NOONG nakaraang Miyerkules, isang koalisyon ang nabuo at naglunsad ng kilusang tinawag na No to US-BBM Proxy War. Nagtipun-tipon ang iba’t-ibang samahan upang ang kanya-kanyang lakas ay bigkisin sa iisang layuning iligtas ang Pilipinas sa kahalintulad na kapahamakang nagwasak sa Ukraine at Palestine. Tanging sa ganitong inisyatiba ng taumbayan maililihis ang bansa sa pagkasira na maliwanag na ibig pagsadlakan sa kanya ni Pangulo Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.
Nakabalandra sa unahan ng bulwagan ng Quezon City Sports Club ang mga larawan nina dating mga Senador Francisco Kit Tatad at Nikki Coseteng, dating Presidential Spokesperson Harry Roque at ang tambalan nina Ka Eric at Dr. Loraine Badoy. Walang nakalagay na pagtangi kung ano ang kaugnayan nila sa koalisyon, subalit sa takbo ng mga talumpati, malilinaw na mga convenor sila ng samahan. At totoo nga, lahat sila na naroroon ay nagkakaisa sa pagkondena sa. nagpapatuloy na pang-aalipin ng America sa Pilipinas. Sa mga nabanggit, ang naroroon lamang ay sina Ka Eric, Loraine Badoy at Harry Roque.
Bilang finale ng pagtitipon, natampok ang paglagda ng mga dumalo sa malaking puting pisara na nagtataglay ng titulo ng kilusan: “No to US-BBM Proxy War.”
Ang kilusan, sa pamumuno ni Herman Tiu Laurel, pangulo ng Asian Century Philippines Strategic Studies Institute (ACPSSI), ay matatawag na isang maunlad na kinahinatnan ng naunang Anti-War Peace Caravan na inorganisa ni Laurel sa pagsisimula ng taon. Sa buong kahabaan ng Luzon, dinala ng caravan sa pangmadlang kamalayan ang sigalot sa South China Sea.
Ang pagsabog ng gulo sa South China Sea ay totoong napakatusong maniobra ng Amerika. Sa pamamagitan ng malapad na makinaryang pampropaganda sa mainstream media at sampu-samperang mga troll kabilang na ang mga patakbuhing programang pambalitaan sa social media, nagawang papaniwalain ang sambayanang Pilipino na inaagaw ng China ang mga bahagi ng exclusive economic zone ng Pilipinas. Ang bagay na ito ay pagpapasyahan pa, alin kung sa maayos na pag-uusap ng China at Pilipinas, o sa pamamagitan ng may awtoridad na ahensyang internasyonal. Ang ipinangangalandakang arbitral ruling ng tinatawag na Permanent Court of Arbitration (PCA) at ipinapagkahulugan na tagumpay ng Pilipinas sy hindi titindig.
Una, hindi lumahok ang China sa arbitration maliban sa paghain ng manipestasyon na hiindi nga siya lalahok, hindi niya kinikilala ang mga kalakaran nito at hindi niya tatanggapin ang anumang desisyon nito.
Hindi totoong may basbas ng United Nations ang PCA. Nagkataon nga lang na dahil sa serye ng komunikasyon nito sa International Trbunal on the Law of the Sea (ITLOS) na siya talagang may basbas ng United Nations na mamagitan sa mga usapin sa karagatan, nakilala ang PCA sa larangang ito.
Pero ano o sino ang maaaring magpatupad sa desisyon nito kung ganyang ayaw itong kilalanin ng China? Napakalabo. Sabihin nang sa ngalan ng hustisya ay mapagpasyahan ng United Nations na kilalanin ang desisyon ng PCA. Kakayanin ba ng UN na ipatupad ito? May veto power ang China sa UN. Pag sinabi niyang hindi pwede, hindi mangyayari. Maaasahan lamang na gagamitin ng China ang kanyang veto power upang hadlangan ang isang kautusan laban sa kanya.
