25.3 C
Manila
Biyernes, Enero 17, 2025

ICC at ang pagtutol ni PBBM sa pag-imbestiga nito

- Advertisement -
- Advertisement -

MULING nagpahayag si Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr. na tutol siya na mag-imbestiga ang International Criminal Court (ICC) kaugnay ng umano’y ‘extra-judicial killing’ habang isinasagawa ang programa ng dating administrasyon laban sa ilegal na droga.

Pangulong Ferdinand Marcos Jr. Larawan mula sa Presidential Communications Office

Sa isang pahayag matapos ang napabalitang labas-masok sa bansa ang mga kinatawan ng ICC na nagsasagawa ng imbestigasyon laban kay Pangulong Rodrigo Duterte at sa ilang kaalyado nito, sinabi ni Pangulong Marccos na nagbigay sya ng direktiba sa mga ahensya ng gobyerno na huwag makipagtulungan sa ICC.

“Huwag niyong sasagutin, ‘yun ang sagot natin. That we don’t recognize your jurisdiction, therefore, we will not assist in any way, shape or form, any of the investigations ICC is doing here in the Philippines,” saad ng Pangulo.

Dating miyembro ng ICC ang Pilipinas ngunit nagbitiw ito bilang miyembro noong Marso 16, 2018 at naging epektibo ang pagbibitiw na ito noong Marso 17, 2019.

Ayon naman kay Justice Secretary Jesus Crispin Remulla, kung sakali mang may mga internasyonal na grupo gaya ng ICC sa bansa, kinakailangan umano ang mga itong magpasakop sa Konstitusyon at iba pang batas ng Pilipinas.


Ayon kay Remulla, kinakailangan munang magpaalam at aprubahan ng mga kaukulang ahensya ng gobyerno bago ang mga ito makapagsagawa ng anumang aktibidad sa bansa.

Kabilang sa mga ahensya ng gobyerno na tinukoy ni Remulla ay ang Department of Foreign Affairs (DFA), Department of the Interior and Local Government (DILG) at Department of Justice (DoJ).

Ayon kay Remulla walang obligasyon ang Pilipinas na sumunod sa ICC dahil pormal na itong bumitaw noon Marso 17, 2019.

Sa kasalukuyan, aniya, ay wala namang natatanggap na opisyal na komunikasyon ang DoJ at ang iba pang ahensya ng gobyerno na may mga kinatawan ng ICC sa bansa.

- Advertisement -

Dagdag pa niya, alam ng DoJ ang  desisyon ng Korte Suprema patungkol sa umano’y krimen na naganap bago ang withdrawal ng Pilipinas sa ICC.

“Gumagana ang sistema natin. Hindi namin papabayaan and mga biktima. Ipagtatanggol natin ang karapatan ng bawat Pilipino,” aniya.

Hinuha naman ni dating senador Antonio Trillanes, Jr., lalabas ang arrest warrant laban kay dating Pangulong Duterte, Senador Ronaldo Dela Rosa, Senador Bong Go, at Bise Presidente Sara Duterte sa second quarter ng taon, sa pamamagitan ng Interpol kung saan miyembro pareho ang Pilipinas at ang ICC.

Binansagan naman siyang “destabilizer” ni Senador Dela Rosa, dating Philippine National Police (PNP) chief ng nakaraang administrasyon, sa pagtatangka ni Trillanes na sirain ang relasyon ng mga Duterte at ng Palasyo.

Sa kabila ng mga pahayag na ito, patuloy ang pagdinig sa mga panukalang resolusyon sa Mababang Kapulungan ng Kongreso upang itulak na makiisa ang pamahalaan ng Pilipinas sa ICC.

Ang mga ito ay ang House Resolution (HR) 1393 nina Reps. France Castro, Arlene Brosas, at Raoul Manuel; HR 1477 na panukala naman nina Reps. Bienvenido Abante at Ramon Rodrigo Gutierrez; at ang HR 1482 ni Rep. Edcel Lagman.

- Advertisement -

Ayon kay Rep. Edcel Lagman sa isang panayam sa telebisyon, “Kung talagang susundin natin ang rule of law ay talagang kailangan nating makipag-cooperate sa ICC investigators.”

Sa panayam sa Kapihan sa Maynila nitong nakaraang Nobyembre, sinabi ni dating spokesman Harry Roque,  isang abogado at eksperto sa international law, lumampas na aniya ang panahon kung kailan dapat nagsimula ng imbestigasyon ang ICC at ito ay sa loob ng isang taon matapos ang withdrawal ng Pilipinas noong Marso 16, 2018.

Nagkabisa ang withdrawal noong Marso 17, 2019, isang taon matapos ang pag-alis ng Pilipinas sa ICC.

Ani Roque, sa loob ng isang taon na ito, dapat dito nagsagawa ng preliminary investigation ngunit ang kahilingan na magsagawa nito ay nangyari lamang noong 2021 kung kailan hindi na miyembro  ng ICC ang Pilipinas, saad ni Roque.

Nanawagan si Roque sa mga mambabatas na “pakinggan nyo naman po ang sinasabi ng Presidente.”

Maraming beses nang inihayag ni Pangulong Marcos na hindi nito pinapayagan ang ICC na magsagawa ng imbestigasyon sa bansa, diin ni Roque.

- Advertisement -
- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -