NAGSAGAWA ng surprise inspection si Committee on Public Services Chairperson Sen. Idol Raffy Tulfo sa Binangonan Port, Rizal kahapon, Oktubre 7, kung saan may lumubog na bangka noong nakaraang taon na ikinasawi ng 27 katao. Nagkaroon rin ng hearing sa Senado matapos ang nasabing trahedya.
Dito ay bumulaga sa kanya ang samu’t saring violations ng ilang mga bangka, tulad ng lifevest na gawa sa styrofoam na mabilis madurog. Inamin mismo ng Philippine Coast Guard (PCG) at crew ng nasabing bangka na lulubog ang mga pasaherong gagamit nito.
“Napansin ko din na mayroong isang bangka na butas-butas ang trapal kaya kapag sumama ang panahon ay tiyak na matutuluan ng tubig-ulan ang mga pasahero,” saad niya.
Nahuli rin sa akto ni Sen. Raffy ang isang paparating na bangka lulan ang mga pasaherong walang suot na lifevest. “Ibig sabihin, maaaring nasa laot pa lamang ay hinubad na nila ang mga lifevest at pinayagan ng crew o hindi talaga nila ini-require ang mga pasaherong suotin ito.”
Sa pagbusisi naman naman ni Idol Raffy sa mga dokumento ng ilang bangka, napansin niya na ang declared capacity of passengers ng mga ito ay hindi tumutugma sa bilang ng insured passengers per boat ayon sa kanilang insurance policy.
“Kapag pinaupo ang lahat ng deklaradong capacity na pasahero, magmimistulang mga sardinas na sila sa sikip. Paano pa kapag idagdag ang mga kargamento ng bawat pasahero? Tiyak na magiging overloaded na ang bangka!” sabi ni Tulfo.
Isa rin sa hindi nakaligtas sa atensyon ni Sen. Raffy ay ang pare-parehong insurance ng lahat ng mga bangka na naroroon. Ang insurance na ito ay dati nang naireklamo sa Raffy Tulfo in Action at may ilang complaint rin laban dito ayon sa record ng Insurance Commission.
Isusumite ni Sen. Tulfo sa Department of Transportation (DoTr) ang lahat ng violations na kanyang napuna at irerekomenda na bigyan ng administrative sanction ang mga tauhan ng PCG, Marina at Philippine Ports Authority (PPA) na naging pabaya sa kanilang tungkulin dahilan para mamayagpag ang mga violations na ito.
“Kapag wala pa ring compliance sa susunod na surprise inspection ang mga nasabing bangka ay irerekomenda ko rin sa DoTr na kasuhan ang mga opisyal o supervisor ng nabanggit na mga ahensya na naging inutil sa kanilang tungkulin,” saad niya.