Huling bahagi
BINALIKAN-TANAW natin sa nagdaang kolum ang historikong proseso na dinaanan ng ngayon ay pagsambulat ng panawagan na ihiwalay ang Mindanao sa Republika ng Pilipinas. Malinaw na ang panawagan ay hindi orihinal ni dating Pangulo Rodrigo Roa Duterte kundi isang sadya at determinadong proyekto ng Estados Unidos upang muling itatag sa Pilipinas ang mga base militar na winakasan sa pagtatapos ng US-PH Mlitary Bases Agreement (MBA) noong 1991. Mismong sa garapal na pamumuno ni Presidente Corazon C. Aquino, isinulong sa Senado ang resolusyon na magpapahaba ng sampung taon pa dapat sa MBA, subalit sa matibay na paninindigan ng Magnificent 12 – sina Senador Agapito “Butch Aquino, Jovito Salonga, Juan Ponce Enrile, Joseph Estrada, Teofisto Guingona Jr., Sotero Laurel, Orlando Mercado, Ernesto Maceda, Aquilino Pimentel Jr, Victor Ziga, Rene Saguisag at Wigberto Tañada — kinitil ang resolusyon sa boto na 12-11, at ang mga base militar ng Amerika sa Pilipinas ay ganap nang winakasan.
Ano ngayon ang pakialam ng pangyayaring iyon sa kasalukuyang panawagan ni Duterte na ihiwalay ang Mindanao sa Pilipinas? Batay sa mga kaganapan, hindi na gugustuhin pa ng Amerika na dumaan sa senado para sa layuning muling buhayin ang mga base militar ng Amerika sa Pilipinas. Bukod sa talagang mahihirapan na itong gawin dahil sa napakamapangontra ng Senado ng Pilipinas, kung mapapayag man ito, tiyak na sobrang taas ng halagang hihingiin bilang upa. Naranasan na ito noon pang panahon ng Marcos Sr.. Ang dating libreng paggamit ng Amerika sa lupain ng Pilipinas para sa kanyang mga base militar ay nagsimulang patungan ng upa sa pag-upo ng amang Marcos noong 1965. At sa pana-panahon mula noon, ay padagdag pa nang padagdag ang upa.
Sa pagdalaw ni Marcos sa Amerika noong 1982, isa sa mga isyung inungkat sa kanya ng American press ay ang di-umano’y paghingi na niya ng bilyung dolyar na upa para sa mga base militar ng Amerika sa Pilipinas. Kaipala’y ito ang dahilan kung bakit sa pagsapit ng 1985 na nakatakda ang negosasyon para sa muling pagtataas ng nasabing upa, naisip na ng Amerika na patalsikin na si Marcos. Di ba sigaw ni Cory: “Sobra na! Tama na! Palitan na!” Ang problema, napalitan nga si Marcos, nagsilbing moog naman ang Senado bilang hadlang sa pagpapahaba pa ng buhay ng mga base militar ng Amerika sa Pilipinas. Papaano aalisin ang hadlang? Napakahenyuso ng pamamaraan na naisip: ang dalawang usapang pangkapayapaan na naganap sa pagitan ng pamahalaan at Moro Islamic Liberation Front (MILF). Una nga, ang inareglo ni Ambassador Kristie Kenney kay MILF Commander Ibrahim Murad, at ikalawa ang pinamumuan para sa pamahalaan ni ngayon ay Associate Justice Mario Victor Leonen. Pansinin na kapwa sa una at pangalawang kaganapan, naroroon ang matinkad na Amerikanong identidad. Ibig sabihin, ginawa upang pagsilbihan ang adyenda ng Amerika na muling buhayin ang mga base militar nito sa lupain ng Pilipinas. Maging sa una o sa pangalawang usapang pangkapayapaan, ang Mindanao ay magiging nagsasariling estado, may sariling ehekutibo, sariling hudikatura at sariling lehislatura.
Sa usapin ng pagtatayo ng base militar Amerikano, hindi na dadaan pa sa napatunayan nang mapangontrang Senado ng Pilipinas kundi pakupkop na sa mapagkaibigan at sunud-sunurang MILF. Alam ba ninyo ang totoong nangyari sa pagkakapatalsik kay Presidente Joseph Ejercito Estrada noong 2000? Maniobra iyun ng Amerika bilang parusa sa pagsuway ni Erap sa kagustuhan ng Amerika na huwag niyang lusubin ang pangunahing kampo ng MILF, ang Camp Abubakar. Ewan kung bakit, pero kaayaw-ayaw ng Amerika na madurog ang MILF. Subalit udyok ng pamumugot ng MILF ng mga ulo ng 14 na sundalo ng Pilipinas, hindi maawat si Erap sa desisyon na durugin na ang MILF. Ultimong si Cardinal Sin ay nakiusap kay Erap na huwag ituloy ang kanyang balak subalit bigo. Hanggang isang personal nang tauhan ni US President Bill Clinton ang sumugod sa Pilipinas dala ang mensahe na huwag gagalawin ang Camp Abubakar. Bigo pa rin. Sa pamumuno ng napatanyag na sa taguring Mandirigma na si Major Akexander F. Balutan, isinagawa ang matagumpay na atake na dumurog sa Camp Abubakar, ang moog ng rebelyong MILF, sa pagtatapos ng 1999.
Dalawang buwan pa makaraan iyun, umandar na ang impeachment na humantong sa pagpapatalsik kay Erap.
Sa ikalawang pagkakataon, pinatunayan na sa Pilipinas, walang presidente ang kumontra sa Amerika at nanatili sa pwesto.
Kaya kung si Bongbong ay patuloy pa rin sa pagkapresidente sa kabila ng lumalalang kahirapan ng bayan, di masawatang korapsyon sa pamahalaan at di-pagkakasundo ng mga umuugit sa kapangyarihan ng gobyerno, ito ay dahil kinukunsinti pa siya ng Amerika.
Magkaganunman, kailangang suriing mabuti ang puno’t dulo ng biglang pagsambulat ng panawagan ni Duterte na ihiwalay ang Mindanao sa Republika ng Pilipinas. Nakita natin sa mga paglalahad sa itaas na ang gayong pagtapyas sa Mindanao ay matagal nang adyenda ng Amerika. Lilitaw ngayon na ang gayong adyenda ang isinusulong ni Duterte. Subalit gaya ng naging napakalitaw sa buong haba ng kanyang termino, ni minsan ay hindi siya bumitaw sa kontra-Amerikanong paninindigan. Sa kanyang panawagan ngayon para sa isang independienteng Mindanao, hindi ba pumihit si Duterte nang kumpletong paikot – mula sa kung murahin ang Amerika ay ganun na lang kaf***kyou tungo sa kahandaang makipagpatayan matiyak lamang na magtatagumpay na ang Amerika sa wakas sa matagal na nitong mithiin.
Abogado si Duterte at di birong matalinong pulitiko na matagal na nasalang sa masalimuot at mapanlansing hasaan ng serbisyo publiko. Hindi maaaring makaligtaan niyang mapagwari na ang panawagan niyang ihiwalay ang Mindanao ay tiyak na magsisilbi sa interes ng Amerika.
Papaano niya magagawa ito sa isang bansa na kung ibabatay sa mga paimbabaw na mga salita’t gawi ay kanyang pinakamuhimuhian?
Pwera na lamang kung ang nakagawian niyang mga umaatikabong pang-uuyam sa Amerika ay paimbabaw nga lang, mga pagkukunwari upang sa likod ng lumilitaw na malalim at taos-pusong pakikipagkaibigan sa China ay ikubli ang tunay na nakapanghihilakbot na mukha ng Amerika.
Sa puntong ito dapat na todo pagsusuri ang ginagawa ng sambayanan. Sa maraming pangyayari, napatunayan ang pagtalusira ni Duterte sa kanyang salita. Ang pagtigpas na ipinanawagan ni Duterte upang ihiwalay ang Mindanao sa republika ay maaaring magsalarawan ng nobleng layunin na paunlarin ang rehiyon, kung kaya maaaring makapang-akit ito ng malawak na suporta.
Sa bagay na ito, kwidaw. Maraming deklarasyon si Duterte na kung hindi bulaklak ng dila, sadyang panligaw sa tunay na buktot na diwa.