SA ika-apat na anibersaryo kahapon, Hunyo 9 ng National Academy of Sports (NAS), patuloy itong nagbibigay-daan sa mga atletang Pinoy na matupad ang kanilang mga pangarap sa palakasan habang tumatanggap ng de-kalidad na edukasyon.
Itinatag ang NAS noong 2020 sa bisa ng Republic Act No.11470 sa Clark City, Pampanga. Naging posible ito sa pamamagitan ng walang sawang sports advocacy at pagsisikap ni Senator Alan Peter Cayetano, na noon ay Speaker ng House of Representatives.
Kinikilala ni Cayetano ang pangangailangan para sa isang institusyon na nakatuon lamang sa edukasyon sa palakasan at pag-unlad ng mga atleta. Kaya naman pangunahing niyang itinaguyod at kumalap ng suporta upang gawing katotohanan ang institusyong ito.
“Ang sports po ay nakatahi sa ating pang-araw-araw na buhay. Whether you talk about anti-drugs, you talk about teamwork, you talk about discipline, you talk about passion, you talk about nutrition, isama-sama niyo po lahat yan, makikita ninyo sa sports,” wika ni Cayetano.
Pagkalipas ng apat na taon, patuloy na umuunlad ang akademya sa pag-aalaga ng talento sa atleta at pagpapaunlad ng kultura ng kahusayan sa palakasan.
Base sa datos ng NAS noong 2023, mayroon itong kabuuang 160 na mga mag-aaral, kabilang ang 63 na mga atleta ng mag-aaral na sinasanay sa iba’t ibang disiplina.
Nagmula sa iba’t ibang panig ng bansa ang mga student-athletes na ito – 26 mula sa North Luzon, 13 mula sa Mindanao, siyam mula sa Visayas, at tig-walo mula sa South Luzon at National Capital Region.
Malawak din ang saklaw ng mga programang pang-sports na inaalok ng NAS, kabilang ang aquatics, athletics, badminton, gymnastics, judo, table tennis, taekwondo, at weightlifting.
Kasalukuyang tinuturuan ng akademiya ang mga mag-aaral mula sa Grade 7 to 9, at magkakaroon ito ng pinakaunang Grade 10 batch sa darating na pasukan.
Sa pamamagitan ng mga makabagong pasilidad at ekspertong coaching, nagbibigay ang NAS sa mga atletang mag-aaral ng suporta na kailangan nila upang maging mahusay sa kanilang napiling larangan habang pinalalakas ang mga halaga ng disiplina, pagtutulungan ng magkakasama, at pagiging patas sa lahat.
Lumalagong pag-unlad ng Pilipinas sa palakasan
Sa likod ng mga pagsasanay sa NAS ay ang serye ng mga sports hosting ng Pilipinas para sa mga pangunahing international events.
Ngayong taon lamang, ang bansa ang magho-host ng ilang paligsahan tulad ng 2024 Asian Volleyball Confederation (AVC) Challenger Cup, Volleyball Nations League (VNL), at Volleyball Challenger Cup (VCC).
Magiging single-host din ang bansa sa FIVB Volleyball Men’s World Championship sa 2025.
Ang mga nakaraang tagumpay sa palakasan tulad ng bronze win ng Alas Pilipinas sa 2024 AVC Challenger Cup – una sa 63 taon – ay nagsisilbi ring isang maliwanag na halimbawa ng lumalagong husay ng Pilipinas sa sports.
Pinuri ni Cayetano, na dating chair ng Philippine Southeast Asian Games Organizing Committee (PHISGOC), ang tagumpay na ito sa isang post sa Facebook.
“Asian Volleyball Bronze Medalist! Medal after 63 years! What a great achievement! Thank YOU LORD GOD for this sweet victory! For the whole team and everyone who supported them! My salute to Alas Pilipinas for bringing honor to the country, happiness to the volleyball community, and unity among Filipinos.We are very proud of you!” sulat ng senador.
Aniya, binibigyang-diin ng mga tagumpay ang kahalagahan ng mga institusyon tulad ng NAS sa pagbibigay ng kinakailangang suporta at imprastraktura para umunlad ang mga atleta, gayundin sa pag-aalaga at pagpapaunlad ng susunod na henerasyon ng mga atletang Pilipino na nakahanda nang gumawa ng kanilang marka sa entablado ng mundo.
“NAS is here so that we have a high school that will focus on sports, find new talents, and provide scholarships to deserving student-athletes,” wika ni Cayetano.
Isinusulong din ni Cayetano ang pagtatatag ng isang nationwide grassroots sports program upang higit pang makadagdag sa pagsasanay ng NAS sa mga student-athletes.
“I really believe na dapat ibalik ‘to, y’ung grassroots sports program. Kailangan naka-integrate sa DepEd, from kindergarten all the way to college, dahil napaka-importante ng sports,” wika niya.