27.5 C
Manila
Sabado, Oktubre 5, 2024

Hihiwalay ba ang Mindanao? May mga dahilan

LUPA AT LANGIT

- Advertisement -
- Advertisement -

TALAGA bang ibig ng Mindanao humiwalay sa Republika ng Pilipinas, gaya ng bida ni dating pangulong Rodrigo Duterte?

Baka masama lang ang timpla niya dahil sa sagutan nila ng Pangulong Ferdinand Marcos Jr. tungkol sa paggamit ng droga, pati na rin ang plano diumanong arestuhin si Duterte sa atas ng International Criminal Court (ICC) na nag-iimbestiga ng libu-libong napaslang noong kampanya kontra droga.

Sumpong man o seryosong pahayag, may ilang dahilan para maisip ng Mindanao kumalas sa bansa na dapat alamin at aksiyunan ang mga ito.

Una, malaon nang hinaing ng mga lalawigan hinggil sa palakad ng gobyernong pambansa sa Maynila na hindi binibigyan ng tamang pagpapahalaga at pagkilos ang kapakanan, pangangailangan at naisin ng ibang rehiyon.

Pangunahing nadedehado diumano ang Mindanao, kaya naman sumiklab ang pag-aalsa ng mga Pilipinong Muslim, upang ihiwalay ang buong Mindanao at pati Palawan sa bansang Pilipinas.


Nagwakas ang pag-aalsa sa kasunduang pangkapayapaan na nagbunsod ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) na may karagdagang kapangyarihan sa maraming aspeto ng gobyerno. Sa gayon, mas natututukan ng BARMM ang pangangailangan, pamumuhay at paghahangad ng mga Pilipinong Muslim sa Mindanao kaysa sa pamahalaang pambansa.

Isa pang hinaing ng Mindanao ang mas kaunting pondo ng gobyernong nakukuha nito kaysa sa Kamaynilaan at Luzon. Sa Mindanao galing ang halos 15 porsiyento ng yamang likha ng ekonomiya. Subalit mahigit lamang sa 11 porsiyento ng pambansang badyet ng 2024 ang gugugulin sa mga programa at proyektong Mindanao.

Tapos, maraming kompanyang kumikita ng bilyun-bilyong piso roon, ngunit nagbabayad ng buwis sa Kamaynilaan, dahil naroon ang mga punong tanggapan nila. Tuloy, doon napupunta ang malaking bahagi ng parte ng mga gobyernong lokal sa nakokolektang buwis, hindi sa Mindanao.

Away ng Amerika, sabit tayo

- Advertisement -

Puwedeng dagdagan ang kapangyarihan at pondo ng mga lalawigan at lungsod ng Mindanao kung kulang ang mga ito. Pero may isang larangang sadyang hindi isusuko ng pambansang pamahalaan at tanging mapanghahawakan ng mga nagsasariling bansa: ugnayang panlabas o foreign relations.

Maraming taga-Mindanao, lalo na ang sumasang-ayon sa patakarang panlabas ng administrasyong Duterte, ang hindi natutuwa sa mga polisiya ng gobyernong Marcos. Matapos ulit-ulitin nang mahigit isang taon na walang bansang  pinapanigan at kinakaaway ang Pilipinas, bumalikwas si Marcos at kumampi sa Estados Unidos noong Pebrero 2023.

Sa udyok ng US, pumayag siyang ipagamit sa Amerika ang siyam na base ng Armed Forces of the Philippines (AFP). Natural, hindi ito nagustuhan ng China dahil baka makalaban nito ang US kung magdeklara ng independensiya ang Taiwan. Gaya ng turing ng Pilipinas sa Mindanao, bahagi ng bansa ang tingin ng China sa Taiwan na dapat ipaglaban kung magtangkang kumalas.

Dahil sa pagkiling ni Marcos sa US, inihinto ng China ang bilyun-bilyong dolyar na pautang para sa imprastraktura, kabilang ang unang mga tren at riles sa Mindanao. Hindi siyempre maglalaan ng pondo ang China sa karatig bansang magpapagamit ng mga base militar sa\ mga eroplano, barko at submarinong pandigma ng US.

Buti na lang iisang base ang itinalaga sa Mindanao: Lumbia Air Base malapit sa Cagayan de Oro. Samantala, lima ang nasa Luzon at dalawa ang nasa Palawan, sa ilalim ng Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA). Mangyari, wika ng mga heneral, pantas at mediang US, gagamitin ang mga base kung magkagiyera sa Taiwan, kaya nasa Luzon ang maraming kampong ipagagamit.

Ilang beses sinabi ng Pangulong Marcos na para lamang sa pagdepensa ng Pilipinas ang mga baseng EDCA. Subalit binalewala siya ng Amerika, at hindi isinama ang kanyang malinaw na polisiya sa mga patakaran ng alyansiya natin sa US.

- Advertisement -

At mukhang magdaragdag pa ng isang base ang US, ang pinakamalapit sa Taiwan. Noong isang taon, kinausap ng Embahada ng Amerika ang mga opisyal ng Batanes tungkol sa pagtatayo ng mas mahusay na daungan. Ngayon, sinabi ni Kalihim Gilbert Teodoro ng Tanggulang Pambansa na magdaragdag ng puwersa sa Batanes.

Wala pang 400 kilometro ito sa Taiwan, at maaaring maglagay sa ating isla ng mga missile na tatarget sa makitid na daanan ng barko sa pagitan ng South China Sea at East China Sea. Kaya naman nagbabala ang China hinggil sa planong magdagdag ng armas and hukbo sa Batanes.

Bagaman malayo ang Mindanao sa Taiwan, puwede pa ring magdagdag ng base roon, dahil mas malapit pa rin ito sa Taiwan kaysa sa Guam, mahigit 3,000 kilometro ang layo. At siyang patakaran ng US ang magkaroon ng maraming base, upang mahirapan ang China targetin ang mga eroplanong Amerikano, wika ni Hen. Kenneth Wilsbach ng US Air Force, komandante ng lahat ng puwersang panghimpapawid ng US sa Pasipiko.

Noong Pangalawang Digmaang Pandaigdig, sinakop tayo ng Hapon dahil narito ang hukbong Amerikano. Ngayon, papasok na naman ang mga tropang US, at ni hindi tayo tinanong ni Marcos kung payag tayong maging platapormang pandigma ng Amerika.

Ngayon, payag ba ang Mindanao maging bahagi ng posibleng giyera ng Amerika at China — o hihiwalay na lang sa Pilipinas para makaiwas sa digma?

 

- Advertisement -
- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -