BUMIBILIS ang daan ng mga araw, bumabagal naman ang ibinantang pagbulgar sa video ng di-umano’y pagsinghot ni Pangulong Bongbong Marcos Jr. ng bawal na gamot, na itinago sa pangalang pulvoron.
Nang una kong matisod ang balitang ito sa Tiktok, medyo binigyan ko ng kaukulang kredibilidad dahil sa personalidad ng vlogger na nag-ulat sa isyu, isang nagngangalang Heneral Macanas (retirado). Sinabi ng heneral na marami nang mga sikat na personahe ang nakapanood sa video at karamihan sa mga personaheng ito ay tiyak na may kopya na ng video.
Sa isa pa ring pagbabalita ng isyu, pinanindigan naman ng isa pa ring blogger na nagngangalang Maharlika na sa bibig mismo ni Senador Imee Marcos nanggaling ang patunay na talagang gumagamit ng bawal na gamot si Bongbong. Paulit-ulit na sinabi ni Maharlika na sinabi sa kanya mismo ni Senador Imee na ang inuutusan ni First Lady Liza Araneta Marcos na bumili ng pulvoron ay si Pol Soriano (ng kung anong opisina sa ilalim ng Presidente; maaalaala na Pol Soriano ang napabalitang maylikha sa kontrobersyal na logo ng Pagcor na nagkakahalaga ng P3 milyon; laking swerte ng mama, logo lang, na ayon kay Ado Paglinawan ay mukhang abrelata, may tatlong milyung piso na siya; ilang milyon pa kaya ang sa serbisyo ng pulvoron?).
Nauna nang nailathala natin na isang kapitan ng sandatahang lakas ang naglabas ng manipesto na may pamagat na Manifesto of People’s Defiance na humihinging iatras o bawiin kay Bongbong ang suporta ng bayan kabilang na ang pulis at military. Naihambing natin ito sa civil disobedience movement ni Corazon “Cory” C. Aquino, ang balo ni Ninoy, na humantong sa People Power Revolt noong 1986 na nagpabagsak kay Presidente Ferdinand E. Marcos Sr. at nagluklok kay Cory bilang pangulo.
Sa nangyayaring pag-ugong ngayon ng expose sa drug addiction at protection sa mga sindikato ng iligal na droga ni Presidente Bongbong, kitang-kita ang lumalakas na paghawig nito sa nakaraang dalawang pagbabalikwas sa kasaysayan, ang EDSA 1 at 2, na kapwa ekstra-konstitusyunal na pagpapalit ng rehimen. Nagsimula ang kaguluhan sa kritisismo ni dating Pangulo Rodrigo Duterte sa kongreso bilang pinaka-corrupt na ahensya ng gobyerno, na sinundan naman ng pagtanggal ng kongreso sa confidential fund ni Bise Presidente Sara Duterte. Sa isang pagdinig ng kamara hinggil sa nasabing pondo, tila kahanga-hanga ang naging kapasyahan ng Bise Presidente na huwag nang habulin pa ang kinukwestyong pondo. Subalit pumutok naman ang expose ng ipinamamaraling dating rebeldeng CPP/NPA/NDF Jeffrey Celis na nagbalik-loob sa gobyerno sa di-umano’y P1.8 bilyon na gastos ni Kamara Ispiker Martin Romualdez sa kanyang mga paglalakbay. Nagharap naman ang kamara ng resolusyon na nagpapataw ng 30-araw na suspensyon sa prankisa ng SMNI. Sa imbestigasyon ng kongreso sa akusasyon ni Celis hinggil sa gastos sa mga paglalakbay ng ispiker, tumanggi itong pangalanan ang pinagkunan niya ng nasabing impormasyon. Dahil dito, pinatawan siya ng pagkakakulong sa kongreso hanggang hindi pa napagtitibay ang resolusyon na nagsususpinde sa SMNI. Si Dr. Lorraine Badoy naman ay hinatulan din na makulong dahil umano sa pagsisinungaling sa kanyang programa sa SMNI.
