SA nakaraang kolum, nilinaw ni Katotong Jun Simon, marubdob na makabansa at kontra sa lahat ng makauring pagsasamantala, ang nag-iisang layunin ng Amerika kung bakit pinipilit nitong pakipagdigmain ang Pilipinas sa China. Sa pamamagitan ng Taiwan Semiconductor Manufacturing Corporation (TSMC), kontrolado ng Kano ang pandaigdigang monopolyo sa micro-chip na siyang pangunahing sangkap na nagpapaandar ng makabagong teknolohiya ngayon: cell phone, laptop, kotse, makinaryang pang-industriya, mga sandatang pandigma, mga satellite na pangkalawakan, mga armas nukleyar. (May higing sa media na ang pinakamalaking stock sa TSMC ay pag-aari ni US Vice President Kamala Harris.) 92% ng produksyon ng pandaigdigang micro-chip ay gawa ng TSMC; ang natitirang 8% ay gawa ng South Korea. Kung sasakupin ng China ang Taiwan bilang paggigiit sa One China Policy, mapupunta sa China ang pag-aari sa TSMC, na kaayaw-ayaw mangyari ng Amerika. Sa pamamagitan ng Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA), nabigyan ang Amerika ng siyam na base militar ng Sandatahang Lakas ng Pilipinas upang pagdeployan ng mga pwersa at kagamitang pandigmang Amerikano, na libre na ay di pa maaaring inspeksyunin ng mga awtoridad na Pilipino. May mga lumabas nang patunay na nakapagtayo na ang Amerika ng mga lunsaran ng missile sa mga baseng EDCA. Saan pa ba nakaumang ang mga missile na magliliparan mula sa mga baseng ito kundi sa Mainland China at sa mga abanteng base militar nito sa South China Sea?
Naririyan ang tunay na istorya kung bakit magulo ang South China Sea. Ang maya’t-mayang napababalitang girian ng China Coast Guard (CCG) at Philippine Coast Guard (PCG) ay mga normal na pagpapatupad lamang ng China ng mga batas nitong pangkaragatan. Pinapuputok lamang ng mga Amboys (i.e., Bongbong, Gibo at Tarriela) na panggigipit ng China upang paggalitin nga sa China ang mga Pilipino. Kung gigiyerahin ng Pilipinas ang China, magsisilbing rason iyun upang makialam sa gulo ang Amerika sa bisa ng MDT at iyun ang maaring pumigil sa China na angkinin nga ang Taiwan bilang probinsya lamang ng China. Samakatuwid, magpapanatili sa kontrol ng Amerika sa pandaigdigang monopolyo sa industriya ng micro-chip.
Kinailangan ang matalim na pag-aanalisa ng isang Jun Simon upang masilip ang kademoyohan ng Amerika.
Papaano bibiguin ang Amerika sa kanyang imbing intensyon?
Sinang-ayunan ni Simon ang naging bunga ng isa pang miting-almusal na dinaluhan ko, sa Charterhouse sa Legaspi Village sa Makati. Bisita ako roon ni Kasamang Erico O. Bucoy, matagal na kabalikat sa pakikibakang proletaryado noong mga dekada 80; isa siya sa mga tapat na tinyente ni Ka Rolly, ang nakilala sa media bilang Hepe ng New People’s Army (NPA) na si Romulo Kintanar. Muli kong narinig kay Ka Eric ang paliwanag na malaganap na paniwala ng mga Pilipino na ang ibig sabihin ng exclusive economic zone (EEZ) ay teritoryong may soberanya ang isang bansa.
“Mali ang paniwalang ito,” sabi ni Bucoy. “Ibig sabihin lang ng EEZ ay teritoryo na may karapatan ang isang bansa na linangin ang mga likas na yaman na nakapaloob sa teritoryo na iyun.”
Ibinigay na halimbawa ni Eric ang paghuli ng galunggong.
“Problema kung imbes na Pilipino ang nanghuhuli ng galunggong sa EEZ ng Pilipinas ay mga Chino sa bisa ng kanilang historikong karapatan sa ilalim ng Nine Dash Line. Pagkatapos ibebenta sa Pilipinas. Pakiramdam mo, iginigisa ka sa sarili mong mantika.”
Napakislot ako. Teka…
Kung Chino ang nagbebenta ng huling galunggong, bakit ang pagbebenta nito sa Pilipinas ay sa kalakalang kapitalistiko?
E, di ba sosyalista ang China?
