30.2 C
Manila
Linggo, Setyembre 15, 2024

Occidental Mindoro, target ang mas mataas na pwesto sa Gawad Kalasag 2024

- Advertisement -
- Advertisement -

SISIKAPIN ng Pamahalaang Panlalawigan ng Occidental Mindoro na makuha ang mas mataas na parangal sa Gawad Kalasag 2024.

Ito ang tugon ni Governor Eduardo Gadiano sa tila hamon ni Office of Civil Defense Regional Director Eugene Cabrera na naging panauhin sa idinaos na Gabi ng Parangal ng Alertong Manggagawang Mindoreño sa Provincial Training Center, Mamburao, kamakailan.

Sa kanyang mensahe, sinabi ni Cabrera na nakuha na ng lalawigan ang ikatlong pwesto sa Gawad Kalasag 2023 at nakikita niya na posibleng makamit nito ang unang pwesto ngayong taon.

Ayon sa kanya, mahigit 70 porsyento ng mga bayan sa Occidental Mindoro ang tinanghal nang (Gawad KALASAG) Beyond Fully Compliant at malaking tulong kung lahat ng 11 munisipyo ng lalawigan ay maaabot ang ganitong antas ngayong 2024.

“Kayang-kaya po natin ito dahil magagaling ang mga Municipal Disaster Risk Reduction and Management Officers (MDRRMO) natin,” saad ni Cabrera.

Ang Gawad Kalasag ay pagkilala ng pamahalaan sa mga indibidwal, organisasyon, at lokal na pamahalaan sa buong bansa para sa kanilang pagsisikap, kahandaan, at tugon sa pangangailangan ng pamayanan sa panahon ng kalamidad.

Binigyang-diin ni Cabrera na napagtagumpayan ng lalawigan ang mga nagdaang bagyo, baha at matinding tagtuyot dulot ng El Niño.

Ito ay dahil sa matatag na pundasyon at sistema na itinayo ng Provincial DRRM Office katulong ang PDRRM Council sa pamamahala ni Gadiano.

Bilang pagtanggap naman sa hamon ni Cabrera, sinabi ni Gadiano na agad makikipagpulong ang PDRRMO sa mga katuwang nito sa munisipyo upang magkasamang pagplanuhan ang mga dapat gawin kaugnay ng Gawad Kalasag 2024.

Nagbalik-tanaw din ang gobernador kung paanong nagsimula ang PDRRMO noon bilang maliit na tanggapan at may kaunti lamang na mga empleyado.

Sa ngayon ay patuloy ang paglaki ng bilang ng mga kawani nito at higit pang pinauunlad ang mga programa upang lalong makapaglingkod sa mga mamamayan ng lalawigan.

Naniniwala si  Gadiano na ang mga nalagpasang hamon ng Occidental Mindoro dala ng mga nagdaang sakuna ay patunay na kayang makamit ng Occidental Mindoro ang pinakamataas na pagkilala sa kasunod na Gawad Kalasag. (VND/PIA MIMAROPA – Occidental Mindoro)

- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -