NAGLABAS noong isang linggo ng balitang pahayag ang Philippine Statistical Authority (PSA) na nagsasaad na lumago ang ekonomiya noong unang kwarter ng 2024 (Q1 2024) sa bilis na 5.7 porsiyento kung ihahambing sa parehong kwarter noong 2023. May nagsasabi na ito ay isa sa pinakamataas kung di man ang pinakamataas na porsiyento ng paglaki sa mga ekonomiya sa rehiyon.
Kahit maituturing na maganda ang performance ng ekonomiya ng Pilipinas nitong Q1 2024 ang porsiyento ng paglaki ay mas mababa sa 6.4 porsiyento paglaki na naitala noong Q1 2023 ngunit ito ay mas mataas sa 5.5 porsiyento na paglaki na naitala sinundang kwarter.
Isa sa mga dahilan na mabagal na paglaki ay ang mababang porsiyento ng paglaki ng agrikultura na tumaas lamang ng 0.4 porsiyento noong Q1 2024 na mababa sa 2.2 porsiyento naitala noong Q1 2023 at sa 1.3 porsiyento paglaki noong nakaraang kwarter. Ang mababang paglaki ng agrikultura ay bunga ng matinding init at kawalan ng tubig sa maraming sakahan sa kapuluan. Kaya’t ang produksyon ng mga pangunahing produkto ng sector na nakabatay sa suplay ng tubig tulad ng palay, livestock, isda, niyog, at saging ay nagtala ng negatibong paglaki noong unang kwarter ng kasalukuyang taon. Ang negatibong paglaki ng mga produktong ito ay hindi nahatak ng 5.8 porsiyento na paglaki sa produksiyon ng itlog. Ang mababang paglaki ng sector kasabay ang mababang proporsyon nito sa GDP na umabot lamang 8.6 porsiyento ay nauwi sa napakaliit na kontribusyon ng agrikultura (0.61 porsiyento) sa pagtatakda ng porsiyento ng paglaki ng ekonomiya noong unang kwarter ng kasalukuyang taon.
Samantala, ang sector ng serbisyo ay nagtala ng pinakamataas na bilis ng paglaki na naitala sa 6.9 porsiyento sa tinatalakay na panahon. Kahit maganda ang performance ng sektor ng serbisyo kung ihahambing sa agrikultura at industriya ang record na ito ay nagpapakita ng pagbagal dahil mas mababa ito sa 8.3 porsiyento na paglaki na naitala ng sector noong Q1 2023 at 7.4 porsiyento na paglaki noong Q4 2023. Ang mga nangungunang sector sa serbisyo ay ang financial and insurance services na nagtala ng 10 porsiyento na paglaki at pumapangalawa ang wholesale at retail trade na nagtala ng 6.4 porsiyento na paglaki. Sa loob ng financial at insurance services ang industriya ng mga bangko ay nagtala ng 12.7 porsiyento na paglaki. Dahil malaki ang proporsiyon ng serbisyo sa GDP at mataas din ang paglaki ng sector, halos 74.6 porsiyento ng porsiyento ng paglaki ng ekonomiya noong unang kwarter ay ambag ng sector serbisyo.
Ang performance ng sector ng industriya ay nagpakita ng papabilis na paglaki. Ang naitalang 5.1 porsiyento na paglaki ay mas mataas sa 3.1 porsiyento na paglaki na naitala noong Q4 2023 at sa 4.1 porsiyento paglaki noong unang kwarter ng nakaraang taon. Ang industriya ng pagmamanufaktura ang nagtala ng pinakamalaking ambag na lumaki ng 4.5 porsiyento sa nasabing kwarter. Ang sector ng industriya ng ay nag-ambag ng halos 23.8 porsiyento sa porsiyento ng paglaki ng ekonomiya. Samakatuwid, halos 98.4 porsiyento ng 5.7 porsiyento na paglaki ng ekonomiya noong unang kwarter ng 2024 ay ipinaliliwanag ng paglaki ng sector ng serbisyo at industriya.
Kung titignan ang GDP sa pananaw ng kabuoang demand patuloy pa rin ang paglaki ng iba’t ibang demand ngunit sa mas mababa at mabagal na paglago. Ang pagkonsumo ay tumaas lamang sa antas na 4.6 porsiyento na mas mababa sa 5.3 porsiyento record nito noong Q4 2023 at 6.4 porsiyento na paglaki noong unang kwarter ng 2023.
Bumagal din ang gugulin ng pamahalaan na nagtala ng 1.7 porsiyento na paglaki kung ihahambing sa 6.2 porsiyento na paglaki na naitala noong unang kwarter ng 2023. Ang pangangapital ay bumagal din ang paglaki mula sa 12.8 porsiyento na naitala noong Q1 2023 tungo sa 1.3 porsiyento sa unang kwarter ng 2024.
Samantala bumilis ang paglaki ng eksports sa antas na 7.5 porsiyento kung ihahambing sa 1.1 porsiyento noong Q1 2023. Ngunit bumagal naman ang paglaki ng imports sa 2.3 porsiyento mula sa 4.2 porsiyento paglaki na naitala noong Q1 2023.
Ano ang mga implikasyon ng datos na tinalakay. Una, ang epekto ng tagtuyot at tag-init ay nagpalala sa performance ng agrikultura na halos napakitid na ang kontribusyon nito sa paglaki ng GDP. Ngunit, sa pagpasok ng tag-ulan ang mga pananim na nagtala ng negatibong paglaki ay inaasahang makaaahon na magiging senyal sa pagsigla ng agrikultura.
Ikalawa, ang pagbagal sa paglaki ng imports ay nakaapekto sa iba’t ibang gugulin. Nakababahala ang pagbagal ng paglaki ng pagkonsumo, pangangapital at gugulin ng pamahalaan. Kung ito ay magpapatuloy ang kapasidad ng ekonomiya na makapagprodyus sa mga susunod na kwarter at taon ay nanganganib. Mahalaga ang masiglang pag-aangkat dahil sa mga inaangkat nakukuha natin ang mga pagkain, medisina, kagamitan at iba pang instrumentong capital. Kaya’t ang pagbagal ng imports at epekto nito sa iba’t ibang uri ng demand ay nagbabadaya na maaaring hindi natin maipagpatuloy ang mabilis na pagsulong ng ekonomiya sa mga susunod na kwarter at taon.
Ikatlo, kahit na magkaroon na ng tubig ang mga sakahan at tumaas ang produksiyon ng agrikultura maliit lamang ang epekto nito sa paglaki ng ekonomiya at matabunan ito ng huminang paglaki ng iba’t ibang gugulin na magpapahina sa kakayahang makapagprodyus ng mga ekonomikong sector sa mga susunod na kwarter at panahon dahil ang mga sector ng serbisyo at industriya ang susi sa paglago ng ekonomiya at hindi ang agrikultura.