29.9 C
Manila
Huwebes, Oktubre 10, 2024

Maghanda: Dalangin kontra giyera at gunaw

- Advertisement -
- Advertisement -

Kapag sinasabi ng mga tao, “Tiwasay at panatag ang lahat,” biglang darating ang kapahamakan. Hindi sila makaiiwas sapagkat ang pagdating nito’y tulad ng pagsumpong ng pagdaramdam ng babaing manganganak. Ngunit hindi kayo nabubuhay sa kadiliman, mga kapatid, kaya’t hindi kayo mabibigla sa Araw na yaong darating na parang magnanakaw.

  • Unang Sulat ni San Pablo sa mga taga-Tesalonica, 5:3-4

SA hapon at kinagabihan ngayong Sabado, Nobyembre 18, may panayam, panalangin, prusisyon at pagsambang gaganapin sa Parokyang Santuario de San Jose (2-4 nang hapon) at EDSA Shrine (5-7 nang gabi): ang Dalangin Kontra Giyera at Gunaw.

Ito ang unang aktibidad ng Vicariate o Bikaryato ng San Juan Bautista, saklaw ang mga parokya at kapilyang magkaratig sa San Juan at Hilagang Mandaluyong. Kasama rito ang mga simbahan ng Pinaglabanan, Santo Cristo, Mary the Queen, sampo ng mga kapilya sa Megamall at Cardinal Santos Medical Center.

Bakit “Giyera at Gunaw”? Oo nga’t may kaunti drama roon, para mapansin ng tao. Pero may seryosong katotohanan din.

Totoo namang pinakamalaking pinsala, dusa at kamatayan ang dala ng digma at kalamidad. Masdan ang Ukraine at Israel at gunitain ang pandirigma at pananakop ng Hapon sa Pilipinas noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig, pati na rin ang giyera sa Marawi at iba pang dako ng bansa kontra sa separatista at komunista.


Sa gunaw naman, kasama na roon ang hagupit ng bulkan, bagyo, baha at lindol, at pati na ang iba pang pinsala ng mundong nag-aalma, mula tagtuyot at salot hanggang taggutom at pandemya.

Saan tayo tatakbo?

Ngayon, ano ang takbuhan ng madla pagbanta o pagsapit ng gunaw, digma at iba pang panganib?

Hindi man aminin ng marami sa atin, unang bukambibig ng tao ang: Diyos ko! Iadya ng langit!

- Advertisement -

Siyempre, nariyan ang pamahalaan at mga pandaigdigan ahensiya ng saklolo gaya ng Red Cross, Oxfam, ReliefAid at United Nations, sampo ng mga bansang Estados Unidos (US), European Union, Asyano at Arabo, at tunay na marami silang natutulungan.

Subalit totoo ring libu-libo ang walang inaasahan o tinatanggap na tulong sa mga gobyerno at ahensiyang saklolo.

Sa tingin ba natin, malaki ang pag-asa ng daan-daang libong nasadlak sa Gaza Strip sa gitna ng digmaang Hamas-Israel na malaki ang magagawa ng UN o kahit US upang ihinto ang labanan?

Kamakailan, nanawagan ang UN General Assembly para sa dagling tigil-putukan sa Gaza, sa botong 120 pabor, 14 kontra at 45 hindi bumoto.

Mantakin natin: 120 bansa ang nanawagan para sa “agad, matibay at tuluy-tuloy na makataong paghinto ng digma” kasama ang “walang tigil, walang kulang at walang sagabal” na paghahatid ng mga pangangailangan at serbisyong panagip-buhay sa mga sibilyang hindi makaalis sa Gaza.

Subalit tuloy pa rin ang labanan, at sa linggong ito, inatake ng Israel Defense Force (IDF) ang mga taguan ng Hamas sa pangunahing ospital ng Gaza.

- Advertisement -

Sino naman ang aasa sa mga institusyon ng tao  ihinto ang digma? At kung hindi maasahan ang taong pigilin ang digmang gawa natin, lalong hindi tayo tatanaw sa mga pamahalaan, organisasyong pandaigdigan, mga negosyo at iba pang instituyson ng tao upang iadya ang kalamidad.

Kaya naman, sa panahong ito ng giyera at gunaw, dalangin ang higit na kailangan upang ihinto ang mga kalagimang iyon.

At iyon ang pakay ng Dalangin Kontra Giyera at Gunaw.

‘Biglang darating ang kapahamakan’

Nagkataon namang may kinalaman sa mga di-inaasahang pangyayari ang mga pagbasang Misa para sa Nobyembre 19, Ika-33 Linggo ng Karaniwang Panahon, lalo na ang ikalawa mula sa Unang Sulat ni San Pablo sa mga taga-Tesalonica, sinipi nang bahagi sa simula.

Bagaman ang muling pagbabalik ni Hesukristo ang tinukoy ng Apostol, madaling maisip na digma, kalamidad o iba pang hagupit ng tadhana ang tinutukoy ng pagbasa.

Tunay ngang kung kailan “tiwasay at panatag ang lahat, (at saka) darating ang kapahamakan.” At sa gayon, pinakamabuting kilos ang kumapit sa Maykapal upang “hindi kayo nabubuhay sa kadiliman, mga kapatid, kaya’t hindi kayo mabibigla sa Araw na yaong darating na parang magnanakaw.”

Dagdag ng Salmong Tugunan (Salmo 127:1-5): “Mapalad ang bawat tao na sa Diyos may takot, ang maalab na adhika’y sumunod sa kanyang utos. Hindi siya magkukulang sa anumang kailangan, ang buhay ay maligaya’t uunlad ang kanyang buhay. … Ang sinuman kung ang Diyos buong pusong susundin, buhay niya ay uunlad at laging pagpapalain.”

Samantala, sa pagbasang Ebanghelyo mula kay San Mateo (Mateo 25:14-30), nagbabala si Hesus sa salaysay tungkol sa limang dalagang marunong at limang hangal na naubusan ng langis-lampara at natiwalag sa handaang-kasal.

Ang pangaral ng Panginoon: Dapat sapat ang langis ng liwanag ng Diyos para sa pagdating niya, hindi lamang sa wakas ng panahon, kundi sa mga ligalig at sakuna ng buhay ngayon.

Pagsapit nila sa sandaling di-mahuhulaan, pinakamahalagang kapiling, gumagabay at umaayuda sa atin ang Diyos, tanging saligan sa lahat ng kapahamakan, lalo na sa kaluluwa.

Sa Nobyembre 18, maghahanda ang Bikaryato ng San Juan Bautista.

Maghanda rin tayo, sapagkat “hindi natin alam ang araw o oras.”

 

- Advertisement -
- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -