TUMAWAG ang isa kong kaibigan na kapwa ko retiree at mag-reunion daw kami kasama ng ilan pa.
Sinundo niya ako sa bahay at tumuloy na kami sa isang kainan dyan sa Makati.
Pagdating namin, nandun na ang mga barkada. Ang saya ng usapan at siyempre, nagreminisce ng mga nakaraan, ng mga good ol’ days.
Sabi ng isa, “naalala ko nung wala pa tayong pera, isang platitong mani, ayos na.”
At yung isa, “wala sa atin ang pagsabit sa dyip, basta makasakay kasi wala pa tayong kotse nun. Ngayon, Ilan nga ba kotse mo?”
Dagdag pa ng isa, “muntik pa nga kami palayasin sa tinitirhan namin at kulang ang pambayad ko sa renta. Ngayon, gusto kong imbitahan yung masungit na landlady na yun sa beach house ko at baka sya ang singilin ko ng entrance fee!”
Nakakatuwang usapan at ang tanong ay ano nga ba ang nangyari sa amin at naabot din namin ang dati’y mga pangarap lang. Suerte lang ba? God’s plan? O sadyang may ginawa kaming tama? Ano kaya yun?
Isa sa mga pundasyon ng pagtawid sa pagpapatotoo ng ating mga pangarap ay ang pagplaplano ng ating financial na pamumuhay para sa kinabukasan. Marami sa atin ang kayod lang ng kayod na walang klarong goal o layunin na gustong makamit. “Bahala na” ang karaniwang katuwiran na mali sa punto ng may nais na marating sa buhay.
Dapat meron kang tinitingnan na financial goals na pinupuntirya mong maabot para magkaroon ka ng disiplina at focus sa dapat mong ginagawa at iwasan ang di dapat ginagawa.
Pag may financial goals ka, ang ibig sabihin ay ito ang dapat mangyari at gagawa ka ng sarili mong stratehiya’t aksyon para maging realidad ang naiisip mo. Kaya mas mataas ang potensyal ng tagumpay kung malinaw sa iyo ang financial goals mo kasi may dereksyon ka at oportunidad na mag-isip pa ng mas epektibong pamamaraan kung paano ka magba-budget, mag-iipon at mag-iinvest kung sakaling sumasablay ka sa hinahangad na resulta.
Maganda ring inspirasyon at motibasyon ang pagkakaroon ng financial goals kasi kung may hinahanap kang “lifestyle” na tinatawag na mas komportable o mas angat sa kasalukuyan, makakatulong ang financial goals sa paglalarawan kung ano bang “lifestyle” ang minimithi mong pagsumikapan.
Ang financial goals ay puwedeng short-term, medium-term o long-term. Ang short-term financial goals ay yung mga bagay na magagawa mo sa isa hanggang dalawang taon. Ilang halimbawa ay:
- Pagba-budget
- Pag-iipon para sa emergency fund (3-6 buwan ng suweldo)
- Pagbabayad ng credit card
- Pagbili ng bagong phone
- Pag-iipon para sa isang bakasyon
- Pagbabawas ng gastos
- Pag-aaral ng financial literacy
Ang medium term ay yung mga bagay na magagawa mo sa tatlo hanggang sampung taon. Ilang halimbawa ay:
- Pag-iipon para sa downpayment ng sasakyan
- Pag-iipon para sa downpayment ng bahay
- Pagbili ng life at disability insurance
- Pag-aaral ng post graduate studies
- Pagsisimula ng negosyo
- Pagbabayad ng malaking utang
- Pag-iipon para sa home appliances at repairs
Ang long-term ay yung mga bagay na magagawa mo ng di bababa sa sampung taon. Ilang halimbawa ay:
- Pagbabayad ng mortgage sa bahay
- Pag-iipon para sa edukasyon ng anak
- Pag-iipon para sa retirement
- Pagtulong sa tumatandang magulang
- Pag-iinvest sa magbibigay ng passive income
- Pag-iipon para sa pagkakasakit
- Paglilinis ng lahat ng utang
Sa paggawa ng financial goals, isipin mo na may mangyayaring positibo kung susundin mo na gawing SMART ang mga ito:
Sakto sa targets. Ano ba ang target mo? P 100,000 ba na ipon? P 500,000 ba na downpayment para sa bahay? Hindi puwedeng generic o malabo.
Madaling sukatin. Paano mo ba masasabi na naabot mo ang goals mo? Ano ba ang katumbas ng “lifestyle” na gusto mo sa ipon mo sa bangko, sa dami ng travel mo kada taon o sa istado ng iyong mga utang? Lagyan mo ng numero ang bawat goal mo para matanto mo kung nakuha mo ba ito o hindi.
Aksyon kaagad. Sigurado ka bang kakayanin mo ang target na naisip mo? Tama ba ang stratehiya’t aksyon mo sa gusto mong mangyari? O masyadong mataas ang pinapangarap mo? Timplahin mo din kung malalabanan mo ang mga balakid sa goal mo.
Resultang may kaugnayan sa kalagayan mo. Ang goal mo ba ay tugma o makatotohanan sa sitwasyon mo? Makatuwiran ba ito sa iyong realidad? Huwag naman nating pilitin ang alam na nating mahirap at malayong posibilidad na bumukol ang tinatanging kahihinatnan.
Tamang oras. Kelan mangyayari? Tapos ang utang sa tatlong buwan? May ipon pambili ng bahay sa isang taon? Dapat may takdang petsa ang goal mo para hindi ka magpapaliban o di kaya’y mawalan ng pananagutan o responsibilidad sa mga desisyon mo na makakaapekto sa goal mo.
Ay nandito na si Juan at sinusundo na ko.
O, Juan, salamat naman at nakarating ka na ng maaga. Nakapagod din. Basta ang goal natin ay makauwi tayo ng ligtas. May awa ang Diyos.