Una sa 3-bahagi
IPAGPAUMANHIN n’yo kung nais kong magbalik-tanaw sa isang panahong ayaw na nating balikan kahit sa gunita. Ano ang idinulot ng pandemyang Covid-19 sa daigdig ng panitikan at paglalathala?
Parang huminto ang daigdig. Ganito ang naramdaman ng lahat nang magdeklara ng sunod-sunod na lockdown sa bansa dahil sa dumaraming kaso ng sakit na Covid-19 simula noong Marso 2020. Akala ng lahat ay saglit lamang ang mangyayaring lockdown habang pinipigilang kumalat ang mabagsik na virus. Pero magtatagal pala ito ng tatlong taon. Naalala ko tuloy ang pelikulang ‘Tatlong Taong Walang Diyos’ na pinagbidahan ni National Artist for Cinema Nora Aunor at idinirek naman ni Mario O’Hara. Tatlong taon. Hindi biro ang tatlong taon na nag-iwan ng latay sa literary life ng ating bansa. Ang mga manunulat ng bansa ay pansamantalang nagulantang sa mga nangyaring pagbabago. Biglang naging online ang lahat at naranasan natin ang sangkaterbang tuntuning pangkalusugan. Nahinto ang masiglang paglilimbag ng mga aklat, kabilang na ang aklat-pambata. Hindi raw ito kasali sa sinasabing ‘essential’ na gaya ng pagkain, tubig, gatas, gamot, bitamina, alcohol, at…lugaw. Noong panahong ‘yun, nahati ang lahat sa dalawang bagay – ang mga bagay na tunay na essential at ang hindi na muna essential. Lumabas na mas essential ang lugaw na nakakabusog kaysa ano mang anyo ng panitikan.
Aaminin kong pati ako ay hindi halos makasulat noong una. May isa akong malapit na kaibigan na kinitil ng mabagsik na virus na ito noong kasisimula pa lang ng lockdown. Pinilit kong sumulat ng isang tribute sa kanya pero waring natuyuan din ako ng salita; wala akong makapang sapat na salita. Kanino ko ba ibubunton ang sisi? May dapat bang managot? Sino ang may pagkukulang? Hindi ko maintindihan kung paanong ang taong mismong nagpapatupad ng health protocol para sa isang bayan ng Bataan ay siya palang unang mamamatay sa bagsik ng naturang virus.
Kabilang sa huminto noong nagsimula ang lockdown ang inaabangang taunang pambansang patimpalak sa pagsulat ng panitikan – ang Don Carlos Palanca Memorial Awards for Literature – na kahit minsan ay hindi lumiban sa pagtataguyod ng patimpalak mula nang ito’y itatag ng Carlos Palanca Foundation (sa suporta ng La Tondena) noong 1951. Hindi akalain ng mga manunulat na pati ang Palanca Awards ay pansamantalang tatambay dahil sa pandemya. Ito pa naman ang panahon na ang mga nagbibisi-bisihang manunulat ay nagkaroon ng mas maraming oras para magsulat dahil sa utos na ‘bawal lumabas.’ Isa ang pagsusulat na puwedeng gawin habang nasa lockdown at quarantine. Habang nalalapit ang deadline ng patimpalak (Abril 30, 2020), marami ang nagtaka kung bakit walang anunsyo ang Palanca Foundation tungkol dito. Nang sumunod na taon (2021), marami ang muling umasang ipagpapatuloy na ang naantalang Palanca Awards. Pero ayon sa mga tagapagtaguyod nito, muli nilang inihihinto ang pagdaraos nito dahil pa rin sa lalong dumaraming kaso ng Covid sa ating bansa. Naglabasan na ang sari-saring variants ng virus na nag-mutate! Lahat ng tao ay nanalanging malampasan na lamang nila ang pandemya. Kaya waring nabura sa listahan ng mga manunulat ang makasungkit ng Palanca habang may pandemya. Pagkain at gamot, hindi aklat at medalya, ang pokus ng ating mga kababayan.
Kung ang taunang Palanca Awards ay pansamantalang huminto sa pagtataguyod ng timpalak pampanitikan, ang Philippine Board on Books for Young People (PBBY), sa kabilang banda, ay hindi naman natinag sa pagtataguyod nito ng taunang kompetisyon sa pagsulat ng kuwento (ang PBBY Salanga Prize) at pagguhit (ang PBBY Alcala Prize). Katunayan, halos nasa ika-38 taon na ang PBBY sa pagsasagawa ng taunang patimpalak. Nang maging hurado ako sa Salanga Prize noong taong 2021, kung saan higit sa sandaan ang natanggap na entries ng PBBY, marami sa mga kuwentong nai-submit ang may kaugnayan sa nagaganap na pandemya. Tanong namin sa aming mga kapwa-hurado, “kaya ba sobrang dami ang tinanggap nating lahok ay sapagkat pansamantalang tumigil ang Palanca sa pagkakaloob nito ng awards?”
Pero kahit pala naging limitado ang ating mga galaw at paglabas ng tahanan, nagpumiglas ang imahinasyon ng maraming manlilikha at tagapagtaguyod ng aklat pambata sa ating bansa. Ayon sa manunulat na si Grant Faulkner, “our stories are the candles that light up the darkness that life can become, so we must live in the warm hues of our imaginative life.” Ipinaalala nito sa atin na may pambihirang kapangyarihan ang mga kuwento’t salaysay upang matulungan tayong malampasan ang kadilimang bumalot sa daigdig dulot ng pandemya. Kaya sa isang panahong madilim ang lahat, ang pagsusumikap ng mga tagapagtaguyod ng panitikang pambata ay parang mga mumunting ilaw na unti-unting nagpaliwanag sa daigdig.
Ang ating Pambansang Alagad ng Sining sa Panitikan na si Virgilio Almario, isa sa tagapagtatag ng Philippine Board on Books for Young People (PBBY), ay nagsimulang sumulat ng isang tula bawat araw tungkol sa nagaganap na pandemya. Naantig ang aking puso nang mabasa ang kaniyang tulang nagpupugay sa mga medical frontliners na nahawa at namatay sa sakit na Covid na pinamagatang ‘May Bagong Bayani ang Ating Panahon.’ Ninais niyang mailagay sa panitik ang mga nangyayari sa panahong dumaranas ng pandemya ang bansa. Bawat tula ni NA Almario ay isang kuwentong sumasalamin sa kalagayan ng lipunang ayaw pang tantanan ng Covid-19 virus. Ang kalipunan ng mga tulang ito ay masasabing mahalagang ambag sa pag-usbong ng Panitikan ng Pandemya.
Ilan din sa ating mga kilalang manunulat ng aklat pambata ang gumawa ng aklat tungkol dito. Isinalin agad ni Eugene Evasco sa Filipino ang aklat ni Francesca Cavallo na “Dr Li and the Crown-wearing Virus” tungkol sa Tsinong virologist na si Dr Li Wenliang na unang nakatuklas ng kakaibang virus na ito sa Wuhan, China – ang ‘Si Doktor Li at ang Nakakoronang Virus’ na agad inilathala sa Pilipinas ng Lampara Books. Lumikha rin si Evasco ng isang pambatang informational book – ang ‘Maging Ligtas sa Coronavirus (Mga Kaalaman at Gabay sa mga Bata)’ na iginuhit ni Pergy Acuna at inilathala ng Lampara Books.
Ang guro na si Genaro Gojo Cruz ay may ilang aklat ding naisulat na tumalakay sa mga naganap na community quarantine at blended learning. Kabilang dito ang mga akdang ‘Sa Bayan ng Anihan’ (tungkol sa ipinakitang pagbabayanihan ng isang barangay sa panahon ng lockdown) at ang “At Nabuhay ang Magagandang Salita” (tungkol sa pagpapahalaga sa mga salitang lumalabas sa bibig ng isang pamilya sa panahon ng lockdown) na parehong iginuhit ni Jhucel Del Rosario Atienza at ginawa munang digital book. Pinondohan ang produksyon nito ng LGU ng La Union. Nilapitan si Gojo Cruz ng isang board member ng lalawigan na nagnanais na maisaaklat ang karanasan ng komunidad nila sa panahon ng pandemya. Ayon kay Gojo Cruz, ang mga commissioned stories na ganito ay malaking tulong sa kanyang pagkamanunulat sa panahong halos tumigil ang lahat, kasama na ang paglalathala ng aklat. Dagdag pa rito, nakapaglathala rin si Gojo Cruz ng isang aklat sa wikang katutubo na Hiligaynon – ang “Gihigugma Ko Ikaw” tungkol sa mga taong tinawag nating ‘locally stranded individuals’ (LSIs) noong lockdown. Iginuhit ito ni Hereol Tero at inilathala ng Johny & Hansel Publishing. At kamakailan ay ginawa niya ang isang pambatang ‘fill-in book’ kung saan ang batang mambabasa mismo ang maglalagay ng sariling salita batay sa kanyang sariling karanasan sa pandemya sa mga blanks na inilagay sa kuwento. Pinamagatang “Naalala ko ang Aking Paaralan,” ito ay iginuhit ni Precious Daluz para sa Lampara Books.
(May karugtong)