Bigla kong naisip na naroroon ang problema. Hindi dahil nag-aagawan ang Pilipinas at China sa pag-aari halimbawa sa Ayungin Shoal o sa Scarborough Shoal kundi dahil sa ang pamamahagi ng kayamanan mula sa mga shoal na iyun ay para sa kapakinabangan lamang ng kakaunting kapitalista.
Sabihin nang nagparaya na ang China at iniatras na ang pag-angkin nito sa Scarborough Shoal, hindi ibig sabihin pabor na iyun sa masang Pilipino. Hindi masang Pilipino ang makikinabang sa pagpaparayang iyun kundi mga kapitalistang Pilipino lamang. Kapitalistang Pilipino lamang ang siyang merong kakayahang ipunin ang lahat ng huli mula sa mga karagatang pinag-aagawan, ibenta ito sa palengke at pagpasasaan ang tubong kikitain mula sa pagbili ng masang Pilipino sa mga isdang ang paghuli ay halos monopolisado ng malalaking kapitalista sa pangingisda. Isang halimbawa sa usaping ito ay ang mismong Agriculture Secretary na si Francisco Tiu Laurel 3rd, na ang pamilya ay siyang may-ari ng isa sa kakaunting empresa sa pangingisda sa Pilipinas. Hindi ang masang Pilipino ang nakikinabang sa yaman ng karagagtan kundi ang malalaking kapitalista lamang.
Sa talakayan kay Bukoy, muling nabuksan ang konsepto ko ng Komun. Halaw sa komunistikong prinsipyo na “Bawat isa ayon sa kanyang pangangailangan, bawat isa ayon sa kanyang kakayahan,” inisip ko ang Komun bilang paraan ng pamumuhay sa isang hirap na kalagayan na hindi pa maaaring latagan ng sosyalistikong pulitika. Sa Komun, inaalis ang middleman na sa praktika ng kalakalan ay siyang nagpapatong ng dagdag na halaga sa mga kalakal at samakatuwid siyang lumilikha ng tubo na tanging siya lamang ang nakikinabang. Nasa top 5 ng pinakamayayamang tao sa Pilipinas ay mga middleman. Sa kasalukuyang kalagayan na kapitalismo ang namamayagpag na kaayusang sosyal sa Pilipinas at maliwanag na ito ang mahigpit na kaayusang yakap ng administrasyong PBBM sa kandili ng Amerika, ang mga makabansa na pinanday ng pakibakang proletaryado tulad ni Bucoy ay napipilitang mag-isip ng mga paraan kung papaanong pagagaanin ang buhay ng masa bagama’t nananatiling nangingibabaw ang kapitalismo.
Pangunahing pinagkakaabalahan ni Bucoy ay ang pagtatayo ng mga windmill para sa alternatibong renewable energy na target ay lumikha ng murang kuryente. Nagawa na niya ito sa Pililla, Rizal at kasalukuyang pinaghahandaan ang pagtatayo ng ganun ding mga windmill sa Tanay, Rizal at sa Alabat Island, Quezon. Mahabang proseso pa ang dadaanan ng proyekto. Ang naging tampok sa aming diskusyon ay ang seryosong paghahanap ng kalutasan sa lumalalang tensyon sa South China Sea. Lumilitaw na nagtatagumpay ang Amerika sa pakanang pag-alabin sa galit sa China ang mga Pilipino tungo sa digmaang plinanong maganap. Kung paano pipigilan ang digmaan ay dapat na seryosong hinahanap.
Isang bagay ang tiyak. Gustuhin man ni Bongbong na pasabugin ang giyera sa China bilang pagsunod nga sa kagustuhan ng Amerika, kung ayaw namang lumaban ng Pilipino, sino ang didigma sa China?
Naipanukala ni Bucoy na ang huling galunggong ng mga Chino ay idiretso sa tiyan ng mga Pilipino hindi sa pamamagitan ng kalakalang kapitalistiko kundi ng sosyalismong my mga katangiang Chino. Sa ngayon, ang presyo ng galunggong sa palengke ay nasa P200 kada kilo. Kung ang isda ay maipapasa sa mga Pilipino sa presyo ng sosyalismong may mga katangiang Chino, maaring bumaba ito sa P50/kilo o maaaring mas mababa pa. Imadyinin ninyo kung papaanong sa isang iglap ay lilitaw ang China sa paningin ng mga Pilipino na ubod ng bait. Papaanong didigmain ng mga Pilipino ang isang kaibigan?