Noong panahong iyon, sinabi ni Hesus sa kanyang mga alagad: “Mag-ingat kayo at maging handa sapagkat hindi ninyo alam kung kailan ang takdang oras. … Gayon din naman, maging handa kayong lagi, sapagkat hindi ninyo alam kung kailan darating ang puno ng sambahayan – maaaring sa pagdilim, sa hatinggabi, sa madaling-araw, o kaya’y sa umaga – baka sa kanyang biglang pagdating ay maratnan kayong natutulog. Ang sinasabi ko sa inyo’y sinasabi ko sa lahat: Maging handa kayo!”
- Ebanghelyo ni San Marcos, 13:33, 35-37
Sa pagbasang Ebanghelyo ng Disyembre 3, Unang Linggo ng Adbiyento ng bagong taon ng Misang Katoliko, isinalaysay ni San Marcos ang babala ni Hesus, sinipi sa simula, na maghanda tayo sa pagbabalik niya upang husgahan ang bawat tao, buhay at yumao, “sapagkat hindi ninyo alam kung kalian darating ang puno ng sambahayan.”
Kung may paraan lamang upang masiguro na sa wakas ng buhay, nasa atin ang sapat na grasya upang magtamo ng katubusan at buhay na walang hanggan.
Sa katunayan, mayroon, at ipinagkaloob ito ng Panginoong Hesukristo mismo, sa kanyang panukala o sa pahayag ng Mahal niya at nating Inang Maria: ang Siyam na Unang Biyernes ng Kabanal-banalang Puso ni Hesus at ang Limang Unang Sabado ng Kalinis-linisang Puso ni Maria.
Nang ipinakita ng Panginoon ang Kabanal-banalang Puso sa Pranses na madreng Santa Maria Margaret Alacoque mula 1673 hanggang 1675, sinabi ni Hesukristo:
“Pangako ko sa iyo sa labis-labis na awa ng Aking Puso na ipagkakaloob ng Aking Pusong lubos na makapangyarihan sa lahat ng mangungumunyon sa unang Biyernes ng siyam na buwang magkakasunod ang grasya ng pagpupunyagi hanggang wakas. Ang Aking Pusong Divino ang magiging ligtas nilang kanlungan sa huling sandaling ito.”
Wika naman ng Birheng Maria noong 1925 sa Pontevedra, Espanya, sa madreng Lucia dos Santos, isa sa tatlong batang pastol na pinagpakitaan niya sa burol ng Fatima, Portugal:
“Ipatalastas mo sa ngalan ko na nangangako akong sumaklolo sa oras ng kamatayan, dala ang lahat ng grasyang kailangan para sa katubusan, ang lahat ng mangungumunyon, mangungumpisal, magrorosaryo, at magmumuni nang 15 minuto kasama ko tungkol sa 15 Misteryo ng Rosaryo sa Unang Sabado ng limang sunud-sunod na buwan, bilang pagtitika sa akin.”
May limang kalapastanganan kay Maria na ibig ng Diyos ihingi natin ng patawad: ang pagtangging si Maria ang Ina ng Diyos at Ina ng sangkatauhan, ang pagtatwang birhen siya habang panahon, ang pagpapabulaan ng Imaculada Concepcion, ang paglilihi kay Maria nang walang anumang sala, ang paglapastangan sa mga larawan at estatuwa niyang banal, at ang pagtuturo sa mga batang hindi magpitagan at magmahal sa kanya.
Kaya, sa simula ng buwan, ihanda natin ang kaluluwa sa paghuhukom ni Kristo sa pagtanggap ng Eukaristiya sa Siyam na Unang Biyernes, simula sa Disyembre 1/
O dili kaya sa pagsunod sa atas ni Maria para sa Limang Unang Sabado — Kumpisal, Komunyon, Rosaryo, at pagmumuni nang 15 minuto tungkol sa mga Misteryo ng Rosaryo — mula Disyembre 2.
Sa gayon, matatamo natin ang grasya ng katubusang pangako ni Panginoong Hesukristo at Mahal na Birheng Maria.
Ano’ng hinihintay natin?
Pero kalian ng aba darating si Hesus upang maghukom sa atin? Walang may alam kundi ang Ama natin sa langit.
Ang tanging alam natin, may paghuhukom: sa oras ng kamatayan at sa pagbabalik ni Kristo sa wakas ng panahon. At kapwa hindi natin alam kung kalian ang dalawang ito.
Sa kabilang dako, hindi maitatatwang lagi tayong sinusubok at tinitimbang ng Panginoon, ayon sa dalawang Pangunahing Kautusan: Mahalin ang Diyos higit sa lahat, nang buong puso, isip, lakas at kaluluwa. At mahalin ang kapwa gaya ng pagmamahal natin sa sarili.
Bawat saglit ng buhay, binibigyan tayo ng Panginoon ng pagkakataong ipamalas ang pagtangi sa Kanya at sa kapwa. Maari tayong manalangin, magmuni sa pangaral, atas at maging pagsubok at parusa ng Diyos. Gayon din, puwede nating iukol ang isip, salita, sikap at oras para sa kabutihan ng iba.
Pangaral nga ni Apostol San Pablo sa ikalawang pagbasang Misa mula sa Unang Sulat sa mga taga-Corinto (1 Corinto 1:3-9): “Sapagkat sa inyong pakikipag-isa sa kanya (kay Hesus), kayo’y umunlad sa lahat ng paraan, maging sa pananalita at kaalaman.”
Ngayon, kung sarili ang nilalaman ng isip at nilalayon sa bigkas at bisig sa bawat sandalling ipinagkaloob ng Diyos sa atin, lumilihis tayo sa atas Niya at nagkukulang sa oras-oras na pagsubok.
Ang hirap, napakadaling malulong sa pansariling isip, nasa at ugali — at ni hindi dumulog sa Diyos. Kaya naman panawagan ng unang pagbasang Misa mula kay Propeta Isaias (Isaias 63:16-17, 19; 64:2-7):
“Wala kahit isang dumulog sa iyo upang dumalangin, wala kahit isang lumapit sa iyo na tulong ay hingin; kaya naman dahil sa aming sala’y hindi mo kami pinansin.”
Sa halip, dapat nating ulitin ang Salmong Tugunan (Salmo 80:2-3, 15-16, 18-19): “Ang lingkod mong mahal ay iyong ingatan … magbabalik kami’t di na magtataksil sa ‘yo kailanman, kami’y pasiglahi’t aming pupurihin ang iyong pangalan.”
Harinawa.