinakop ang Emperyong Romano sa Europa at Asya maging ang Kingdom of Judea at dito rin sumikat si Haring Herod the Great. Si King Herod ay isang Romano na namuno sa Judea. Nakilala siya dahil sa kanyang galing sa pagpapatayo ng mga gusali kabilang ang muling pagpapatayo ng Temple of Jerusalem. Dahil sa kanya ay yumaman ang Judea at ang Jewish community.

Ayon sa Gospel of Matthew sa Biblia, siya ang hari noong ipinanganak si Hesus sa Bethlehem. Dahil sa Tatlong Hari na bumisita sa kanya, nakilala si Hesus bilang King of the Jews. Noong malaman ni Haring Herod na ipinanganak si Hesus ay pinapatay niya lahat ng bagong silang na lalaking sanggol sa Bethlehem at mga karatig na bayan sa takot na papalitan siya nito.

Dahil dito, isinama ng mga Nazarene (Christian) Jew ang paniniwala na si Hesus ang messiah. At doon nagsimula ang Jewish Christianity na mas kilala nating Christianity. Pinaniniwalaan ng mga Kristiyano na si Hesus ay ipinanganak, lumaki, nagturo, namatay at muling nabuhay sa Jerusalem.

Dahil mas sinuputahan ng mga Romano ang Christianity, dito na nagsimula ang paghihiwalay ng Judaism at Christianity. At dito nagsimula ang napakaraming religious wars.

2nd century AD at ang Jewish Diaspora

Pinaalis ng mga Romano ang mga Jews sa Jerusalem at ang buong lupain ng Judea ay pinangalanang Palestina na ang ibig sabihin ay mga Philistine. Ginawa nila iyon upang mawala ang pagkakakilanlan sa mga Jews. Wala na sa mga record ang mga Philistine pero ito ang pinili ng mga Romans na bagong pangalan at Syria Palaestina ang naging pangalan nito sa loob ng 2,000 taon.

Ang mga Jews ay nagkahiwa-hiwalay at napunta sa iba’t ibang bahagi ng Europa at tinawag itong Jewish Diaspora.

Pagkatapos ng Byzantine rule noong 614 CE, namayani na ang mga Arabo mula 636 CE hanggang 1099  CE. Noong 691 naitayo ang una at ikalawang mga templo sa Jerusalem. Ang Dome of the Rock ay ipinatayo ni Caliph Abd el-Malik.

Ang relihiyong Islam noong ika-7 siglo

Pagkatapos ng maraming daang taon ng emperyong Romano at Christianity, ay isang bagong relihiyon ang nakilala sa buong Arabian Peninsula na tinawag na Islam.

Ang Islam ay isa sa mga pangungunang relihiyon na pinangunahan ni Propetang Muhammad sa Arabia noong ika-pitong siglo, CE o AD. Ang ibig sabihin ng Arabic term na Islam ay “surrender,” o “pagsuko” na nagpapakita ng batayang idea ng Islam ng tinatanggap ang kagustuhan ni Yahweh. Naniniwala ang mga Muslim na iisa ang Allah — ang tagalikha, tagataguyod, at tagapagpanumbalik ng mundo. At ang lahat ng aral ni Allah ay nasa banal na Qurʾān (karaniwang Koran sa English) na ipinaalam sa kanyang mensahero na si Muhammad.

Sa Islam, itinuturing si Muhammad na pinakahuling propeta (kasama nina Adam, Noah, Abraham, Moses, Solomon at Hesus) at ang kanyang mga mensahe ay kumukumpleto sa mga “rebelasyon” na pinatutungkulan ng mga naunang propeta.

Sa kanilang pagpaparami ay naitaboy nila ang mga Romano at napaalis sa Jerusalem. Ayon sa Koran, umakyat si Muhammad sa langit mula sa Jerusalem.

Kahalagahan ng Jerusalem

Napakahalaga ng Jerusalem sa mga Jews dahil dito ang sentro ng Promised Land, para sa mga Kristiyano, dahil dito lumaki si Hesus, at sa mga Muslim dahil dito sumalangit si Muhammad. Kasama ng Jerusalem ang mga siyudad ng Tiberius, Hebron at Tzfat ang tinatawag na Holy Land.

Dahil kakaunti na lamang ang mga Jews sa lugar at dahil nakapalaki ng tax ng mga Romano, inayawan ng mga tao doon ang Kristiyanismo at dumami ang nag-convert sa Islam sa Palestine at ito na ang naging major religion doon sa loob ng libo-libong taon.

Simbahan ng Church of the Holy Sepulchere at ang Dome of the Rock sa Temple Mount sa Jerusalem

Church of the Holy Sepulchere o ang Simbahan ng Banal na Sepulkro sa Jerusalem

Sa ngayon, ang Church of the Holy Sepulchere o ang Simbahan ng Banal na Sepulkro  na tinatawag ding Basilica of the Holy Sepulchere o Church of the Resurrection sa Silangang Kristiyanismo ay isang simbahang gusali sa loob ng kwarter ng mga Kristiyanong may pader sa Lumang Siyudad ng Jerusalem. Ang lugar na ito ay pinagpipitaganan bilang golgotha  kung saan ayon sa Bibliya, ay pinagpakuan ni Hesus at pinaniniwalaang naglalaman ng lugar kung saan inilibing si Hesus(ang sepulkro). Ang gusaling ito ay higit sa lahat at pinakamahalagang lugar ng pilgrimage ng mga Kristiyano simula pa ng ika-4 na siglo CE bilang lugar ng pagkabuhay na muli ni Hesus. Sa ngayon, ito ay nagsisilbing headkwarter ng Griyegong Ortodoksong Patriarka ng samantalang ang kontrol nito ay pinagsasaluhan sa pagitan ng ilang mga simbahang Kristiyano at entidad na sekular sa komplikadong kaayusan na hindi nabago sa loob ng mga siglo. Ito ay tahanan rin ng Silangang Ortodoksong Oriental at Simbahang Katolikong Romano.Itinuturing ito ng  ilang mga Kristiyano na alternatibong libingang hardin   sa Herusalem na tunay na lugar ng pinagpakuan at pinagbuhayang muli ni Hesus.

Simboryo ng Bato o Dome of the Rock sa Jerusalem

Dito rin nakatayo ang Simboryo ng Bato o Dome of the Rock na isang Ismamikong dambana na matatagpuan sa Bundok ng Templo sa Sinaunang Lungsod ng Jerusalem na itinayo noong 688-692 AD at pinalaki noong 820 AD, inayos noong 1020,1545-1566, 1721, 1817, 1874, 1959, at 1993.

Ang Dome of the Rock ay dambana ng mga Muslim na itinayo sa Temple Mount sa Jerusalem noong AD 691. Ang Dome of the Rock ay bahagi ng mas malaking banal na dako para sa mga Muslim na sumasakop sa makabuluhang bahagi ng lugar na kilala rin bilang Mount Moriah (Bundok ng Moria) sa Jerusalem. Kinuha ang pangalang Dome of the Rock mula sa katotohanang ito ay natayo sa pinakamataas na bahagi mg Bundok ng Moria, ang lugar na pinaniniwalaan ng mga Hudyo at mga Kristiyano kung saan handang ihandog ni Abraham ang kanyang anak na si Isaac bilang haing handog sa Diyos (Genesis 22:1-14).

Ang Dome of the Rock ay bahagi ng mas malaking Islamic area na kilala bilang Noble Sanctuary o Al-Haram al Sharif. Mahigit sa 14 na ektarya ang sakop ng lugar na ito at nasa loob nito ang Al-Aqsa Mosque at ang Dome of the Rock. Matapos sakupin ng mga Muslim ang Jerusalem noong AD 637, itinalaga ng mga pinuno ng Islam ang Dome of the Rock noong AD 685. Inabot ng halos pitong taon bago ito natapos at ngayon ito ay isa sa mga pinakamatandang istraktura ng Islam.

Ang lugar ng Temple Mount kung saan naroon ang Dome of the Rock at ang Al-Aqsa Mosque ay natayo noong unang siglo sa ilalim ng pamumuno ni Herod the Great bilang bahagi ng pagtatayo niyang muli ng pangalawang templo ng mga Hudyo. Si Hesus ay sumamba sa Templo ni Herodes, at doon winika ni Hesus ang hula patungkol sa pagkawasak nito (Mateo 24:1-2). Ang hula ni Hesus ay natupad nang ang templo ay winasak ng hukbong Romano noong AD 70.

Ang Temple Mount, ang lugar kung saan naroon ang Dome of the Rock, ay mahalaga hindi lamang sa mga Muslim na may hawak nito ngayon, kundi sa mga Hudyo at mga Kristiyano rin. Bilang lugar kung saan dati nakatayo ang Templo ng mga Hudyo, ang Temple Mount ay itinuturing na pinakabanal na dako sa Judaismo at ang lugar na pinaniniwalaan ng ilang mga Hudyo at Kristiyano na siyang pagtatayuan ng pangatlo at panghuling templo. Ang lugar ding ito ang pangatlo sa pinakabanal na lugar ng Islam. Dahil sa kahalagahan nito kapwa para sa mga Hudyo at mga Muslim, ang Temple Mount ay lugar na matinding pinagtatalunan o pinag-aagawan ng Palestinian Authority at ng Israel.

(Sa susunod na bahagi ng artikulong ito, tatalakayin ang iba pang pangyayari sa kasaysayan ng hidwaang Israel at Palestine)

- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -