NANAWAGAN si Senate Majority Leader Francis ‘Tol’ Tolentino para sa hustisya at tulong ng gobyerno para sa magkapatid na Jose at Roberto Mondeñedo, ang mga mangingisda na naaksidente sa ‘hit-and-run’ na banggaan sa hindi pa nakikilalang dayuhang sasakyang-dagat sa karagatan ng Bajo de Masinloc, Zambales noong nakaraang Linggo, gayundin ang mga scholarship para sa mga anak ni Jose, na nananatiling nawawala mula nang mangyari ang insidente noong Hulyo 7.
“Kanina po, kausap ko yung anak nina Ma’am Delia [maybahay ni Jose] at Mang Jose, [at] kausap ko rin si Roberto Mondeñedo [kapatid ni Jose na nakaligtas sa insidente]. Nag-usap kami tungkol sa mga pangyayari, at noong isang araw, kausap ko naman ang Philippine Coast Guard (PCG) na gumagawa ng imbestigasyon,” bahagi ng senador sa isang radio interview ng host na si Cheryl Cosim nitong Miyerkules.
Dagdag pa niya: “Ngayon po, gumawa na ako ng pormal na sulat sa DoJ (Department of Justice) at maging sa PCG para maasistihan itong pamilya ni Ma’am Delia. Patuloy pa rin ang paghahanap, sana maging successful ang search and rescue operation [kay Jose].”
“Alam ko alam n’yo na ang nangyari na kumapit si Mang Roberto sa payao ng halos tatlong araw, matapos silang banggain ng ‘Yang Fu.’ Malalaman din kung saan naka register itong barko na nakabangga sa kanila,” sabi ng senador, na tinutukoy ang banyagang barko na bumangga sa fishing boat ng magkapatid na Mondeñedo.
Sa parehong panayam sa radyo, tinanong ng asawa ni Jose na si Delia si Tolentino kung paano matutulungan ng gobyerno ang kanyang pamilya.
“Senador, sana po bigyan n’yo po ng tulong sa pag-aaral ang mga anak ko at bigyan n’yo po ako ng hanapbuhay para may pang suporta ako sa kanila,” pakiusap ni Delia.
Tinugon naman siya ni Tolentino: “Opo, ako ay nakatutok sa insidenteng yan, ako rin ang unang tumawag sa hepe ng Philippine Coast Guard, at hindi po natin bibigyan ng puwang yan hanggat di mabibigyan ng solusyon yan, makakaasa po kayo dyan.”
Binanggit ng radio host na si Cosim, na nakapanayam ni Delia sa ere, na naging hiling ni Jose na makatapos ng pag-aaral ang kanilang tatlong anak.
“Opo. makakakuha naman ng tamang scholarship yan. Ang punta ko sa Zambales… naka schedule po ako sa [July] 16, pipilitin ko po na dumaan dyan sa inyo, Ma’am Delia. Magkakausap po tayo nang personal at ipapahanap ko kung saan ko kayo pwedeng matagpuan,” sinigurado ni Tolentino.
“Yun po yung mga pinadala kong sulat ngayong hapon doon sa mga ahensya [DoJ at PCG] na nakatulong ko din doon sa unang insidente, na nagkaroon na ng solusyon, dun sa barko ng Marshall Islands na nakabangga din, at malaking sinettle doon sa mga mangingisda natin sa Zambales,” paliwanag ni Tolentino.