Dito na lumitaw ang tunay na larawan ng mga kaganapan. Ang mga naunang kritisismo sa kongreso ni Dating Pangulo Duterte ay dapat na pasilip na sa tunay na tunguhin nito. Sa pagkakulong nina Dr. Badoy at Celis, nagprotesta ang isang malaking grupo ng mga retiradong PMAers, lahat nagdedemand na palayain ang dalawa. Agad tumiklop ang kongreso. Pinalaya sina Dr. Badoy at Celis. Subalit sa pustura ni Celis, naalaala ko ang makabayaning salita ni John Paul Jones sa Battle of Flamborough Head: “I have not yet begun the fight (Hindi ko pa nasisimulan ang labanan).”
At totoo nga, sa puntong iyun umugong na nang husto ang ingay tungkol sa pulvoron. Lumitaw ang video ng dating senador na si Nikki Coseteng, nagpapahayag na si Bongbong ay isang spoiled brat, kaya hindi marunong magtrabaho.
“He was always high on drugs (lagi siyang lutang sa bawal na gamot),”pahayag ni Coseteng.
Tinanong kung paano niya nalaman ito, sinabi ni Nikki, “We grew up together. Everybody knows it. (Sabay kaming nagbinata’t nagdalaga. Alam ng lahat iyan.”
Ayon kay Nikki, hindi nagtrabaho si Bongbong, laging laman ng discohouse.
Kung marami na pala ang nakakaalam sa pagiging durugista ni Bongbong, bakit hindi ito nabulgar noon pa — sa buong haba ng kanyang political career? Mula Governor, Congressman, Senador, tumakbo pang bise presidente, hanggang sa pagtakbo niyang presidente na wala ni katiting na tsismis tungkol sa paggamit niya ng pulvoron. Ayon kay Maharlika, pinakiusapan lamang ni Imee si noon ay Pangulo Duterte na huwag ibalasak si Bongbong sa mga notorious na drug lord kung hindi, baka sa eleksyong pampanguluhan ng 2021 ay nabulgar na siyang hindi lang drug addict kundi drug lord protector pa rin.
Biglang- bigla, ang tanong ay tumutuon kay Duterte. Bakit hindi niya isiniwalat noon ang nakahihindik na impormasyon tungkol kay Bongbong subalit minarapat niyang ibulgar ngayon ang lahat? Hindi maiiwasang hindi mag-wan-plas-wan ang bayan. Noon hindi banta si Bongbong sa direksyon ng political career ni Sara. Pagkaraan ng anim na taong termino ni Bongbong, hahalili naman si Sara sa panguluhan. Nangyari nga lang na maaga pa sa termino ni Bongbong, litaw na ang kanyang pagkiling kay House Speaker Martin Romualdez bilang susunod na presidente. Kataka-taka ba na ngayon pa lang, ang kagilagilalas na propaganda machine ni Digong ay gumana para idemolish si Romualdez? Kapuna-puna na nasa prentera ng kilusang kontra Bongbong ay mga retiradong heneral ng sandatahang lakas na ang track record ay nagpapakita ng pagiging mga loyalista ni Digong. Isang retiradong heneral ang nagsabi na hindi talaga intensyon ni Duterte na patakbuhin ang anak sa isang eleksyon pampanguluhan dahil kontra talaga ito sa eleksyon bilang paraan ng pagpalit ng presidente. Ayon sa heneral, tutol si Duterte sa Cory constitution, kaya gusto niya itong baguhin, at kung magiging presidente man si Sara, ito ay sa paraang labas sa umiiral na konstitusyon ngayon. Lahat ng kaguluhang nagaganap sa larangan ng pulitika ngayon ay kumukumpirma sa paghahayag ng nasabing heneral.
Maaalaala na sa pagwawakas ng termino ni Duterte, biglang umugong ang isang kilusan para sa pagtatag ng revolutionary government. Kumalat ang isang text message na mananawagan ang bayan sa pagtatatag ng isang revolutionary government at si Pangulong Duterte ay makikinig. Tatlong araw na singkad, nakita ang pagsisikap na mag-ipon ng warm bodies sa lugar ng People Power Monument sa EDSA, na sa pangalawang gabi ay kinasaksihan ng partisipasyon ng lokal na pamahalaan ng Nueva Ecija. Di man kalakihan, ang dami ng mga umatend nang gabing iyun ay kakikitaan ng sapat na lakas bilang simula ng isa na namang EDSA People Power Revolt. Subalit ewan kung bakit kinabukasan, bigla na lamang wala na ang mga tao sampo ng mga kagamitan tulad ng mga tent at entablado na gamit sa palabas nang nagdaang gabi. Nakatanggap na lamang tayo ng mensaheng text na ang pagkilos ay pinagpasyahan na ilipat sa paligid ng Comelec. Nang alamin natin, wala ni anumang hawig na pagkilos ng isang people power revolt.
