DUMATING ako sa bahay na parang may mga maingay na nagkukuwentuhan sa may veranda.
Si Juan pala at ilang barkada nito.
Hindi na ko nagpakita sa kanila at sa sala na lang muna ako umupo’t nagpahinga.
At habang nakataas ang paa ko sa sofa, matalas pa rin ang aking pandinig at pinakinggan ko ang usapan nila.
“O, bonus time na naman! Anong balak niyong bilhin?”
“Ako, ipambabayad ko ng utang sa credit card.”
“Pinareserve ko na yung rubber shoes na parating pa lang.”
“Siempre, saan pa ba pupunta yan kundi sa mga regalo ko sa mga inaanak ko.”
“Naka book na kami papuntang Hongkong so ubos na yan.”
Puro gastos ang pinaplano ng mga batang ito. Walang nakaisip na isasave na lang nila o di kaya’y idadagdag sa tinatabing pera para sa pinaplanong investment nito sa kinabukasan.
Sa 2021 Financial Inclusion Survey ng Bangko Sentral ng Pilipinas o BSP kung saan kinakalap at pinag-aaralan nila ang mga datos ukol sa lalim at lawak ng pagkakaroon ng daan at paggamit ng mga Pilipino sa mga banking at financial services ng bansa, ang mga resulta ay nagpapatunay na kailangan talagang pagtulungan ang pagbibigay ng financial education sa marami nating kababayan:
- Ang adults na may savings ay bumagsak sa 37 na porsiyento sa taong 2021 mula sa 53 porsiyento noong 2019 o 9.7 million na mas kaunting Pilipino na nag-ipon dahil sa pandemic.
- Ang mga taong walang savings ay tumaas ng 63 porsiyento sa 2021 mula 47 porsiyento noong 2019. Mga 48.3 milyon na Pilipino ang walang savings nung 2021.
- Umakyat sa 56 porsiyento ang nagbukas ng bank account sa taong 2021 mula sa 29 porsiyento nong 2019 at sinasabing karamihan sa kanila ay nag-iipon para sa emergency purposes. Pero 52 porsiyento pa rin ng mga Pilipino ang ayaw magbangko at tinatago ang kanilang pera sa bahay.
- Ang bahagi ng adults na may edad na 30-39 na may bank account ay mas marami sa young adults na may edad na 15-19.
- Marami pa rin ang hindi nagbabangko tulad ng mga magsasaka, mga nagtratrabaho sa bahay, self-employed, at ang mga hindi nagtratrabaho, kasama na diyan ang mga housewives, estudyante, retirees o pensioners, at ang mga may sakit o disabled.
- Ang pinakamahalagang dahilan kung bakit sila nagbukas ng bank account ay para makaipon. At sa mga ayaw magbukas ng bank account, ito ay dahil sa kakulangan ng pera at sa madugong dokumentong kailangan nilang isubmit.
- Marami pa ring Pilipino ang nababahala sa pangaraw-araw na kabuhayan at ang sinasabing “rainy days” pero sila ay naniniwala pa rin sa pag-asang bubuti ang kalagayan nila sa kinabukasan.
- 60 porsiyento ng mga Pilipino ang nagsabing binago nila ang kanilang pag-uugali at disiplina tungkol sa pera dahil sa Covid-19 pandemic. Sa taong 2021, 37 porsiyento ng adults ang nagsimula ng mag-ipon para sa emergencies, 17 porsiyento na ang gumamit ng online banking at digital payments, 15 porsiyento ang nag-loan at 4 na porsiyento naman ang bumili ng insurance.
Bakit kailangan bang magipon?
Sabi nga nila, pag gusto, may katuwiran, pag ayaw, may dahilan.
Sa aking karanasan, sa mga ayaw mag-save, lima ang karaniwang dahilan:
- Wala nang natira sa suweldo.
- Nasa Diyos ang awa.