Ang Estados Unidos na kasama ng China sa UN Security Council, kabilang ang Russia, United Kingdom at France, ay may ganun ding veto power. Alam niya na sinuman sa kanilang lima ay may kapangyarihang hadlangan ang anumang resolusyon ng United Nations. Anong silbi ng kanyang walang humpay na pagkakalat ng diumano panalo ng Pilipinas sa PCA arbitration gayong alam niyang kung totoo man, kailanman ay hindi iyun maipatutupad? Dahil nga bilang dinaan sa baluktot na proseso, labag iyun sa lahat ng makatarungang pag-uusap.
Subalit malungkot nga na sa kabila ng pagiging pawang pambabalukot sa katotohanan, ang patuloy na paglalarawan ng Amerika sa China bilang demonyo ay napatutunayang mabisa.
Dapat wakasan na ang pambibilog ng Amerika sa ulo ng Pilipino. Ang mga digmaan na sumabog sa Ukraine at Palestine ay inamin ng kumander ng III US Marines Expeditioary Forces na sadyang iniudyok ng Amerika sa Russia. Ganun din iniudyok ng Amerika sa Hamas ang digmaang humantong sa malaganap na digmaang naglalagablab na sa pagitan ng Israel at Iran.
Sa Pilipinas, pansinin na palala nang palala ang girian sa mga ehersisyong pangmilitar ng libu-libong sundalong Amerikano at mga kaalyado nitong Australiano, Hapon at Timog Koreano at ng ganun ding karaming tropa ng China sa sarli naman niyang ehersisyong pangmilitar.
Talaga namang nakapaninindig-balahibo ang ginawang pagpapalubog ng Amerika sa isang barkong pandigma na Made in China.
Mangyari pa, sasabihin ninyo, kulang na lang na barko na talaga ng People’s Liberation Army (PLA) Navy ang binanatan.
O, di ba ganun na nga? Sa dinami-dami ng props na pwedeng gamitin, bakit Made in China pa ang pinili? Kung hindi ba naman talagang naghahanap ng basag-ulo?
Pasalamat tayo’t nakapagtimpi pa ang China. Kung naging North Korea iyun, malamang ay napapinturahan na ng pangalang USS Carl Vinson ang sarili niya namang props na pasasabugin.
Hindi tayo nagbibiruan dito. Kuntodo kontrol sa sariling temperatura ang malinaw na pinaiiral ng China sa harap ng tahasanng pamimikon ng Amerika. Hindi madadaan sa pakikipag-asaran ang paghawak sa sitwasyon sa South China Sea. Kailangan ang mahinahon na pagsasanib pwersa ng lahat ng indibidwal at grupo na naglalayong pigilan ang pagsambulat ng digmaan na nanganganib na humantong sa pagiging digmaang magbibigay wakas sa lahat ng digmaan – ang ultimong digmaang nukleyar. Sa pagsasalarawan ng isang manunulat, sa digmaang nukleyar, tanging ipis ang makaliligtas. Maging iyan ay bulaklak ng dila, pagdidiin sa nakalulungkot na katotohanan na dahil sa kagahamanan sa kapangyarihan, ganap na winawalan ng halaga ng Amerika ang buhay ng Pilipino.
Subalit di pa huli ang lahat. Kailangan lamang maunawaan ng mga Pilipino na wala sila ni katiting na away sa China. Ang maya’t-mayang kung tawagin ay harassmnt ng China Coast Guard sa resupply mission ng Philippine Coast Guard sa Ayungin Shoal ay isang standard operating procedure (SOP) ng China sa pagpapatupad ng mga batas pangkaragatan. Napakaliliit na insidente na sa panahon ni Presidente Duterte ay lagi nang nadadaan sa malumanay na usapan imbes na pagpanimulan ng away.
Ang problema lang talaga ay naririyan ang Amerika, matinding nakikialam, ibig sakupin para sa sariling kapakanan ang karagatan ng Asean.
Dito dapat pumalag ang China. Kung ang Amerika ay may Monroe Doctrine na nagsasabing Amerika para sa mga Amerikano, ang Asean ay may Code of Conduct of the South China Sea (COCSCS) na nagsasabing Asean para sa mga Asyan.
Diyan awayin ng Amerika ang China at tingnan kung hindi maghalo ang balat sa tinalupan.
- Advertisement -