30.8 C
Manila
Sabado, Oktubre 5, 2024

Basbasan mo ako, Padre, pagkat nagkasala ako

- Advertisement -
- Advertisement -

Inihjayag ng Diyos ang kanyang kagandahang-loob na nagdudulot ng kaligtasan sa lahat ng tao. Ito ang siyang umaakay sa atin upang talikdan ang likong pamumuhay at damdaming makalaman. Kaya’t makapamumuhay tayo ngayon nang maayos, matuwid at karapat-dapat sa Diyos … Ibinigay niya ang kanyang sarili upang iligtas tayo sa lahat ng kalikuan at linisin para maging kanyang bayan na nakatalagang gumawa ng mabuti.

— Sulat ni San Pablo kay Tito, 2:11-12, 14

KAILAN mo huling binigkas ang mga salita sa pamagat? Kung sa Ingles: “Bless me, Father, for I have sinned.”

Kung mahigit isa or dalawang taong nagdaan, kabilang ka ng higit na nakararaming Katoliko — dalawa sa bawat tatlo sa Amerika — na hindi sumusunod sa panukala ng Simbahang mangumpisal minsan man lang bawat taon.

Mula 80 porsiyento noong mga 1960, bumaba sa 37 porsiyento ang nangungumpisal taun-taon sa Estados Unidos (US), at 28 porsiyento ang mas madalang pa. Samantala, hindi na nangungumpisal ang 35 porsiyento — isa sa bawat tatlong Katoliko sa US.


Siguradong hindi bumaba ang nangungumpisal dahil mas kaunti ang kasalanan. Sa panahon nating talamak sa paninirang-puri, kalaswaan, krimen, pagsasamantala, pandaraya, pagnanakaw, karahasan, pagpatay at iba pang paglabag sa Diyos, mas marami ang pagkakasala at nagkakasala.

Ngunit sa ating panahon, lubha nang nabawasan o tuluyang naglaho ang pangaral tungkol sa kasalanan, tukso ng diyablo, at pati impiyerno, ang kaparusahang eternal kung mamatay nang may kasalanang mortal.

Mortal? Oo, pati kasalanang mortal, ang pinakamalaking banta sa bawat kaluluwa, nakalimutan na ng marami o ni hindi itinuro sa libu-libo o milyun-milyong Katoliko.

Hindi rin siguro batid ng marami na dapat ikumpisal ang kasalanang mortal bago mangumunyon. Kung hindi, madaragdagan ang salang mortal sa pagtanggap ng Eukaristiya nang may gayong paglabag.

- Advertisement -

Linis-budhi sa Pasko

Maraming nangungumpisal sa Kuwaresma at Mahal na Araw, subalit marapat ding maglinis-budhi sa Adbiyento at Pasko. Kapwa sa pagiging tao at sa pagdurusa sa Kalbaryo, nagsakripisyo si Hesukristo, ang Diyos Anak, upang pawiin ang sala.

Itong paglilinis ng diwa at asal ang mensahe ng lahat ng pagbasang sa Araw ng Pasko, mula sa Misang Bisperas at Hatinggabi hanggang Madaling Araw at Araw ng Kapistahan. Wika nga ni San Pablo sa kanyang Sulat kay Tito, sinipi sa simula, ang ikalawang pagbasang Misa sa Hatinggabi:

“Ibinigay niya ang kanyang sarili upang iligtas tayo sa lahat ng kalikuan at linisin para maging kanyang bayan na nakatalagang gumawa ng mabuti.”

Kaya sa Pasko at Mahal na Araw, tama lamang dumulog sa awa ng Diyos sa kumpisalan upang mapawi ang mga pagkakasala at kaparusahang dala nito at siyang dahilan kaya nagkatawang-tao, nagpakasakit at namatay ang Maykapal.

Hindi ba kahiya-hiyang mangumpisal matapos ang mahabang panahon, marahil maraming taon, ng hindi pangungumpisal?

- Advertisement -

Sa sakramento, sasabihin sa pari hindi lang ang kasalanan, kundi ang araw, buwan o taon ng huling kumpisal. Tapos, mangangaral ang pari, darasalin ng nangungumpisal ang Panalangin ng Pagsisisi, at igagawad ng pari ang patawad ng Diyos o absolusyon.

Hindi dapat mahiya sa pari, anuman ang sala o gaanong katagal mang hindi nangumpisal. Pihadong sa mga taon sa kumpisalan, hindi iilan ang nangumpisal na mas malaon pa sa atin ang huling kumpisal at mas mas matindi ang pagkakasala.

At laging isaisip na walang hanggan ang awa ng Diyos at pinakamahalaga at maligaya para sa Kanya ang magbalik-loob ang makasalanan, hindi ang mga paglabag niya.

Kaya naman sa Kalbaryo, maging ang mandarambong at mamamatay-taong dumulog kay Hesus habang nakapako sa krus, agad niyang dinala sa Paraiso. At ang mga nagpahirap at pumaslang kay Kristo, inihingi niya ng tawad sa kanyang Ama sa langit.

Pero dapat pa ring aminin at pagsisihan ang mga sala, humingi ng tawad sa Diyos, at magbagong-loob at asal. Siyang ginawa ng pasaway na anak pagbalik sa ama niya sa talinghagang salaysay ni Hesus (Ebanghelyo ni San Lucas, 15:11-32).

Nagbagong-asal din si Zaccheus nang dumalaw si Hesus, at sinabi ng Poon sa babaeng sinagip niya sa pagbato ng madla: “Sulong at huwag na muling magkasala” (Ebanghelyo ni San Juan, 8:11).

Bakit dapat magsisi at magbago?

Ito marahil ang pinakamalaking sagabal sa pangungumpisal: ayaw ng maraming tumalikod sa sala at magpakabuti. Sa kasamaang palad, lumalaganap ang maling pananaw sa ating panahon na hindi kailangang magbago upang mapatawad.

Ayon sa salang pangaral pati ng ilang pinunong Katoliko, kahit daw taong patuloy sa salang gawa, mapatatawad at makapapasok ng langit dahil walang hanggan ang awa ng Diyos. Kung totoo ito, pati demonyo papasok sa Paraiso.

Ito ang tama at totoong doktrina: Kung magsisisi at magbabagong-loob at asal, mapapatawad at mababago ng awa at grasya ng Diyos ang kahit anong pagkukulang at pagkalihis.

Subalit ang hindi nais magsisi at bumuti, siya mismong tumatanggi sa awa at grasya ng Diyos na hindi Niya ipipilit sa ayaw magbagong-buhay.

At kung hindi magbagong-loob ang makasalanan, siya mismo ang tumatanggi sa kabanalan ng Diyos — ang kailangang gayak sa langit.

Kaya sa Araw ng Pasko, regaluhan natin si Hesus ng linis-kumpisalan.

- Advertisement -
- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -