SA gitna ng pagdiriwang ng National Teachers’ Month, na nagsimula noong Setyembre 5, muling binigyang diin ni Senador Win Gatchalian ang pangangailangan para sa ‘Revised Magna Carta for Public School Teachers’ (Senate Bill No. 2493), isang panukalang layong itaguyod ang kapakanan ng mga guro na nasa pampublikong paaralan.
Layong amyendahan ng panukalang batas ang Magna Carta for Public School Teachers (Republic Act No. 4670) na naisabatas 58 taon na ang nakakalipas. Sa ilalim ng panukalang batas, na inihain ni Gatchalian, tutugunan ang mga bago at nananatiling mga hamong kinakaharap ng mga guro sa mga pampublikong paaralan. Layon din ng panukalang batas na tiyaking nirerespeto, pinoprotektahan, at naisasakatuparan ang pagtaguyod sa karapatan ng mga guro.
“Tungkulin nating itaguyod ang kapakanan ng mga guro, lalo na’t hindi matatawaran ang serbisyo nila para sa ating mga kababayan. Kaya naman patuloy nating isusulong ang Revised Magna Carta for Public School Teachers upang matiyak na may sapat na proteksyon at mga benepisyong natatanggap ang ating mga guro sa gitna ng maraming hamong kinakaharap ng sektor ng edukasyon,” ani Gatchalian, Chairperson ng Senate Committee on Basic Education.
Ilan sa mga probisyon ng naturang panukala ang pagkakaroon ng mga permanenteng dagdag na benepisyo tulad ng calamity leave, educational allowances, at longevity pay. Nakasaad din sa panukala ang pagkakaroon ng mga special hardship allowances. Isinusulong din ang mas pinahusay na salary criteria para sa mga guro. Ang naturang panukala ay nagbibigay ng proteksyon sa mga public school teachers mula sa pag-aabono o out-of-pocket expenses at tinitiyak nitong pantay-pantay ang sahod, benepisyo, at mga kondisyon ng mga entry-level at probationary na mga guro.
Nakasaad din sa naturang panukala ang pagbawas sa oras ng pagtuturo sa apat mula anim, bagama’t maaaring magtrabaho ng hanggang walong oras ang mga guro kung kinakailangan. Ang karagdagang oras ng pagtuturo ay magkakaroon ng karagdagang bayad na katumbas ng kanilang regular na sahod at umentong hindi bababa sa 25% ng kanilang basic pay.
Ipinagbabawal din ang pag-alis sa mga permanenteng guro kung walang due process at sapat na dahilan. Sa ilalim ng naturang panukala, mananatili ang confidentiality sa mga disciplinary actions na ipapataw sa mga guro.