- Walang kaalaman paano mag-save.
- Lubog sa utang.
- Napaglipasan na ako ng panahon.
\At sa mga gustong mag-ipon, ito ang kanilang katuwiran:
- Inuuna muna ang saving bago ang gastos. Ito yung tinatawag na “Pay yourself first” na prinsipyo kung saan sa pagba-budget, ang totoong take home pay ay yung binabawas mo na kaagad ang saving na gusto mo bago mo pa hatiin ito sa mga gastos.
- Hindi puede ang “Bahala na” sa buhay. Dapat palaging handa sa mga di inaasahang pangyayari.
- Proactive sa pagbuo ng kaalaman o kapasidad para patatagin ang buhay nila sa aspetong pinansyal.
- Mangungutang lang kung may budget sa loan payment at saving.
- Habang buhay, may gastos kaya dapat magplano ng maaga para hindi maging miserable pag tumanda.
Kung iisipin natin ang buong bansa, ang pagbabago sa pag-iisip at kultura ng Pilipino tungkol sa pag-iipon ay kailangang palakasin at pag-tibayin para maiangat ang national savings rate natin sa Pilipinas.
Ang mataas na savings rate ng isang bansa ay nangangahulugang mas marami ang ipon kesa gastos kaya may oportunidad na mag-invest sa imprastruktura at iba pang serbisyong pampubliko para sa economic growth at development.
Sa datos ng BSP, ang ating savings rate ay bumagsak sa 21 porsiyento sa taong 2022 mula 31.7 porsiyento noong 2017. Dahil na rin sa negatibong epekto ng pandemic tulad ng pagdami ng nawalan ng trabaho at pagtaas ng presyo ng bilihin, kumonti rin ang porsiyento ng mga Pilipinong nag-ipon at mas dumami ang nangutang (salary loans, credit card). Ang gobyerno at pribadong sektor, kasama na dyan ang kalakalan, ay naging matumal din sa paggastos at pag-invest. Kaya, ang ekonomiya ay talagang bumagal sa pagtakbo. Sa pangalawang quarter ng taong kasalukuyan, ang ekonomiya ay umaangat lang ng 4.3 porsiyento kumpara sa 7.5 porsiyento nung nakaraang taon.
Ang BSP ay isa sa mga institusyong seryosong tumutulong para mas magkaroon ng kakayahan ang bawa’t Pilipino na maging matalino, matatag at masinop sa kanilang buhay financial at ang benepisyo ng mga bagong innovations sa technolohiya ay kanilang mapakinabangan. Meron silang mga programa tungkol sa financial education, consumer protection at digital literacy. Ang kanilang vision ay magkaroon ng pamgkahalatang pagbubuklod sa pananalapi at pinansyal na seguridad sa ating bansa.
Ganun kahalaga ang pag-iipon. Sa nauna kong artikulo (https://www.pinoyperyodiko.com/2023/10/20/negosyo/paano-ba-magbudget/2926/), nagbigay ako ng tips sa budgeting at pagplaplano. Unahin ang savings kesa gastos. Paulit ulit nating sasabihin yan. At yan ay choice mo. Kahit ano pang tip ang ibigay ko, nasa sa iyo yan kung paano mo isasakatuparan ang golden equation sa pagbubudget:
Take home pay – Savings = Gastos
Huwag na huwag mong gawing: Takehome pay – Gastos = Saving.
Yan ang delikado. Zero savings ang bagsak mo pag ganun. Ang savings mo ay dapat sumoporta sa short term at long term financial goals mo. Pag-usapan natin kung paano gawin yan sa susunod.
Marami na tayong narinig na kuwento tungkol sa mga peligro kapag di nating pinagsikapang mag-ipon. Kadalasan, wala silang peace of mind. Gusto mo ba yun, Juan?
Tahimik na pala. Lumayas na rin ang mga puno ng dahilan. Now, I have my peace of mind.