26.5 C
Manila
Miyerkules, Setyembre 18, 2024

Heat index  at ang epekto nito sa katawan ng tao

- Advertisement -
- Advertisement -

NAPAKAINIT na panahon ang nararanasan tuwing tag-init sa Pilipinas ngunit higit na mas mataas ang temperatura at ang heat index ngayong tag-araw ng taong 2024 dahil nadagdagan pa ito ng epekto ng El Niño phenomenon.

Mula sa file ng The Manila Times

Ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical, and Astronomical Services Administration (Pagasa), inaasahang lulubha pa ang sitwasyon ngayong Mayo.

Ano nga ba ang heat index?

Ito ay ang kombinasyon ng halumigmig o alinsangan (humidity) at temperatura. Hindi nasusukat lamang ng room thermometer ang nararamdaman ng katawan ng tao (apparent temperature), sa halip, isinasama sa kalkulasyon ang humidity sa pagsukat ng heat index.

Sa pamamagitan ng kombinasyon ng temperatura ng hangin at relative humidity, makakalkula kung gaano kainit ang pakiramdam nito sa katawan ng tao.

Nitong Abril naranasan ang 48℃ na heat index sa Dagupan City, Pangasinan at Aparri, Cagayan.

Pero naganap ang pinakamataas noong Abril 28, Linggo, na umabot sa heat index na 53 C sa Iba, Zambales.

Apat na klasipikasyon ng heat index

May apat na klasipikasyon ang heat index chart ng Pagasa- Caution, Extreme Caution, Danger at Extreme Danger.

Sa klasipikasyong Caution, ito ay may heat index mula 27℃ hanggang 32℃ kung saan posible ang pagkahapo kung mabibilad sa init at tuluy-tuloy na aktibidad na maaaring magdulot ng heat cramps.

Extreme Caution naman kapag umabot sa 33℃ hanggang 41℃ ang heat index. Posible na makaramdam ang katawan ng heat cramps at heat exhaustion, at maaaring magdulot ng heat stroke ang patuloy na pagkabilad sa init.

Danger naman ang klasipikasyon, na nararanasan ngayon sa iba’t ibang panig ng bansa, kapag umabot sa 42℃ hanggang 51℃ ang heat index. Mas matindi ang posibilidad dito na makaramdam ang katawan ng heat cramps at heat exhaustion at mas malaki ang posibilidad ng heat stroke.

Umabot sa Extreme Danger na klasipikasyon naman ang Iba, Zambales nitong nakaraang Abril 28 na nagtala ng 53℃ na heat index, ang pinakamataas sa tala ng Pagasa. Sa klasipikasyong ito kung saan ang temperatura ay nasa 52℃ pataas, siguradong heat stroke ang aabutin kung mabibilad ng matagal sa temperaturang ito.

Ilang rehiyon na sa bansa ang patuloy na nakararanas ng matinding init na nasa klasipikasyong Danger lalo na sa Rehiyon 1 at 2.

Kaya naman nagbigay ng paalala ang Pagasa para sa kaligtasan ng publiko lalo na sa mga matatanda, bata at may mga iniindang karamdaman.

Ilan sa mga sintomas ng karamdaman na may kinalaman sa mainit na temperatura ay matinding pagpapawis, pagkapagod, pagkahilo, pagkahimatay, mahina pero mabilis na pintig ng pulso, parang masusuka at nagsusuka.

Upang maiwasan ito, pinapayuhan ng Pagasa na limitahan ang paglabas, uminom ng maraming tubig, umiwas sa tsaa, kape, soda at alak, gumamit ng payong, sumbrero, at mahahabang manggas na damit kapag lalabas, at gawin ang mga mabibigat na gawain at aktibidad sa umaga o hapon kapag mas malamig na ang temperatura.

Kung may nakitaan ng ganitong sintomas, ilagay ang tao sa isang malilim na lugar, ihiga at itaas ang kaniyang mga binti. Painumin ng malamig na tubig kung may malay-tao. Hubarin ang damit at punasan ng malamig na tubig ang balat at pahanginan, dampian ng yelo ang kili-kili, singit at bukong bukong, at dalhin ito agad sa ospital.

Mas matindi ang init ngayong tag-araw dahil umeepekto rin ang El Nino phenomenon kung saan may di pangkaraniwang pag-init sa ibabaw ng dagat sa dako ng Pasipiko na nagdudulot ng mas madalang na patak ng ulan sa bansa.

Unang naglabas ng advisory ang Pag-asa kaugnay ng naturang weather phenomenon noong Hulyo 2023.

Sa El Niño Southern Oscillation advisory ng Pag-asa nitong Enero 5, 2024, sinabi nito na ang matinding El Niño ay patuloy na nararanasan at inaasahang magpapatuloy hanggang Mayo 2024 bago ito maging ENSO-neutral, na inaasahan sa Hunyo.

Ito ay ENSO-neutral kung saan para itong El Niño o La Niña na malamig kaysa karaniwan ang ibabaw ng dagat pero hindi tugma sa kapaligiran, bago ito maging La Niña, kung saan magiging mas maulan kaysa karaniwan.

- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -