28.4 C
Manila
Biyernes, Disyembre 6, 2024

Dalawang mukha ng Amerika, alin ang totoo? 

ULTIMONG BIGWAS

- Advertisement -
- Advertisement -
UNA muna ang walang tigil na pang-uudyok ng Estados Unidos sa Pilipinas na makipaginitan sa China sa kanilang agawan sa Ayungin Shoal at sa Bajo de Masinloc o Scarborough Shoal. Kapwa sa dalawang bahura sa South China Sea, paulit-ulit na si Pangulo Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ng patungkol na hindi niya papayagang mapasa-kamay ng China. May malaganap na usapang kasalukuyang umiingay na may gentleman’s agreement si dating Presidente Rodrigo Roa Duterte kay China Presidente Xi Jinping hinggil sa dalawang pinag-aagawang bahura na ang epekto ay huwag hayaang magbunga ng mapang-away na ugnayan. Matigas na naninindigan si Bongbong na kung meron mang ganung agreement, hindi niya iyun sinasang-ayunan. Kaya tuloy-tuloy niyang niyayakap ang bawat panukala ng Amerika na magpapalakas sa presensya nito sa pinag-aagawang katubigan ng South China Sea. Habang sinusulat ito, nagsidaratingan sa pinag–aawayang teritoryo ang libu-libong sundalo at mga barkong pandigma ng Amerika upang magsagawa ng Balikatan exercises kuno. Kung balikatan lang ang intensyon, bakit kailangan pa ang pangunahing strike group ng US Navy na Carl Vinzon upang gawin ito. At bakit kailangan pang magsangkot ng mga kaalyadong Australia, Japan at South Korea, halimbawa, upang isagawa ang ehersisyo? Para sa China,  hindi napakalalim ng maniobra upang di makita na sa katunayan ito ay paghahanda ng Amerika para sa digmaan laban sa China sa dakong  ito ng Indo-Pasipiko. Sa kadahilanang ito, pinagdudahan ko na ang pinangangambahang giyera ay magkakatotoo. Masyadong litaw ang mga paghahanda. Hindi ganyan ang giyera. Tinukoy ko pa si Sun Tzu sa kanyang Art of War, “Hayaan mo ang iyong mga plano na maging  kasing dilim ng gabi. At oras na kumilos ka, bumigwas na parang kulog.”
Di ba ang kulog ay bigla na lamang sumasambulat? Walang pagbabadya, dadagundong ito, at agad na kasunod ay ang lakas ng ulan.
Papaano magkakatotoo ang giyera sa South China Sea gayong wala pa mang aktwal na sagupaan, naglalantaran na ng kani-kaniyang plano ang magkabilang panig?
Lumilitaw na ang banta ng giyera mula sa magkabilang panig ay ginagamit lamang bilang panimbang sa layuning ibig makamit sa mga nagaganap na laro sa larangan ng diplomasya.
Medyo nahiya pa ako sa sarili nang malaman ko na nag-usap pala (sa telepono nga lang) sina Presidente Xi Jinping at Presidente Joe Biden hinggil sa kung papaano aayusin ang gusot sa South China Sea. Mula’t sapul, paninindigan ng kolum na ito na ang totoong kalaban ng China sa South China Sea ay ang Estados Unidos na nagkakanlong lamang sa likod ng Pilipinas, na umaaktong proxy. Pinakapangambahan natin na ang pagkawasak ng Ukraine sampu ng libu-libong buhay ng sibilyan na nasawi ay mauulit din sa Pilipinas. Nakita natin ang katalinuhan sa tanong sa Pilipinas ng namayapang ama ng Singapore na si Lee Kwan Yue kung handa ba talagang sumagupa ang Pilipinas sa China at umasang magwagi at kung handa nga ang Pilipinas na gawin ang sarili bilang lupain ng labanan ng China at Amerika. Subalit ganyang nag-uusap na pala ng pag-aayos ng gusot ang dalawang pangunahing magkaaway, wala nang panganib na ang pinangangambahang giyera ay magkakatototoo.
Aaminin ko na sa ganitong pamantayan may tendensiya ako na padala. Bakit pa makikipag-usap si Biden kay Xi kung sa dakong huli ay layunin niya talaga na banggain pa. Binanggit pa ng aking impormante na dumalaw pa sa Beijing ang Finance Secretary ng US upang makipag-usap para sa pagdaragdag sa utang ng US sa China na nagkakahalaga na ng 3 trilyon. Biglang bagsak ng aking paniniwala na ang gulo sa South China Sea ay sadyang gawa ng Amerika upang sa dulo nito ay digmain ang China.
Bakit mo didigmain ang bansa na siya palang inaasahan mong utangan ng pansagip sa gumuguho mong ekonomiya?
Subalit ito ngang sina Pangulong Bongbong, Kalihim ng Tanggulang Pambansa Gilbert “Gibo” Teodoro at Philippine Coast Guard Spokesperson Jay Tariella, na walang tigil sa pag-astang palaban sa bawat ligal na pagpapatupad ng China sa kanyang mga batas sa mga nasasakupang teritoryo sa South China Sea.
Ang pinakahuling insidente na nasira ang bapor na pang-resupply ng Philippine Coast Guard at sumugat sa mga tauhan nito dahil sa pambobomba ng tubig ng China Coast Guard ay nagbunga ng malawak na ingay ng iba’t-ibang sektor Pilipino, gobyerno man o pribado, na humihingi na ng giyera laban China.
Sa kamakailan lamang na pagpapasumpa ni Presidente Marcos Jr. sa mga bagong heneral ng Armed Forces of the Philippines (AFP), ipinagdiinan niya na ang kanilang pangunahing tungkulin ay ipagtanggol ang teritoryo ng Republika ng Pilipinas. Di man pinangalanan, maliwanag na pinatutungkulan bilang kaaway ay ang China.
Ipinakikita ng mga kaganapanan na walang sentralisadong kumpas maging sa panig ng Amerika o ng China man sa pag-igting ng tensyon sa South China Sea.
Iba ang nagaganap sa antas ng kataastaasang liderato (Biden-Xi), iba sa mga tagasunod (Admiral John Aquilino, commander ng US Navy Indo Pacific Command, halimbawa, at ang China Coast Guard).
Giyera sa ibaba. Mapayapang negosyo sa itaas.
Papaano ba ito nakapangyayari?
(May karugtong sa Miyerkules)
- Advertisement -
- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -