27.8 C
Manila
Biyernes, Setyembre 13, 2024

Siyam na katangi-tanging Pilipino sa 2023 TOYM Awards

PUWERA USOG PO

- Advertisement -
- Advertisement -

KUNG may isang parangal na magandang matanggap ng isang Pilipino, ito ay ang TOYM Awards o ang “The Outstanding Young Men” (of the Philippines) Awards. Iginagawad ito sa mga Pilipinong edad 40 pababa na may mahalagang kontribusyong nagawa sa kanilang napiling larang: medisina, batas, negosyo, entrepreneurship, serbisyong panggobyerno, panitikan, sining at kultura, musika, sports, edukasyon, agrikultura, community service, journalism, science and technology, at iba pa. Ang biruan nga, magandang makatanggap ng parangal na ito sapagkat laging nakakabit ang salitang ‘young’ sa naturang pagkilala. Magkaedad man daw ang awardee ay lagi pa ring masasabihang ‘young.’

Ang mga 2023 TOYM Honorees: Jan Carlo Punongbayan (Economics), John Mark Napao (Sustainable Energy), Ernest John Obiena (Sports;kinatawan ang kanyang kapatid na babae), Khrista Francis Desesto (OFW Empowerment Advocate), Ma. Regaele Olarte (Education Leadership), Mark Gersava (Agri-Entrepreneurship), Kenneth Isaiah Abante (Socio-civic and Voluntary Leadership), and Tor Sagud (Heritage Promotion). Wala sa larawan: Stephen Michael Co (Food Technology Innovation and Entrepreneurship)

Nasa ika-64 na taon na ngayon ang TOYM Awards. Una itong iginawad sa mga katangi-tanging Pilipino noong 1959. Kasama sa mga pinarangalan noong taong ‘yun ay sina Leandro Locsin (para sa Arkitektura), Alejandro Roces (para sa Journalism), Benjamin Belmonte (Medisina), Aurelio Estanislao (Musika), Jose Juliano (Science), at Napoleon Abueva (Sculpture). Kung papansinin, dalawa sa batch na ito ay tinanghal nang National Artists of the Philippines: sina Locsin at Abueva.

Nang sumunod na taon, taong 1960, may isang lalaking pinarangalan ng TOYM na kalaunan pala ay tatanghaling bayani ng ating bayan:  si Ninoy. Tinanggap ni Benigno Aquino Sr  ang TOYM trophy para sa larang ng ‘public service.’ Imagine, kahit pala si Ninoy Aquino ay naging TOYM awardee rin! Tunay na dapat ikarangal ang pagtanggap ng pagkilalang ito.

Huwag ipagkamaling maaari lamang mag-nominate ng mga kandidato sa mga establisadong larang (established fields). Kung wala sa karaniwang kategorya ang isang nominee, puwede pa rin siyang ihalal sa isang field na bago o siya mismo ang nagpasimula. May mga taon na may nominees (at naparangalan) sa larangan ng aktibismo (Edgar Jopson, 1970), peace advocacy (Ana Theresia Hontiveros-Baraquel, 2001), disaster management (Anthony Rolando Golez, 2007), wildlife conservation (Dennis Joseph Salvador, 2000), tourism management (Patrick Gregorio), at youth development (Samira Gutoc, 2001).

Kasama ng TOYM family ang guest speaker na si Dr. Gerardo ‘Gap’ Legaspi, Medical Director ng PGH, at Chair ng Board of Judges (nasa gitna). Mula sa kaliwa: Liezl Joson at Kervy Salazar (mga leaders ng JCI Philippines), Victor Baguilat (past awardee at TOYM screenor), Sabrina Ongkiko (past awardee at TOYM screenor), Luis Gatmaitan (past awardee), Anthonette Allones (past awardee at Chair ng TOYM Screening Committee), Chaye Cabal-Revilla (TOYM Foundation President), Dr. Gap Legaspi (Guest Speaker), Johnlu Koa (past awardee at judge), Donnie Tantoco (TOYM Foundation Chair), Larry Cruz (TOYM Foundation Executive Director), at Ariestelo Asilo (past awardee)

Hindi rin kailangang may lumabas na winner sa bawat establisadong kategorya (halimbawa’y Medisina, Batas, o Edukasyon). May mga taon na wala kahit isang doktor o abogado sa batch of winners. May mga taon naman na maaaring dalawa o tatlo ang puwedeng lumabas na winner. Naaalala ko na noong taong 2022, nang patapos na ang pandemyang Covid-19, hindi sinasadyang apat na doktor ang nanalo sa batch na ito: isang pediatric neurosurgeon (Dr. Ronnie Baticulon), isang medical anthropologist (Dr. Gideon Lasco), isang public health expert (Dr. Beverly Lorraine Ho), at isang expert sa planetary medicine (Dr. Renz Guinto).


Nang sumunod na taon (2023), wala kahit isang manggagamot na napasama sa listahan ng mga nanalo kahit may mga nominado rin dito. Ito pa naman ang taon na ang naging Tagapangulo ng Board of Judges ay si Dr. Gerard ‘Gap’ Legaspi, ang kasalukuyang Medical Director ng Philippine General Hospital. Ang ibig lang sabihin, ang pagkilalang ibinibigay ng TOYM ay hindi nakabatay sa kung ano ang expertise ng mga hurado. Pero maganda ring nanggagaling sa iba’t ibang disiplina ang bumubuo ng Screening Panel at ng final Board of Judges. Ito ay upang i-validate ng naturang eksperto kung deserving nga ang nasabing nominee. May isang pagkakataon pa nga na nabanggit ni Atty Ted Te (dating TOYM awardee para sa Batas at naging screening panel) na ‘walang gaanong deserving sa isang batch ng nominadong mga abogado kahit waring napaka-excellent ng portfolio ng mga kandidato sa field of Law. “Kilala ko halos sila. At wala sa kanila ang hinahanap ng TOYM para sa pararangalan nito.”

Ang present TOYM awardees kasama ang past TOYM awardees sa ginanap na awarding ceremonies sa Manila Hotel

Ang Philippine Jaycees ang organisasyong nasa likod ng TOYM Awards. Sinasabing ang Manila Jaycees ang nagpasimula nito bilang isang chapter project nang magkaroon sila ng National Convention sa Baguio City noong Abril 6, 1959. Bahagi ang Philippine Jaycees ng Junior Chamber International (JCI) na may ganitong vision: to be the foremost global network of young leaders. Ginagabayan sila ng kredo nila na nagsasabing “that service to humanity is the best work of life.”

Nagsisimula ang TOYM awards sa paglulunsad ng isang national search sa pangunguna ng JCI Philippines. Ang bawat chapter ng Jaycees sa iba’t ibang lugar sa buong bansa ay inaasahang makikibahagi sa paghahanap ng kwalipikadong nominee sa kani-kanilang area. Kapag may nakita silang potential nominee para sa award, tinutulungan nila itong ihanda ang kaniyang bid book na naglalaman ng kanyang mga accomplishments. Maituturing na karangalan din ng naturang JCI chapter kung ang lalabas na honoree ay nanggaling sa kaniyang area.

Paano ba pinipili ang mga winners mula sa napakaraming nominees (na minsa’y umaabot pa ng higit isandaan) na nagsa-submit ng kanilang bid books/nomination?

- Advertisement -

Sumasalang sa isang screening panel ang mga nominado na kwalipikado sa awards. Ang naturang screening panel ay binubuo ng mga dating TOYM honorees na sadyang metikuloso sa pagpili ng magiging finalists. Si Atty Anthonette Velasco-Allones, Undersecretary ng Department of Migrant Workers, ang naging Chairperson ng Screening panel para sa 2023 batch. Kasama niya ang mga past TOYM Honorees na sina Cherrie Atilano, Atty Lesley Cordero, Lou Sabrina Ongkiko, Dr. Jaime Aherrera, Victor Mari Baguilat Jr, at Dr Casiano Choresca Jr.

Kapag may mga napiling finalists na, may isa pang panel ng board of judges na muling titingin sa mga nominees. May interview pa na ginagawa sa kanila. Dito na inaalam kung sino ang tatanghaling honorees ng naturang award. Para sa batch na ito, si Dr Gap Legaspi ng PGH ang naging Chairperson; kasama niya sina Jessica Soho, Edgar Chua, Johnlu Koa, Dr. Milwida Guevarra, Justice Noel Tijam, at Rogelio Singson.

Para sa Batch 2023, ngayong buwan lamang ng Mayo naipagkaloob ang TOYM Awards para sa mga honorees. Medyo natagalan ang pagpaparangal sapagkat naghahanap sila ng pagkakataong maidaos sana ito sa Malacanang Palace kung saan ang Pangulo ng Pilipinas ang mag-aabot ng Abueva trophy sa mga nanalo (oo, ang tropeo ng TOYM ay gawa mismo ng yumaong National Artist for Sculpture na si Napoleon Abueva). Naging tradisyon na kasi na ang pagkakaloob ng TOYM award ay sa Malacanang Palace ginagawa.

“Pero kung tutuusin, kahit saang venue pa igawad sa iyo ang TOYM award, kahit pa sa kung saang kanto, ito’y napakalaking karangalan,” pagbabahagi ni Kerby Javier Salazar, ang National President ng 2023 JCI Philippines, sa kanyang ibinigay na mensahe sa nakaraang awarding ceremony na ginanap sa Manila Hotel. “Malaking karangalan at responsibilidad ang kinakatawan ng Abueva trophy na ‘yan,” dagdag pa niya.

Para sa taong nagdaan (2023), siyam na katangi-tanging Pilipino ang pinarangalan sa Manila Hotel noong Mayo 9, 2024. Sila ay ang mga sumusunod:

Ernest John Obiena (Global Excellence in Sports)

- Advertisement -

Khrista Francis Desesto (OFW Empowerment Advocate)

Tor Sagud (Heritage Promotion)

Kenneth Isaiah Abante (Socio-Civic and Voluntary Leadership)

Ma. Regaele Olarte (Education Leadership)

Mark Gersava (Agri-Entrepreneurship)u

John Mark Napao (Sustainable Energy)

Stephen Michael Co (Food Technology Innovation and Entrepreneurship)

Jan Carlo Punongbayan (Economics)

Kay gaganda ng kuwento ng kanilang buhay. At kahanga-hanga ang kanilang mga ambag sa ating lipunan.

Ang kasalukuyang TOYM Foundation Chairman na si Bienvenido ‘Donnie’ Tantoco 3rd at ang TOYM Foundation President na si Chaye Cabal-Revilla ay pawang mga dating TOYM Honorees din. Ang inyo pong lingkod ay tumanggap din ng TOYM para sa Literatura/Panitikan noong taong 2003. Dalawampung taon na pala ang nakalilipas!

Isang tapik sa balikat ang mapagkalooban ng TOYM award. Kaakibat ng naturang award ang pagpapatuloy ng mabubuting ambag natin sa ating lipunan, sa ating mahal na bayan.

Mabuhay ang TOYM awards!

 

- Advertisement -
- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -