26.8 C
Manila
Huwebes, Enero 16, 2025

Unang Hemodialysis Unit sa Mimaropa, nasa Palawan

- Advertisement -
- Advertisement -

NASA Culion Sanitarium and General Hospital (CSGH) sa Culion, Palawan ang kauna-unahang Hemodialysis Unit sa rehiyon ng Mimaropa.

Sa anunsyo ng Department of Health Mimaropa Center for Health Development (DoH-Mimaropa CHD), ito ang kauna-unahang hospital-based hemodialysis unit sa rehiyon.

Ayon kay DoH-Mimaropa CHD Regional Director Dr. Mario Baquilod,  ang tagumpay na ito ay isang mahalagang hakbang tungo sa mas maayos na serbisyong pangkalusugan para sa mga mamamayan ng Palawan at isang patunay ng patuloy na pag-unlad ng rehiyon.

Ang pagtatatag ng dialysis center ay magbibigay ng malaking ginhawa sa maraming pamilya, alinsunod sa prinsipyo ng Kagawaran ng Kalusugan na “Sa Bagong Pilipinas, Bawat Buhay Mahalaga,” ayon kay Baquilod.

Isinagawang ang soft opening ng hemodialysis unit sa CSGH noong Setyembre 4, 2024 sa pangunguna ni Dr. Arturo Cunanan, ang Chief of Hospital ng CSGH, katuwang ang mga kinatawan mula sa DoH-Mimaropa CHD.

Binati naman ng buong pamunuan ng DoH-Mimaropa CHD si Cunanan sa pagsusumikap nito na magkaroon ng hemodialysis unit. Maging ang buong CSGH Staff ay pinuri rin sa tagumpay na ito.

“Hindi magiging posible ang tagumpay na ito kung hindi dahil sa dedikasyon ng buong Culion Sanitarium and General Hospital. Ang inyong pagsisikap ay nagbibigay inspirasyon, at inaasahan naming makakakita pa ng mas marami pang pag-unlad na magbibigay ng benepisyo sa mga mamamayan ng Mimaropa,” pahayag ni Baquilod.

- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -