Panghuli sa Dalawang Bahagi
PARA sa higit na nakararaming Pilipino, hindi marahil mahalaga kung bumalikwas nga ang Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa mga patakaran hinggil sa tagisan ng Amerika at China.
E ano kung sinasabi niya hanggang Enero ng taong ito na hindi dapat pumanig ang Pilipinas sa magkaribal na dambuhalang puwersa o superpower sa Asya, tapos bumaligtad pagdalaw ni Kalihim Lloyd Austin ng Tanggulang Pambansa ng Amerika at pumayag gamitin ng Estados Unidos (US) ang siyam na base ng Armed Forces of the Philippines (AFP) o Sandatahang Lakas?
Sa totoo lang, ayon sa bawat pagtatanong-publiko o survey sa mula’t mula pa, laging presyo ng bilihin, trabaho at sahod, at kahirapan ang mga usaping pinakamatimbang sa madla. Nangyayari ito kahit sa panahong hindi nagtataasan ang presyo ng pagkain at langis. Samantala, nasa buntot lagi ang ugnayang panlabas.
Maging ang pagdepensa sa mga malayong karagatan at islang laban sa mga dayuhan, hindi gaanong binibigyang halaga o pansin. Gayon din ang mamamayan sa ibang bansa: madalas namamayani ang mga suliraning pansikmura, wika nga, kaysa sa pandaigdig o pandemokrasya.
Peligro at girian
Subalit may malaking problema sa gayong pagwawalang-bahala sa pakikitungo natin sa makapangyarihang mga bansa, sapagkat sa katunayan, may malaking epekto sa ating kabuhayan, seguridad at demokrasya ang nangyaring pagpayag ni Pangulong Marcos sa nais ng Amerika gamitin ang mga baseng AFP.
Ano ang mga bunga ng pagbalikwas ng Pangulong Marcos, ang pinag-usapan natin sa unang bahagi nitong artikulo (“Bakit bumalikwas ang Pangulo sa US at China?” https://tinyurl.com/pf2nkxhj)?
Una, may panganib ngayong atakihin ng China ang siyam nating base militar— tigdalawa sa Cagayan at Palawan, tig-isa sa Nueva Ecija, Pampanga, Cebu at Cagayan de Oro. Alam ito ng pamunuan at Sandatahang Lakas natin, sampo ng media, dahil sa gayon ang inaasahan sa mga giyerang kunwari o war games sa Taiwan ng mga Amerikano mismo.
Halimbawa, sa Taiwan war games ng Center for New American Security (CNAS), lilipad mula sa Pilipinas ang mga eroplanong pandigma ng Amerika upang sagupain ang China (7 minuto mula sa simula ng video sa https://www.cnas.org/publications/video/cnas-on-meet-the-press) at reresbak ang China (10 minuto).
Nang ipakita ni Senador Ma. Imelda Josefa “Imee” Marcos iyong video kina Kalihim Enrique Manalo ng Ugnayang Panlabas at tagapamahala o officer-in-charge Carlito Galvez Jr. ng Tanggulang Pambansa noong Mayo, walang imik ang mga opisyal. Maging si Galvez na dating hepe ng AFP tameme, kahit batid niya ang banta sa mga baseng gamit ng kalaban ng China.
Mangyari, sadyang tahimik ang karamihan sa pinuno ng bansa at militar at pati ang media tungkol sa panganib ng mga baseng gamit ng Amerika. Tanging si dating pangulong Rodrigo Duterte ang tahasang nagbabala na gagamiting “platapormang pandigma” ng US ang Pilipinas at “pauulanan tayo ng missile” dahil dito. Subalit maging siya, binalewala ng media, at ang network ni Pastor Apollo Quiboloy na nagpanayam kay Duterte, inalis sa YouTube, ang Amerikanong video platform.
Pangalawang bunga pagbalikwas ni Marcos: ang pagtindi ng girian natin sa China. Sa ilalim ni Pangulong Duterte, may patakaran upang pag-usapan ang mga incidente sa karagatan upang maresolba ito nang walang matinding pagtatalo at sumbatan sa media. Ngayon, walang patid ang paratang ng Pilipinas at China sa isa’t-isa nang walang maingat na pagsisiyasat o pagpupulong kung paano maiiwasan.
At ito mismo ang gusto ng Amerika. Mangyari, hangad nitong palabasin sa buong mundo, lalo na Asya, na barumbado ang China at kailangan ng mundo, lalo na ang mga bansang Asyano, ang pagtatanggol ng US.
At hangad din ng Amerika lalong mag-alma ang Pilipinas sa China nang sa gayon, pumayag tayong pahabain pa nang 10 taon ang kasunduang Enhanced Defense Cooperation Agreement. Itong EDCA ang basehan ng paggamit ng US sa mga kampong AFP. Mapapaso ito kung hindi magkaroon ng renewal o extension sa Abril.
Ibagsak si Sara
Pangatlong bunga ng pagpasok ng hukbong Amerika sa Pilipinas ang kampanya laban kay Pangalawang Pangulo o Vice-President Sara Duterte Carpio at para kay Tagapangusap o Speaker Ferdinand Martin Romualdez ng Kamara de Representates.
Mangyari, ayaw ng Amerikang maging presidente si VP Sara dahil sa takot muling mahinto ang implementasyon ng EDCA, sampo ng pagpapagamit sa mga baseng AFP, gaya ng nangyari sa ilalim ni Pangulong Duterte.
Kaya naman, matapos bumalikwas si Marcos, panay ang politika at media laban kay Sara, gaya ng pagpapalit kay dating pangulong Gloria Arroyo bilang senior deputy speaker noong Mayo. Siya ang pangunahing tagapayo at tagasuporta ni Sara.
Tapos, tinuligsa ang Bise-Presidente tungkol sa mga pondong confidential at pang-intelligence. At sa nagdaang linggo, kumalat ang usap-usapang baka alisin sa puwesto si Sara mismo sa paraang impeachment, gaya ng ginawa sa nasirang Punong Hukom Renato Corona noong 2012.
Nagwika si Speaker Romualdez na wala siyang alam na pagkilos sa Mababang Kapulungang pinamumunuan niya para itiwalag si VP Sara. Dagdag pa niya na dapat tutukan ang trabaho sa Kamara, hindi halalan.
Ngunit may sariling pakay ang Amerika sa ating bansa.