KASABAY ng huling araw ng “18-Day Campaign to End Violence Against Women” nitong, Martes, Disyembre 12, binigyang-diin ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang pagpapahalaga sa mga kababaihan at sa kanilang tungkulin sa lipunan.
Ito ay bilang suporta sa adhikain ng Philippine Commission on Women (PCW) na wakasan ang karahasan sa mga kababaihan sa malawakang kampanya nito.
Sa programang may temang, “United for a VAW-free Philippines”, nakiisa ang ahensya sa patuloy na pagsusulong sa mga karapatan ng kababaihan sa pamamagitan ng pagpapaalala sa mga umiiral na programa at batas nito hinggil sa Gender and Development (GAD).
Kabilang dito ang Memorandum Circular No. 2023-016 at Republic Act. No. 11313 o ang “Safe Spaces Act” na kapwa naglalayong siguruhin ang kaligtasan ng bawat isa, anuman ang kasarian nito, higit lalo sa mga pampublikong sasakyan.
Partikular na binigyang-diin ito nina Executive Director Atty. Robert Peig, Technical Division Chief Mr. Joel Bolano, Administrative Division Chief Rowena Dirain, at Information Systems Management Division (ISMD) Chief Nida Quibic.
Samantala, pinuno naman ng kaalaman ng panauhing pandangal na si Pagkakaisa ng Kababaihan para sa Kalayaan (KAISA KA) Chairperson Atty. Virginia Suarez ang ginanap na programa tungkol sa mga nararapat na hakbang upang maiwasan at tuluyang matuldukan ang anumang uri ng karahasan at diskriminasyon sa mga kababaihan at kabataan.
Ayon kay Suarez, nag uugat umano ng kawalan ng hustisya ay sa balikong pag-iisip at pagtingin sa kababaihan bilang isang pag-aari.
Dagdag pa dito, ang mapanggapos na kabanata sa kasaysayan na naglilimita sa kakayahan at pagkatao ng mga kababaihan.
Kaugnay nito, hinikayat ni Suarez ang lahat na manindigan sakaling makaranas ng karahasan. Dahil sa huli, ang pananahimik aniya sa gitna ng karahasan ay maaaring magtulak sa mga nang-aabuso na magpatuloy sa halip na managot sa kanilang kasalanan.
Bagamat nagtapos na ang “18-Day Campaign to End Violence Against Women”, pangako ng LTFRB na mananatili silang kaagapay ng pamahalaan sa pagprotekta, pagkilala, at pagrespeto sa dignidad ng bawat mamamayan partikular sa mga pampublikong sasakyan. (PIA-NCR)