30.6 C
Manila
Biyernes, Disyembre 13, 2024

Ang nakababahala sa pagbabago ng Konstitusyon

- Advertisement -
- Advertisement -

DAPAT bang baguhin ang Saligang Batas?

Kung tatanungin ang karaniwang tao, hindi mahalaga ang “Charter change” (Cha-cha) o ang pag-amyenda ng Konstitusyon.

Ayon sa Tugon ng Masa, ang tanong-publiko o survey ng OCTA Research Group noong Disyembre, matimbang o urgent ang Cha-cha para lamang sa isa sa bawat 100 Pilipino. Sa halip, presyo ng bilihin ang pinakamahalaga para sa 73 porsiyento ng mamamayan.

Pero sa pambansang pulong ng Catholic Bishops Conference of the Philippines (CBCP), bubunuin ng mga arsobispo at obispo ang pag-amyenda ng Saligang Batas. At kamakailan, binatikos ang Cha-cha ni Obispo Broderick Pabillo ng Taytay, Palawan, kasama ang paglikom ng milyun-milyong pirma para sa “people’s initiative” o pagsulong ng taong-bayan para sa pagrebisa ng Konstitusyon.

May dapat bang ipangamba sa Charter change? Oo, ayon sa mga kritiko.


Etsa-puwerang Senado

Sa people’s initiative pa lang, may babala na: mababale-wala ang Senado. Mangyari, kung maaprobahan ang amyendang pinapipirmahan sa mahigit 12 milyong mamamayan, pagsasamahin ang mga senador at kongresista sa iisang Constituent Assembly, sa halip na pagboto nang hiwalay gaya ng mga batas sa Kongreso.

Sa gayon, matatabunan sa botohan at talakayan ang 24 na senador ng lampas 300 representante. Kung magkagayon, mawawala na ang pagbalanse at pagbabantay ng Senado sa Kamara de Representantes.

Ngayon, kung itinakda ng Saligang Batas magkaroon nitong pagbalanse ng Senado at Kamara sa pagpasa ng karaniwang batas, tama bang alisin ito sa pagrepaso ng pinakamahalang laye sa bansa, ang Konstitusyon? Parang mali.

- Advertisement -

Bakit kaya ibig pagsamahin ang dalawang kapulungan ng Kongreso sa pag-amyenda ng Saligang Batas? Ayon sa mga nagbubunsod ng people’s initiative, mas bibilis ang Cha-cha kung isang talakayan at botohan lamang, sa halip ng hiwalay.

Pero marahil plano rin ng mga kongresistang buwagin ang Senado at gawing isang kapulungan na lamang ang Kongreso o parlamento. Hindi papayag ang mga senador.

Bukod dito, puwede ring alisin ang maraming kapangyarihan ng Pangulo at ilipat sa Punong Ministrong ihahalal ng Kongreso, hindi ng taong bayan. Magiging figurehead o pinunong sagisag lamang ang Presidente, walang gaanong kapangyarihan.

Bukod sa amyendang mag-eetsapuwera sa Senado, may batikos din sa legalidad at integridad ng people’s initiative. Sinabi ni Kong. Edcel Lagman ng Bikol na walang panukalang ipinasa ang Kongreso upang ipatupad ang pagbubunsod ng amyenda. Ito rin ang pagkukulang sa unang people’s initiative na ibinasura ng Korte Suprema noong 1997.

Tapos, may hinalang binigyan ng pera o benepisyo ang mga lumagda sa inisyatibo. Sabi ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na bahala ang Commission on Elections (Comelec) alamin kung inabutan ng salapi o pabuya ang mga pumirma, Kung oo, puwedeng pawalang-bisa ang mga lagda. (Paano kaya ito aalamin ng Comelec?)

Tahimik sa EDCA

- Advertisement -

Pero higit sa people’s initiative, may ibang bagay na nakababahala sa Cha-cha: baka hindi kagalingan ng bayan at mamamayan ang nasa isip ng mga mambabatas, kundi ang hangad ng dayuhang bansa.

Nasabi natin ito dahil ang malaking bahagi ng pambansang pamunuan, sampo ng pangunahing media, hindi isinasaalang-alang ang kapakanan at pati buhay ng libu-libong mamamayan, lalo na ang nakatirang malapit sa siyam na base ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na ipagagamit sa Estados Unidos (US).

Matapos maudyukan ng Amerika si Pangulong Marcos noong Pebrero 2023 na payagang gamitin ng hukbong US ang siyam na kampong militar sa ilalim ng Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA), halos walang imik ang matataas na pinuno at opisyal ng bansa at maging mga mamamahayag tungkol sa malaking panganib na dala ng pagpasok ng Amerikano.

Sa kabilang dako, aminado ang mga heneral, pantas at media ng Amerika na aatikihin ng China ang mga paliparang gamit ng US sa Asya kung magkadigma. At may babalang magkagiyera sa Taiwan ang dalawang higante sa mga taong darating.

Halimbawa, sa kunwaring giyera o war games sa Taiwan ng Center for New American Security, inaasahang aatake ang mga eroplanong pandigma ng US mula sa Pilipinas (sa 7 minuto pagsimula ng video sa https://www.cnas.org/publications/video/cnas-on-meet-the-press) at gaganti ang China sa atin (sa 10 minuto).

Maging ang yumaong Pangulong Ferdinand Marcos Sr. nagbabala noong 1975 (mababasa sa ikatlong artikulo sa http://pcfr.weebly.com/pcfr-journal.html): “… hindi kaya ilalagay nitong mga base ang mga Pilipino at ang Pilipinas sa panganib ng atake hindi lamang ng karaniwang sandata, kundi ng armas atomika rin.”

Sa kabila ng gayong mga babala, walang sinasabi sa tao ang pamunuan at media ng bansa, lalo na sa mga karatig-bayan ng dalawang base sa Cagayan, dalawa rin sa Palawan, at tig-isa sa Isabela, Nueva Ecija, Pampanga, Lungsod Cebu at Cagayan de Oro.

Sa halip, sinabi pa ni Heneral Carlito Galvez Jr., ang tagapangalaga ng Kagawaran ng Tanggulang Pambansa nang ipinagamit ng Pangulong Marcos ang mga kampong AFP, na “walang dahilang mabahala sa mga baseng EDCA.” Alam niyang hindi ito totoo, bilang dating hepe ng AFP.

Ngayon, kung nagagawa ng mga pinuno ng bansa at maging ng mga tagapag-ulat ikubli ang malubhang panganib ng EDCA, ano kaya ang gagawin nila sa Cha-cha?

- Advertisement -
- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -