30.4 C
Manila
Biyernes, Disyembre 6, 2024

Ang Pangalawang Martes: Ang pagka-awa sa sarili

- Advertisement -
- Advertisement -

(Salin ng Tuesdays with Morrie ni Mitch Albom)

Bumalik ako sa sumunod na Martes. At sa marami pang mga sumunod na mga Martes. Hinihintay ko ang mga pagbisitang ito, kahit isipin mo pang lumilipad ako ng pitong daang milya para tumabi sa isang taong nag-aagaw-buhay. Pero parang bumabalik ako sa panahon kapag dumadalaw ako kay Morrie, at mas gusto ko ang sarili ko sa panahong iyon. Hindi na ako umuupa ng cellphone mula sa airport papunta sa kanyang bahay. Maghintay sila, sabi ko sa sarili, ginagaya si Morrie.

Hindi bumuti ang sitwasyon ng dyaryo namin sa Detroit. Sa halip, mas lalo pa itong lumala, kung saan may hindi magandang kumprontasyon ang mga nagpiket at ang mga ipinalit na manggagawa, may mga taong naaresto, nasaktan, nakahambalang sa kalye sa harap ng mga delivery truck.

Sa harap ng mga ito, ang pagbisita ko kay Morrie ay parang nakalilinis na paghilamos sa kabutihan ng tao. Pinag-usapan namin ang buhay at pinag-usapan namin ang pagmamahal. Pinag-usapan namin ang isa sa pinaka-paborito ni Morrie, ang pakikiramay sa ibang tao, at kung bakit kulang ito sa atin ngayon. Pagkatapos ng aking pangatlong pagbisita, dumaan ako sa isang palengkeng tinawag na Bread and Circus — nakita ko ang kanilang mga bag sa bahay ni Morrie at naisip ko na baka gusto niya ang mga pagkain dito — kaya kumuha ako ng mga lalagyang plastik at pinuno ito ng vermicelli na may mga preskong gulay, carrot soup at baklava.


Pagpasok ko sa library ni Morrie, ipinakita ko sa kanya ang mga bag na para bang kakanakaw ko lang nito sa isang bangko.

“May pagkain tayo!” sabi ko nang malakas.

 

Inikot ni Morrie ang kanyang mga mata at ngumiti siya.

- Advertisement -

Samantala, hinanap ko ang mga signos ng paglala ng kanyang sakit. Gamit ang lapis, nakakapagsulat pa ang kanyang mga daliri, o nakakahawak ng baso, pero hindi na niya maitaas ang kanyang kamay lagpas sa dibdib. Mas konting panahon na ang inilalagi niya sa kusina o sala at mas madalas na siya sa kanyang library, kung saan mayroon siyang malaking silyang naihihilig na may mga unan, blanket, at ginupit na mga piraso ng foam para maitaas ang kanyang paa at magbigay suporta sa kanyang binti. May kalembang siya sa kanyang tabi, at kung kailangang ayusin ang pagkahilig ng kanyang ulo o kailangan niyang pumunta sa kubeta, papatunugin niya ang kalembang at si Connie, Tony, Bertha, o Amy — alinman sa kanyang maliit na army ng mga nag-aalaga sa kanya — ay  papasok na. Hindi madali sa kanya para itaas ang kalembang, at naiinis siya kapag hindi na ito mapatunog.

Tinanong ko si Morrie kung naaawa siya sa kanyang sarili.

“Minsan, kapag umaga,” sabi niya. “Diyan ako nalulungkot. Hinahawakan ko ang mga bahagi ng aking katawan, iginagalaw ko ang aking mga daliri, ang aking mga kamay —kung ano pa man na naigagalaw ko pa — at  ipinagdadalamhati ko ang nawala na. Ipinagdadalamhati ko ang mabagal, patraydor na paraan ng aking pagkamatay. At pagtakatapos, hindi na ako nagdadalamhati.”

Ganoon lang?

“Umiiyak ako nang todo-todo kung kinakailangan ko. Pero pagkatapos nito, inaalala ko ang mga magagandang bagay na mayroon pa sa aking buhay. Ang mga taong nagpupunta rito para dalawin ako. Ang mga kuwentong maririnig ko. Ikaw — kapag Martes. Dahil tayo’y mga Taong Martes.”

 

- Advertisement -

Napangiti ako. Mga Taong Martes.

 

“Mitch, hanggang diyan lang ang pagka-awa ko sa aking sarili. Konti lang kapag umaga, konting luha, iyon lang.”

 

Inisip ko ang mga taong kilala ko na inuubos ang maraming oras nang pagka-awa sa kanilang mga sarili. Mas makatutulong kung lagyan nila ng hangganan ang pagka-awa nila sa sarili. Ilang minuto ng pag-iyak, at pagkatapos ay ituloy na ang araw na iyon. At kung nagagawa nga ito ni Morrie, kahit mayroon siyang ganito ka-teribleng sakit . . .”

 

“Terible lamang iyan kung titingnan mo iyan nang ganyan,” sabi ni Morrie. “Teribleng makita ang katawan kong unti-unting natutuyo at nanawala. Pero maganda rin siya kasi mayroon pa akong mga oras para magpaalam.”

