27.5 C
Manila
Sabado, Oktubre 5, 2024

Ang malaking sala at parusa ng Hamas at Israel

ANG LIWANAG

- Advertisement -
- Advertisement -

Ito ang sinasabi ng Panginoon: “Huwag ninyong aapihin ang mga taga-ibang bayan; alalahanin ninyong nangibang-bayan din kayo sa Egipto. Huwag din ninyong aapihin ang mga babaing balo at ang mga ulila. Kapag inapi ninyo sila at dumaing sa akin, diringgin ko sila. Dahil dito, kapopootan ko kayo at lilipulin sa pamamagitan ng digmaan. Sa gayon, mababalo rin ang inyu-inyong asawa at mauulila ang inyong mga anak.

Aklat ng Exodo, 22:20-23

ANO ang hahantungan ng labanang inilunsad ng mga Palestinong mandirigma ng Harakat al-Muqawamah al-Islamiyya (Hamas) o Islamikong Kilusang Pakikibaka laban sa Israel na gumanti naman ng buong bagsik ang pagsakal at pagdurog sa Gaza Strip, ang teritoryong pinaghaharian at pinagtataguan ng Hamas sa katimugan ng bansa?

Para sa nananampalataya sa Bibliya, sinasabi mismo ng Diyos ang mangyayari sa dalawang magkatunggali sa unang pagbasang Misa ng Oktubre 29, ang Ika-30 Linggo ng Karaniwang Panahon, mula sa Aklat ng Exodo, sinipi sa simula.

Pinapaslang, sinasaktan at nilalapastangan kapwa ng mga hukbong Hamas at Israel ang mga inosenteng kababaihan at kabataan. “Dahil dito,” banta ng Panginoon sa Exodo, “kapupuotan ko kayo at lilipulin sa pamamagitan ng digmaan.”


Malagim na banta ng digma

At di-malayong gayon nga ang mangyari. Dahil sa paglusob ng Hamas noong Oktubre 7 at pagpatay ng mahigit 1,300 taga-Israel, sampo ng pananakit at pagbihag ng marami pang Hudyo, kabilang ang daan-daang babae, bata at matandang walang laban, nililipol ngayon ng Israel ang mga terorista sa Gaza.

Samantala, sa walang-hintong raket, bomba at kanyon ng Israel sa mga gusali, tahanan at lansangan ng Gaza, mahigit 5,000 na ang namatay, ayon sa awtoridad ng kalusugan sa teritoryo. At kabilang sa madlang napaslang o nasaktan ang mga balo, ulila, lolo at lola.

Higit pa ang napatay at nasaktan sa mga nagdaang dekada. Ayon sa United Nations, 308 taga-Israel ang napatay at 6,307 ang nasaktan mula 2008 hanggang Septiyembre 19 nitong taon. Samantala, 6,407 ang Palestinong nasawi, kabilang ang 625 babae at 1,437 kabataan, at 152,560 ang nasaktan, halos 9,000 ang kababaihan (https://www.ochaopt.org/data/casualties).

- Advertisement -

Ngayon, bagaman sinasabing “Bayang Hinirang” ni Yahweh ang Israel, pinarusahan din Niya ito para sa mga sala, mula sa pagsamba ng idolong ahas at mga kasalanan nina Haring David at Solomon hanggang sa di-pananalig kay Hesukristo. Hindi maiiba ngayon.

Dahil sa pagkamatay at malubhang pinsala sa mga inosenteng Palestino, nagsisilakbo ang galit sa mga bansang Arabong pumapaligid sa Israel, sampo ng Iran at Turkiya at mga sandatahang grupo sa Gitnang Silangan gaya ng Hezbollah na suportado ng Iran.

Kung lumaban ang mga bansang Muslim, higit pa sa libu-libong raket na pinalipad ng Hamas ang uulan sa Israel, at lalong marami ang mamamatay at masasaktan kaysa sa paglusob ng Hamas.

Kaya naman agad nagpadala ng dalawang paliparang barko o aircraft carrier ang Estados Unidos (US), kasama ang marami pang barkong pandigma, sa karagatang karatig ng Israel bilang babala sa mga bansa at hukbong Muslim huwag makipagdigma.

Subalit dahil mismo sa pagkamatay at pagkalugami ng mga sibilyang Gaza sa atake ng Israel, hindi malayong lumaban ang mga Muslim sa kabila ng babala ng Amerika. Sa katunayan, nagpadala na ang Turkiya ng mga barkong panggiyera palapit sa Israel, kahit magkaalyado sila ng US sa North Atlantic Treaty Organization (NATO), ang alyansiya ng Amerika at mga bansa ng Europa.

Sumamo ng Papa: Tigil-putukan na

- Advertisement -

Kinabukasan matapos ang unang atake ng Hamas, agad nanawagan si Papa Francisco: “Ihinto ang mga atake at sandata, pakiusap, sapagkat dapat maunawaang walang dalang kalutasan ang giyera at karahasan, kundi kamatayan at pagdurusa sa maraming inosenteng buhay. Pagkatalo ang digma, pagkatalo ang bawat digma. Manalangin tayo para sa kapayapaan sa mga bayan ng Israel at Palestino.”

Ang hirap, maraming matutunog na tinig ang namimili ng susumbatan, kabilang si Pangulong Joseph Biden ng Amerikang kontra sa Hamas at ang mga pinuno ng Irang laban sa Israel. At may mga radikal na Hudyo at Muslim ang nagtataguyod sa karahasan at pandirigma ng kinakampihan nilang hukbo.

Sa mga pahayag o pananahimik pabor sa Israel o Hamas, pinalalabas pang nasa katwiran at hindi labag sa utos ng Diyos ang pagpaslang ng walang labang kababaihan at kabataan. Maling-mali ito: hindi kailanman wasto sa mata ng Diyos ang anumang pagpatay, pananakit at pang-aapi sa mga babae, bata at matandang walang depensa.

Sa gayong baluktot na pag-iisip, maging ang Salmong Tugunan ng Misa (Salmo 17:2-3-4, 47, 51) babasahin na para bang pabor ang Diyos sa karahasan laban sa walang sala: “Panginoo’y buhay, siya’y Tagapagligtas, matibay kong muog, purihin ng lahat. Sa piniling hari, dakilang tagumpay, ang kaloob ng D’yos sa kanyang hinirang.”

Ngunit sabi ng Panginoon mismo sa Ebanghelyong Misa mula kay San Mateo (Mateo 22:34-40), hindi lamang pagmamahal sa Diyos ang atas ng langit, kundi pagmamahal sa kapwa.

Sa paglabag ng mundo sa batas ng Diyos laban sa pagpaslang at pinsala sa balo at bata, parusa ang nakaumang. Kaawaan tayo ng Poong Maykapal.

- Advertisement -
- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -