HINIMOK ng Office of the Civil Defense (OCD) Region 1 ang mga residente na sumunod sa ipapatupad na pre-emptive evacuation ng mga awtoridad lalo na ang mga nakatira sa mga lugar na posibleng makaranas ng pagbaha at pagguho ng lupa dulot ng Bagyong Kristine.
Sa isang press conference na pinangunahan ng Philippine Information Agency (PIA) Region 1, nanawagan si OCD Region 1 officer-in-charge Carmelita Laverinto sa lahat ng residente na maagang lumikas upang maiwasan ang sakunang dulot ng epekto ng bagyo.
“Bantayan po natin ang ating mga kailugan. Kung may pagbabago sa kulay nito, ibig sabihin nagkaroon na ng pagguho sa mga kabundukan. Kaya hinihikayat natin ang mga nakatira sa mga flood-prone at landslide-prone areas na lumikas agad upang maiwasan na maging biktima ng pagguho o pagbaha,” ani Laverinto.
Ayon sa inilabas na rainfall advisory ng PAGASA, makakaranas ng malakas hanggang matinding pag-ulan (heavy to intense) ang buong rehiyon ngayong Oktubre 23.
Inaasahan ding magpapatuloy ang malakas na pag-ulan sa Oktubre 24 sa ilang bahagi ng rehiyon, habang katamtaman hanggang malakas na ulan naman ang mararanasan sa Pangasinan sa Oktubre 25.
Kasalukuyang nakataas ngayong araw ang Tropical Cyclone Wind Signal No. 3 sa lalawigan ng Pangasinan at La Union, gayundin sa gitna at katimugang bahagi ng Ilocos Sur. Samantala, TCWS Signal No. 2 pa rin sa Ilocos Norte at sa natitirang lugar sa Ilocos Sur.
Samantala, binabantayan ng Pangasinan Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO) ang mga kailugan sa lalawigan at patuloy na nakikipag-ugnayan sa pamunuan ng San Roque Dam ukol sa lebel ng tubig nito.
Ayon kay Vincent Chui, operations head ng Pangasinan PDRRMO, inabisuhan na ang mga residente sa Agno River area ukol sa pre-emptive evacuation.
Nakatakda kasing magbukas ng isang gate ang NPC-San Roque Dam sa ganap na alas-tres ng hapon bilang paghahanda sa ulan na dala ng bagyo.
Matatandaan na noong Oktubre 9, 2009, nagbukas ng anim na gate ang San Roque Dam na nakaapekto sa 37 Local Government Units. Samantala, noong Setyembre 16, 2018, 43 LGUs at ang napaapektuhan na nagpabaha sa 12 bayan sa lalawigan.
Aniya ang mga residente ay inabisuhan na maging alerto upang maiwasan ang mga di inaasahang insidenteng dulot ng bagyo.
Base sa datos ng PDRRMO, nasa 331 barangay mula sa 24 municipalidad at lungsod sa Pangasinan ang posibleng maapektuhan kung tataas ang tubig sa Agno River.
Tinatayang nasa 143,118 na populasyon naman ang posibleng maapektuhan sa 100-meter danger zone ng ilog.
Pinapayuhan ang publiko na makipag-ugnayan sa lokal na DRRMO para sa tamang paghahanda at paglikas kung kinakailangan.
Maaari ring tumawag sa 911 o 0917-150-5754 ang mga residente ng Pangasinan para sa tulong dulot ng bagyo. (MJTAB/EMSA/PIA Pangasinan)