27.8 C
Manila
Biyernes, Setyembre 13, 2024

Pangandaman: Unang tranche ng salary hike para sa govt workers magiging epektibo ngayong taon

- Advertisement -
- Advertisement -

TINIYAK ni Department of Budget and Management (DBM) Secretary Amenah “Mina” Pangandaman na ang unang tranche ng salary increase para sa mga government workers ay maipatutupad na ngayong taon.

Ipinahayag ito ni Secretary Mina sa isinigawang briefing ng Development Budget Coordination Committee (DBCC) para sa House Committee on Appropriations, sa opisyal na pagsisimula ng deliberasyon ng House of Representatives sa proposed P6.352 trillion National Budget para sa 2025.

Kasama ang iba pang miyembro ng economic team ni President Ferdinand R. Marcos Jr., iprinisenta ng Kalihim ang key dimensions at highlights ng proposed National Budget para sa susunod na taon.

“For this year po, we’re still finalizing, Madam Chair, ‘yung guidelines po, but initially, ‘yung balanse po for the adjustment, puwede pong kunan sa MPBF (Miscellaneous Personnel Benefits Fund) kasi meron pa po tayong more or less P19 billion d’yan. And then ‘yung balance po, kukunin po natin sa Unprogrammed Appropriations po,” paliwanag ni Secretary Mina matapos tanungin kung kailan ipatutupad ang Salary Standardization Law VI (SSL VI), kasunod ng pag-isyu ng Executive Order (EO) No. 64 noong ika-2 ng Agosto 2024.

Nauna nang ibinahagi ng DBM na ang kinakailangang pondo sa pagpapatupad ng unang tranche ng SSL VI para mga empleyado ng national government sa 2024 ay tinatayang nasa higit-kumulang P36 billion.

Pinuri naman si Budget Secretary ni Deputy Minority Leader at ACT Teachers Party-list Rep. France Castro, na siyang nagtanong at humingi ng linaw tungkol sa implementasyon ng unang tranche ng SSL VI, lalo na para sa pagsasagawa ng Kalihim ng mga mahahalagang dayalogo kasama ang mga guro.

“Siguro, gusto ko lang i-announce na si Secretary Pangandaman, laging open ‘yan for dialogue. Lagi ‘yang nakikipag-dialogue sa mga teachers, sa kakulitan ng teachers sa mga salary, sa anumang benefits ng teacher, lagi open ang DBM. So ‘yun po yung kagandahan naman ng DBM natin sa ngayon,” ayon sa mambabatas.

Kung matatandaan, nakipagpulong si Sec. Mina sa magkahiwalay na meeting noong nakaraang buwan sa Alliance of Concerned Teachers (ACT) at Teachers’ Dignity Coalition (TDC) upang pag-usapan ang mga kritikal na isyu na nakaaapekto sa sektor ng edukasyon.

Mas mataas na sweldo para sa sub-professional, professional employees

Samantala, ang inilabas na EO No. 64 na nilagdaan kamakailan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., ay nagbibigay ng mas mataas na porsyento ng pagtaas ng suweldo sa mga propesyonal at sub-propesyonal na empleyado ng gobyerno, kumpara sa rate ng increase para sa mga nasa managerial, executive, at top leader na posisyon.

Magsisimula ang unang bahagi ng apat na tranche ng salary increase para sa mga national government employees ngayong taon, na retroactive mula January 2024. Susundan ito ng taunang salary adjustment simula January 2025 hanggang January 2027.

Sa ilalim ng unang tranche, ang average rate ng salary increase mula SG-1 hanggang SG-31 ay magiging 4.41%, na magdudulot ng kompensasyon sa mga kawani ng gobyerno sa 84.33% ng merkado.

Sa Sub-Professional Level (SGs 1 to 10), ang increase ay sa pagitan ng 4% hanggang 5.20%. Ia-adjust ang minimum basic salary (SG-1) mula P13,000 hanggang P13,530, na magreresulta sa P530 na pagtaas.

Sa Professional Level (SGs 11 to 24), maglalaro ang pagtaas sa pagitan ng 4.50% hanggang 5.60%  upang gawing mas competitive sa merkado ang sahod sa gobyerno. Kasama sa kategoryang ito ang talent o skilled workforce na kinakailangan ng mga ahensya upang maisagawa ang kanilang mandato, kaya’t nararapat na comparable ang sahod nila sa merkado.

Sa Managerial Level (SGs 25 to 28), ang increase ay sa pagitan ng 4.15% to 4.40%; habang ang Executive Level (SGs 29 to 31) ay magiging mula 2.65% hanggang 3.90%; at para sa mga Top Leader (SGs 31 to 33), ang increase ay nasa loob ng 2.35% hanggang 2.40%.

Kung ikukumpara sa SSL V, ang panukalang rate ng increase sa ilalim ng SSL VI ay bahagyang mas mataas, bilang leverage upang taasan ang marketability ng pagtatrabaho sa gobyerno at nang makapanghikayat ng high-performing personnel.

- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -