GAANO ba kadalas magpunta sa museo ang pamilyang Pilipino? Sa panahon ngayon, mas popular na destinasyon ng pamilya ay ang mga naglalakihang malls sa Kamaynilaan. Kahit sa mga siyudad sa lalawigan, nandoon na rin ang mga malls kaya dito rin madalas makitang naglalagi ang mga pamilya kapag weekend. Bibihira na ang naglilibot sa mga parke at mga piling gusali gaya ng museo.
Maituturing na isang welcome sight ang pagbubukas ng Ayala Museum para sa publiko noong June 30, 2024, araw ng Linggo, para sa kanilang programang “free museum day.” Ito’y bahagi ng pagdiriwang ng ika-50 taong anibersaryo ng naturang museo. Ang Ayala Museum ay matatagpuan sa Makati Avenue, sa may Greenbelt area ng Makati City. Kilala ang Ayala Museum sa magaganda nitong “diorama” na nagpapakita ng mga eksena ng mga pambihirang pangyayari sa kasaysayan ng Pilipinas. Nang panahong hindi pa uso ang 3D, ang mga naturang diorama ay kay sarap pagmasdan habang binabalikan sa gunita ang mga kuwento sa likod ng bawat diorama: mula sa sinaunang Pilipinas hanggang sa panahon ng pananakop ng mga Kastila, Amerikano, o Hapon, at hanggang sa modernong panahon.
Kasabay nito ang isang special activity ng ‘Ang Ilustrador ng Kabataan (o Ang INK)’ na tinawag na ‘INKfest.’ Ang Ang grupong ‘Ang INK’ ay ang espesyal na samahan ng mga ilustrador ng kuwentong pambata sa bansa. Kung bakit magaganda at kahali-halina ang mga lokal nating aklat pambata ay dahil na rin sa husay ng mga ilustrador ng paglalapat ng drowing/art sa mga kuwento. Ang INKfest ay bahagi ng annual exhibit nilang ‘Worlds Within Worlds.’
Napuno ng artworks ng mga miyembro ng Ang INK ang buong museo mula sa ground floor hanggang ikaapat na palapag. Sa ikalawang palapag matatagpuan ang napakaraming diorama na may nakalagay na bilang upang maging gabay sa pagtunghay rito. Maganda kasi na maayos ang pagkakasunod-sunod ng mga pangyayari sa naturang mga diorama. Ayon kay Liza Flores, board member ng PBBY at dating Ang INK president, lahat ng INKfest installations na ginawa ng kanilang grupo ay inspired ng mga eksena sa mga diorama. Ito raw kasi ang 50th anniversary ng mga pambihirang diorama sa loob ng Ayala Museum.
Masasabing isang visual feast talaga ang mga INKfest installations. Sa ground floor pa lamang ng museo ay makikita na ang mga makukulay na likhang-sining. May mga nakasabit na naglalakihang tela, na nagsisilbing banners, sa mga dingding ng museo. Tungkol sa mga larong pambata (gaya ng luksong-tinik, patintero, at taguan pung) ang iginuhit ni Aldy Aguirre sa isa sa mga tampok na banners. May isang banner na ang nakaguhit ay ang mga bayaning nasa likod ng Katipunan gaya nina Andres Bonifacio, Emilio Jacinto, at Apolinario Mabini; gawa ni Brent Sabas. Yung isa pang banner ay pumaksa naman sa Japanese occupation sa bansa kung saan idineklarang ‘open city’ noon ang Maynila. Gawa naman ito ni Ben Reyna. Ang isa pang banner ay mula naman kay Jomike Tejido taglay ang kanyang sining na masasabing tatak-Jomike.
Sa buong maghapon ay ilang beses na nagkaroon ng storytelling session, handog ng Adarna House, ang nangungunang publishing house na pambata sa bansa. Naabutan kong ikinukuwento ng isang mahusay na storyteller ang aklat kong ‘Ang Ambisyosong Istetoskop’ na inilathala ng Adarna House at iginuhit ni Beth Parrocha. Namigay ng libreng kopya ng naturang aklat ang storyteller sa mga batang aktibong nakikibahagi at sumasagot sa interaktibong storytelling. Ang backdrop sa naturang storytelling ng aking aklat ay ang large reproduction ng cover nito, gayundin ang malaking imahen nina Doc Pepe at Istet, mga tauhan sa naturang kuwento.
Sa tabi ng storytelling venue na itinampok ang istetoskop ni Rizal, may ginawang exhibit si Harry Monzon tungkol sa iba’t ibang kahon ng posporo na may nakasulat na ‘Filibustero.’ Matatandaang inakusahang erehe (heretic) at pilibustero (filibuster) ang ating pambansang bayani. Ano ang kaugnayan ng mga posporong ito na instrumento ng pagliliyab? Pansindi sa rebolusyon? Sa dulong bahagi ng nobelang El Filibusterismo ni Rizal ay may eksena tungkol sa lampara at sa isang nabigong rebolusyon.
Sa hagdan ng museo ay nakatayo naman ang eksibit ng isang eksena sa sarsuwela (musical play). Tribute ito ni Al Estrella sa kultura ng zarzuela na popular noong panahon ng mga Kastila. May exhibit din na may cardboard cutout ng elepante (kung saan puwede mong isuot sa mukha ang ulo ng elepante at magpakuha ng larawan). Sinubukan namin ito ni Liza Flores “Feeling bata tayo!” sabi niyang natutuwa. Pre-historic Philippines ang nais ipakita sa exhibit na ito na nagtatampok sa elepanteng si Elephas na sabi’y marami noon sa bansa pero ngayon ay wala na. Gawa ito ni Domz Agsaway.
Sa isang mahabang mesa din sa ground floor ay nakaupo ang ilang ilustrador at gumuguhit ng artworks habang pinanonood sila ng mga tao. Masasaksihan sa sessions na ito kung paano lumikha ng sining ang mga batikang ilustrador. Hindi nila kinailangang magbigay ng lektura tungkol sa pagguhit. Patuloy lamang silang nagdodrowing habang nakatunghay ang sino mang interesado sa sining ng pagguhit at pagpipinta. Naabutan kong gumagawa ng artwork si Jamie Bauza nang ako’y mapadaan.
May mga costumes din na yari sa kinulayang cardboard na puwedeng kunwa’y isuot para sa picture-taking. May official photographer pa rito (kaloob ng kamerang Canon) na siyang kukuha ng larawan at ide-develop ng libre. Pami-pamilya ang nagpapakuha rito ng larawan habang kunwa’y nakasuot sila ng kasuotang Pilipino (Filipiniana) na gawa nga sa cardboard. Pati nga ako ay naganyak ding magsuot ng isang costume at nagpakuha ng litrato sa harap ng traysikel (na nakapinta rin sa cardboard). Nakaaaliw ang mga cardboard costumes na ito na likha ni Patti Ramos, ang kasalukuyang president ng Ang INK.
May nilikha ring mga kahon si Kim Santiago na patong-patong (tatlong layers). May apat na mukha, apat na katawan, at apat na paa na puwedeng pagpalit-palitin. Depende sa iyo kung gusto mong mukha ni Jose Rizal ang nasa itaas ng kahon, katawang naka-barong sa gitna, at sa halip na pantalon ay bahag ang ilagay sa pinakababang kahon. Napag-iiba-iba ang kombinasyon. Masarap paglaruan ang mga ‘interactive boxes’ na ito.
Sa pinakaloob na bahagi ng ground floor ay matutunghayan ang maraming miyembro ng Ang INK na nagbebenta ng kani-kanilang merchandise: mga artworks na ginawang postcards, prints, notebook, pins, stickers, dolls, at kung ano-ano pang nakatutuwang items. May mga ceramic cups pa na nandoon ang kanilang artwork. Kay gaganda rin ng mga postcards na gawa nina Arli Pagaduan, Pergy Acuna, at Wika nadera. Natuwa ako sa artist na si Rex Dasig Aguilar na gumamit ng disenyong ‘tuyo’ (‘yung isda) sa mga pabalat ng kanyang notebooks at ibinenta ito na nakalagay pa sa bilao. Patok ito sa marami kaya naubos agad ang kaniyang panindang ‘tuyo.’
At dahil nga pistang maituturing ang INKfest, may sorbetero din ng ice cream sa loob ng museo. Libre ito kung nakabili ka ng ilang kopya ng aklat pambata sa booth ng Adarna House. Katabi nito ang isang photo booth kung saan puwede kang magpakuha ng larawan habang nananalamin. Agad mo ring mada-download ang digital copy ng photo mo matapos ang mismong kodakan! Ang daming souvenirs! May ginawa ring paper mache ng manok na si Onyok (mula sa aklat na ‘Ang Mahiyaing Manok’). Ito’y batay sa artwork ng kaibigan naming si Totet De Jesus na nasa langit na. Ready props itong si Onyok para sa kodakan!
Sa ikalawang palapag ng museo ay makikita ang mga bata na nakaupo sa maliliit na mesa at silya habang nagdodrowing at nagkukulay. Sa lugar kung saan nandoon ang mga diorama ay makikita rin ang mga likhang sining na may kaugnayan sa Katipunan. Walang bahagi ng Ayala Museum ang hindi nalagyan ng installation art ng Ang INK.
Bukod sa mga pambihirang diorama, kasama rin ang kamangha-manghang Gold Exhibit sa INKfest activities. Bawat bata (may ilang nakatatanda rin) ay may nakasuot na kuwintas o pulseras na gawa sa makikislap na papel na kunwa’y mga ginto mula sa naturang gold exhibit na matatagpuan sa ikaapat na palapag. Yung iba’y parang mga headband na nakasuot sa kanilang mga ulo.
Gaya nang inaasahan, dinumog ito ng maraming pamilya. Lalong naging masaya ang loob ng museo dahil sa makukulay na artworks na ginawa ng mga INKies (ang nakasanayang tawag sa mga miyembro ng Ang INK). Akala mo’y may nagaganap na pista sa loob ng museo! Pasasalamat sa mga taong nasa likod ng lahat ng magagandang exhibits sa INKfest: sina Tippy Go, kasama ang kaniyang kabiyak, at Mickey Velarde, na nagsilbing punong abala sa espesyal na exhibit na ito.
Sana’y marami pang ganitong aktibidad ang makita natin sa loob ng museo upang maging kaiga-igaya itong puntahan, di lamang ng mga bata, kundi ng buong pamilya. Salamat sa Ang INK at Ayala Museum sa karanasang ito.