Maliwanag, ang ipinamaraling Revolutionary Government na itatag ni Pangulo Duterte bilang pagdinig sa kahilingan ng sambayanan ay nagmintis.
Sumunod na nangyari, si Lt. General Antonio Parlade Jr., na inasahang mamuno sa RevGov na itatatag, ay naghain ng kandidatura sa pagka-pangulo, at sa araw ng filing ng kanyang candidacy, buong tapang niyang binatikos sa harap ng media ang pinakamalapit na kaibigan ni Presidente Duterte na si Senador Bong Go. Kinalaunan, si Parlade ay dinis-qualify ng Comelec dahil ang kanyang kandidatura ay bilang substitute sa isang diskwalipikadong presidential candidate na si Butch Valdez.
At iyan ang kwento ng unang pagmintis ng Kilusang Revolutionary Government.
Di natin namalayan, ang Kilusang RevGov ay tila hindi naglaho. Namahinga lang sandali, nag-aantabay ng panibagong pagkakataon na makaalagwa, at sa pagkabulgar sa diumano’y pagkalulong ni Bongbong sa pulvoron, naging bukas na pinto iyun upang muling buhayin ang Kilusang RevGov.
Kapuna-puna sa mga personahe na lumitaw na sangkot sa kasalukuyang pagbabalikwas ang dating sikat na aktres na si Vivian Velez. Nasa sentro rin siya ng naunsiyaming kilusang RevGov sa bisperas ng eleksyon noong 2021. At si General Parlade ay kabilang sa mga retiradong heneral na pumronta sa paghinging palayain sina Dr. Lorraine Badoy at Jeffrey Celis.
Ayon kay Vivian Velez, hindi “nila” maaaring pabayaan na lamang si dating Pangulo Duterte. Tinutukoy ng aktres ang namimintong imbistigasyon kay Duterte ng International Criminal Court (ICC), na pinahintulutan ni Bongbong.
May kahirapang himayin ang pagkakaugnay ng mga bagay sa sigalot ng pulvoron ni Bongbong. Bakit biglang-bigla si Duterte ang magpapahayag na walang video? Anong malay niya kung meron nga.
Unang-una, mga pruwebadong Duterte loyalist ang nagbulgar na merong ganung video. Una si Maharlika, sumegunda si Heneral Macanas, at ang expose sa pagiging adik ni Bongbong ay pinangalawahan pa ni dating Senador Nikki Coseteng sa isang lumang video.
Sino si Duterte para sabihin na walang pulvoron video na nagpapakitang adik si Bongbong — pwera kung sa kasimula-simulaan pa lamang ay siya na ang naghabi ng kuwento. Sa kanya sumilang ang istorya, siya ang pwedeng magsabi kung totoo ito o hindi.
Si Heneral Macanas ay hindi nakikitaan ng anumang bahid ng pagsisi na naging bahagi siya ng pagpapakalat ng istorya sa pulvoron video. Todo ngiti pa nga sa pagsabi na kung nagawa man niya ang maglantad sa isang bagay na mali, “e, di, wag na kayong maniwala sa akin.” Pero, biglang bawi, ipinahayag ng heneral na isang henyo si Duterte sa larangan ng estratehiya sa pulitika. At tinukoy ng heneral kung papaanong sa ekeksyon ng 2016, “aayaw-ayaw” pa si Duterte, pero iyun mismo ang nagpasikat sa kanya upang manalo.
Hindi sinabi ng heneral kung alam niya na sa opinyon ng mga eksperto, ang ganung kagilagilas na panalo ni Duterte ay isang phenomenon na CIA lamang ang may kakayahang gawin.
RevGov?
Sa kasaysayan ng Pilipinas, walang RevGov ang hindi CIA ang may pakana.
Na ang huling dalawang pagkilos ay hindi tumungo sa tagumpay, isa lamang ang sagot diyan: sa ganang CIA, hindi pa oras.