Ngumiti siya. “Hindi lahat ng tao ay ganyan ka-suwerte.

Tiningnan ko siya sa kanyang silya, hindi makatayo, makapaligo, makapagtaas man lang ng kanyang pantalon. Masuwerte? Totoo bang sinabi niyang siya’y masuwerte?

Nang pumunta si Morrie sa kubeta, binasa ko ang isang dyaryo sa Boston na nasa tabi ng kanyang silya. Mayroon isang report sa isang maliit na bayan kung saan may dalawang teenager na babae na nanakit at pumatay sa isang lalaking pitumpo at tatlong taong gulang na nakipagkaibigan sa kanila. Pagkatapos ay nag-party sila sa kanilang bahay na trailer truck at ipinagparangalan nila ang bangkay. Mayroon ding report ng isang parating na paglilitis tungkol sa isang lalaking pinatay ang isang bading matapos sabihin ng bading sa isang talk show sa telebisyon na crush niya ang lalaki.

Itinabi ko ang dyaryo. Ipinasok na muli si Morrie sa kanyang wheelchair—nakangiti pa rin, tulad ng dati — at binuhat siya ni Connie mula sa wheelchair pabalik sa kanyang upuan.

“Gusto mong gawin ko iyan?” tanong ko.

May sandaling katahimikan at ni hindi ko nga alam kung bakit inialok ko itong gawin, pero tumingin si Morrie kay Connie at nagsabi, “Pakituruan mo nga siya kung paano ito gawin.”

“Sure,” sabi ni Connie.

Sinunod ko ang kanyang instructions, yumukod ako, ni-lock ang aking mga kamay sa ilalim ng kilikili ni Morrie, inilapit siya sa akin, na para bang may binubuhat akong isang malaking troso sa ilalim. Pagkatapos, dumireto ako ng tayo at binuhat siya habang tumatayo ako. Kadalasan, kapag may binubuhat ka, ang mga kamay nila’y kakapit at hihigpit sa iyong paghawak, pero hindi ito magawa ni Morrie. Para lang siyang mabigat, at naramdaman ko ang ulo niyang mahinang tumama sa aking balikat at ang katawan niyang lumaylay sa akin na parang isang malaki at basang tinapay.

“Ahhhhh,” mahina niyang sabi.

“Nakuha kita, nakuha kita,” sabi ko.

Sa paghawak ko sa kanya nang ganyan ay parang may tumagos sa akin na mahirap ipaliwanag, maliban na lamang sa pagsabing naramdaman ko ang mga buto ng kamatayan sa kanyang natutuyong katawan, at habang ibinababa ko siya sa kanyang upuan, inaayos ang mga unan sa kanyang ulo, malamig kong nasiguro na nauubos na ang oras.

At kailangang may gawin ako.

Ikatlong taon na ako sa kolehiyo noon, 1978, at uso ang disco at mga pelikula tungkol kay Rocky. Nasa kakaibang klase kami sa Sociology sa Brandeis University, isang klaseng tinawag ni Morrie na “Group Process.” Linggu-linggo, pinag-aaralan namin ang mga iba’t ibang paraan kung paano nakikipag-interact ang mga grupo ng estudyante sa isa’t isa, kung paano sila rumesponde sa galit, inggit, atensyon. Para kaming mga taong daga sa isang laboratoryo. Madalas na mayroong umiiyak. Tinawag ko itong isang ”feel-good” na kurso. Sinabi ni Morrie na mas buksan ko lamang ang aking isipan.

Isang araw, sinabi ni Morrie na may isa akong ehersisyong kailangang gawin. Lahat kami’y tatayo, hindi nakaharap sa aming mga kaklase, at tutumba kami sa kaklaseng nasa likod namin, inaasahan na ito’y sasalo sa amin. Karamihan sa ami’y hindi kumportable rito, at hindi kami makakahilig ng ilang pulgada bago kami huminto mismo. Tumawa na lang kami sa kahihiyan.

Sa wakas, may isang estudyante, isang mapayat, tahimik na babaeng itim ang buhok na napansin kong nakasuot palagi ng makakapal at puting sweater na parang sa mangingisda. Ikinurus niya ang kanyang mga kamay sa dibdib, isinara ang mga mata, humilig at hindi man lang huminto, tulad ng isang patalastas ng tsaa ng Lipton kung saan ang model ay nahulog nang tuluy-tuloy sa isang swimming pool.

Sa isang sandali, sigurado akong babagsak siya ng diretso sa sahig. Sa bandang huli, sinalo ng kanyang partner ang kanyang ulo at mga balikat at marahan siyang itinayo.

“Whoa!” ang sigaw ng ilang mga estudyante. Pumalakpak ang iba sa kanila.

Sa wakas ay ngumiti na rin si Morrie.

“Nakita mo na,” sabi ni Morrie sa babae, “isinara mo ang iyong mga mata. Iyan ang kaibahan mo sa kanila. Minsa’y hindi ka makapaniwala sa iyong nakikita, at kailangan mong maniwala sa iyong nararamdaman. At kung gusto mong magtiwala ang ibang tao sa iyo, dapat ay magtiwala ka rin sa kanila — kahit na ikaw ay nasa dilim. Kahit na ikaw ay nahuhulog na.”

 

- Advertisement -
- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -