30.1 C
Manila
Miyerkules, Disyembre 4, 2024

Gatchalian: DoE dapat tumutok sa generation projects sa pagpapatupad ng EVOSS para sa sapat na suplay, mas mababang presyo

- Advertisement -
- Advertisement -

HINIMOK ni Senador Win Gatchalian ang Department of Energy (DoE) na tumutok sa pagbuo ng mga energy generation projects sa pagpapatupad ng sistema ng Energy Virtual One-Stop Shop (EVOSS) upang makatulong na matiyak ang tuluy-tuloy na suplay at mapababa ang singil sa kuryente.

“Mag-focus muna tayo sa mga generation projects dahil mahalaga ang sapat na suplay ng kuryente bago natin palawakin sa ibang sektor ang pagpapatupad ng EVOSS.  Ang adhikain natin dito ay maproseso agad ang mga aplikasyon para sa anumang proyektong may kinalaman sa enerhiya,” sabi ni Gatchalian sa mga energy officials sa nakaraang pagdinig ng Senado sa panukalang 2025 budget ng departamento at mga kaugnay na ahensya.

Sinabi ni Gatchalian, vice-chair ng Senate Committee on Energy, na may kabuuang 263 milyong pisong inilaan para sa EVOSS mula noong 2019, na may karagdagang P36 milyon na pondong hiniling para sa 2025.

“Naglaan na tayo ng malaking halaga para sa EVOSS sa mga nakaraang taon at kailangan nating makita ang buong potensyal nito na maisasakatuparan sa halagang iyon,” sabi ng senador.

Kapag ganap nang ipinatupad, tatanggalin ng EVOSS system ang ‘red tape’ sa pagpoproseso ng mga aplikasyon ng mga energy projects o humigit-kumulang 269 araw, at gawin na lang itong  humigit kumulang 85 araw lamang, depende sa lokasyon at uri ng generation facility.  Sa ngayon ay may mga ahensya pa ng gobyerno na hindi nai-incorporate ang sistema sa EVOSS, tulad ng Department of Agrarian Reform, Department of Environment and Natural Resources, National Grid Corporation of the Philippines, at National Water Regulatory Board.

Nilagdaan bilang batas noong Marso 2019, ang Republic Act 11234, na lumikha ng EVOSS system, ay naglalayong i-streamline ang proseso ng pagpapahintulot para sa pagbuo ng mga proyekto ng enerhiya sa bansa.  Sakop ng EVOSS system ang lahat ng bagong power generation, transmission, o distribution projects sa bansa.

Sa pamamagitan ng EVOSS, ani Gatchalian, mapapabilis na ang pag-apruba ng mga proyekto, makakahikayat ng kumpetisyon sa merkado, magkakaroon ng transparency, at sa kabuuan ay mapapahusay ang buong proseso.

Matatandaang nagbigay na ng direktiba ang Pangulong Marcos sa DoE na paspasan ang integration ng mga ahensya ng gobyerno sa sistema ng EVOSS.

 

- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -