NABAHALA si Sen. Idol Raffy Tulfo sa mga problemang dinaranas ng mga pasahero sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) na dahilan kung bakit madalas ay marami sa kanila ang hindi nakakaabot sa kani-kanilang mga flight.
Napag-alaman ni Tulfo na madalas hindi nababasa ng mga airport e-gates scanners ang mga pasaporte at boarding pass ng mga paparating na pasahero dahilan para mapilitan muli silang pumila para naman sa manual processing kung saan nadodoble ang oras na inilalaan ng pasahero para sa mga counters.
Dahil sa ganitong mga delay, hindi nakakasakay ang ilan sa mga pasahero na mayroong mga connecting flight. Dahil dito, nagkakaroon din ng komosyon sa airport kung saan mismong mga pasahero na ang nagkakaaway-away minsan dahil sa aberya sa pila.
Sinabi ni Tulfo na pareho rin ang dinaranas ng mga departing passengers na hindi umaabot sa kanilang international flights dahil sa pagkahaba-haba ng pila sa immigration screening. Dagdag pa sa kanilang stress ang ilang escalators, walkalators, carousel at mga tubes na hindi gumagana.
Saad ni Tulfo: “passengers are the ones carrying the burden of the inconvenience, as they had to spend extra money to re-book their tickets and stay extra hours at the airports lobby, even when they are not the ones at fault.”
Dahil dito, hinimok ni Tulfo ang mga awtoridad sa airport na magpaskil ng signages sa mga Arrival at Departure areas upang maimpormahan ang mga pasahero ng kanilang mga karapatan sakaling hindi sila umabot sa kanilang mga flights dahil sa haba ng pila sa immigration at iba pang katulad na problema.
Bilang Chairperson ng Senate Committee on Public Services, naghain na si Tulfo ng Senate Resolution No. 1069 para imbestigahan ang mga problemang ito.