ITINAMPOK ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF) ang walong aklat na likha ng iba’t ibang lokal na alagad ng sining sa larangan ng panitikan bilang mga “Aklat ng Bayan” nitong Setyembre 26, 2024 sa Gusaling Watson, 1610 Kalye Jose P. Laurel, San Miguel, Lungsod ng Maynila.
Ayon kay Atty. Marites Barrios-Taran, direktor heneral ng KWF, ang paglulunsad ng Aklat ng Bayan taun-taon ay mahalagang pagbibigay-halaga sa mga akda ng mga lokal na manunulat at editor.
Ang kaganapang ito ay pagkakataon upang marinig ang mga pananaw at karanasan ng mga awtor at editor tungkol sa pag-lilimbag ng karunungan sa iba’t ibang disiplina gamit ang Filipino bilang wika ng pagsulat at pananaliksik. Hinikayat din niya ang lahat na magpatuloy sa pagpapayaman ng kamalayan ng mga Pilipinong mambabasa.
Samantala, naging matapat ang pangulo ng KWF na si Komisyoner Arthur Casanova, PhD, sa kanyang pag-amin ng kanyang adhikaing na makapaglimbag ng mas maraming diksyunaryong traylingguwal, pati na rin mga diksyunaryo sa mga araling panlipunan at iba pang larangan. Ayon kay Casanova, ito ay “hakbang tungo sa higit na intelektwalisasyon ng wikang pambansa.”
Hindi umano nawawala sa kanyang puso na magamit ng mga guro at propesor ang Filipino bilang midyum ng pagtuturo, gayundin ang pagpapayaman ng iba’t ibang wika sa Pilipinas.
Binigyang-diin ni Casanova ang kahalagahan ng pangangalap ng karunungang bayan, at mga akdang sining at pang-kultura upang mag-ambag sa preserbasyon ng kulturang Pilipino.
Kabilang sa mga aklat na inilunsad ng Aklat ng Bayan ng KWF ay ang mga sumusunod:
Bokabularyong Traylingguwal: English-Hiligaynon-Filipino na binuo ng leksikograpong si Agnes Espano Dimzon at editor na si Alain Russ Dimzon. Dahil ang wika ay umuunlad at nagbabago sa paglipas ng panahon, mahalagang maitala at maipreserba ang mga salita bago pa man ito tuluyang mawala sa bokabularyo ng isang wikang tulad ng Hiligaynon. Ang mga salita ay mananatiling buhay habang ito ay ginagamit bilang bahagi o kasabay ng pamumuhay ng mga tao.
Tandang Bato: Ang mga Manunulat sa aking Panahon ng awtor na si Efren Abueg. Handog ang aklat na ito ng awtor sa mga manunulat na nagsilbing kanyang haligi at gabay sa mundo ng wika at panitikan. Sa bungkos ng iba-ibang personalidad, may isang manunulat na halos nagpaiyak sa awtor para “tanggapin” ang katotohanang hindi siya magiging makata kailanman. Ngunit yun pala ang kanyang kailangan para pagkaraan ng ilang taong pagsisikap — siya ngayon ay isang premyadong kuwentista’t nobelista. Ang lahat ng kaniyang mga gantimpalang dangal ay nag-ugat sa mga manunulat na kaniyang binibigyan ng parangal.
Pagdiriwang sa Haraya: Ang Panulaan at mga Aklat ng Impormasyon para sa mga Bata, na nilikha ng awtor na si Eugene Evasco. Sa aklat na ito, ipinagdiriwang ang imahinasyon at talino ng bata at mga pagpapahalaga sa panitikan at talinhaga. Hanggang hindi natutuhan ng lipunang ito na magpahalaga sa kaniyang mga anak na nasa laylayan, laging kailangang balikan ang panitikan para sa bata at ukol sa bata. Hinihikayat tayo ng aklat na tingnan muli ang panitikang pambata sa lente ng lawak at lalim ng talino’t tinig ng mga bata.
Mga Meditasyon hinggil sa Unang Pilosopiya na niliha ng awtor na si René Descartes at isinalin ni Emmanuel de Leon. Nagsimula si Descartes sa pamamagitan ng paglalahad ng mga dahilan kung bakit kailangan ang isang unibersal o malawakang duda. Metodiko niyang sinuri ang mga pundasyon ng kaalaman hanggang sa makarating siya sa isang katibayan na tiyak ang pag-iral ng kaniyang sarili bilang isang rescogitans o isang bagay na nag-iisip. Naging malinaw din sa kanya, dahil dito, na sadyang magkaiba ang kalikasang intelektuwal at kalikasang korporeal ng tao. Bukod dito pinatunayan niya sa akdang ito ang pag-iral ng Diyos batay sa katunayan na mayroon siyang idea nito.
Ang Berdugo at mga Piling Kuwento ng awtor na si Honoré de Balzac na isinalin ni Aileen Sicat. Kinilalal si Honoré de Balzac bilang isa mga tagapagtaguyod ng realism sa Europa dala na rin ng kaniyang makatotohanang pagpapahayag ng tunay na mga pangyayari at damdamin ng kaniyang panahon. Nasa koleksiyong ito ang limang kuwentong isinalin para sa aklat na ito. Binubuo ang koleksiyong ito ng maiikling kuwento, nobela, at sanaysay na naglalarawan ng lipunang Frances noong mga taong 1815-1848.
Margosatubig na sinulat ng awtor na si Ramon Muzones at isinalin ni Agnes Dimzon. Salaysay ng pakikipagsapalaran ng pangunahing tauhang si Salagunting na inagawan ng lehitimong mana sa kaharian. Noong una’y hindi batid ang tunay niyang ugat o kasaysayan. Hindi nagtagal, sa pag-usad ng istorya, unti-unting mahahayag kay Salagunting ang tunay niyang pagkatao. Sa magiting na pakikipagtunggali sa makapangyarihang mga kaaway, napagtagumpayan ng bida ang malalaking pagsubok. Sa huli, nabawi ni Salagunting ang maharlikang paghaharing nararapat sa kanya.
Kalipunan ng mga Akdang Dulang Mindanawon na sinulat nina Felimon Blanco, Rene Carbayas, Arthur Casanova, Angelito Flores, Arnel Mordoquio, Sunnie Noel, at Pepito Sumayan. Si Arthur Casanova, pangulo ng KWF, ang editor ng aklat na ito. Mayaman ang kulturang Mindanawan. Pinatunayan ito ng kanilang mga obra at iba’t ibang sining kabilang na ang drama at teatro. Pitong dulang akda ng mga Mindanawon ang nakapaloob sa kalipunan ng mga dulang ito. Iba’t ibang istilo ng pagsulat na nagpapahiwatig ng iba’t ibang paraan ng pagtatanghal sa entablado man o sa kahit anong espasyo. Mahalagang maisama ang mga dulang ito sa aklat na itong bahagi ng dokumentasyon ng kasaysayan ng drama at teatro ng Mindanao.
Maka-Pilipinong Pananaw: Mga Lapit sa Pagtuturo ng Panitikan ng editor na si Alvin Yapan. Ang aklat na ito ay tugon sa pangangailangan ng mga guro sa asignaturang Filipino na makasunod sa mga pagbabagong dala ng Kurikulum ng ng K-12 upang higit pang mapahalagahan ang panitikang katutubo at panitikan mula sa mga rehiyon. Mababasa rito ang pagtalakay sa kasaysayan at kontemporaneong produksyon ng panitikang Ilokano, panitikan sa Cordillera, panitikang Waray, panitikang Sebuano, panitikang Hiligaynon at panitikan sa Mindanao. Magagamit ang mga panayam dito bilang mga sanggunian sa pagtuturo ng panitikang-bayan at bilang mga modelo na ring kung paano nagbabago na ang papel ngayon ng mga guro sa pagtuturo ng wika at panitikang Filipino.
Mabibili ang mga aklat na ito sa Aklat ng Bayan sa Komisyon ng Wikang Filipino.