NAGBABALA si Senador Win Gatchalian laban sa paglaganap ng mga love scam dahil sa mas maraming tao ang inaasahang maghanap o sumubok ng online dating sa gitna ng pagdiriwang ng buwan ng pag-ibig.
“Dapat mag-ingat ang mga indibidwal na interesado sa online dating laban sa mga mapagsamantala sa mga panahong ito sa pamamagitan ng romance o love scam,” sambit ni Gatchalian.
Sa gitna ng lumalawak na digital transactions, ipinaalala ni Gatchalian ang inihain niyang Senate Bill 2407, na kilala bilang Anti-Financial Account Scamming Act. Layon ng panukalang batas na protektahan ang sistema ng pananalapi ng bansa at tiyakin na ang mga financial accounts at mga may-ari nito ay protektado at hindi naaakit ng mga cybercriminals sa paggawa ng mga ilegal na gawain.
Sa konteksto ng mga internet love scam, ang scammer ay karaniwang gumagawa ng isang kaakit-akit ngunit pekeng profile account sa social media upang makuha ang interes ng mga potensyal na biktima. Karaniwang mabilis ang pag-usad ng relasyon sa pagitan ng scammer at ng binibiktima nito. At kapag nakuha na ng scammer ang tiwala at kumpiyansa ng biktima, hihingi ito ng malaking halaga ng pera. Kapag naipadala na ang pera, parang bulang mabilis na naglalaho ang scammer.
Binigyang-diin ni Gatchalian na parehong lalaki at babae ang biktima sa ganitong modus, lalo na ang mga may problema sa pakikipagrelasyon o iyong mga naghahanap ng karelasyon, at ‘yung sinasabing emotionally vulnerable kabilang na dito ang mga may edad na. Ang pambibiktima ay kadalasang nagaganap sa mga dating apps o social media. Ang love scam ay isa rin sa mga karaniwang ginagamit ng mga sindikato na nauugnay sa ilang Philippine Offshore Gaming Operators (POGOs), kasama ng mga investment scam at cryptocurrency scam.
“Huwag tayong basta nagpapabihag sa iba’t ibang uri ng love scam. Kailangan nating maging mapanuri sa ating mga transaksyon lalo na kung may kinalaman ito sa pinagpaguran nating pera,” diin niya.
Naghain na rin si Gatchalian ng panukalang batas na naglalayong parusahan ang mga indibidwal na kusang-loob na magpapahintulot sa kanilang sarili na magamit bilang money mules, mga taong nakikibahagi sa mga social engineering scheme, at iba pang mga mapanlinlang na financial scheme kabilang ang mga love scam.
Sa pag-asang mabilis na maisasabatas ang mga nabanggit na panukala, binigyang-diin ni Gatchalian na kailangang higit pang paghusayin ng gobyerno ang pagtugis nito sa mga gumagamit ng financial accounts o e-wallet para makapanloko.