26 C
Manila
Huwebes, Disyembre 12, 2024

‘The imagination peoples the air’: Paksang napili sa pagiging ‘Guest of Honor’ ng Pilipinas sa Frankfurt Book Fair 2025

- Advertisement -
- Advertisement -

Ikatlo sa serye

MABILIS na lumipas ang limang araw ng Frankfurt Book Fair o Frankfurter Buchmesse (FBM) sa Germany. Napakaraming aktibidad ang sabay-sabay na nagaganap. Sa bawat gusali, bawat palapag, bawat booth ay may sari-saring nagaganap: lektura o talakayan (panel discussion), book-signing, pitching, networking, at ang ‘buying and selling of rights’ ng mga aklat para sa mga publishers. Abala rin ang lahat sa mismong Philippine booth, na ang disenyo ay inspired ng isang saranggolang lumilipad (dinisenyo ni Stanley Ruiz).

Ang mga manunulat, ilustrador, at publishers sa handover ceremony sa pagitan ng Italya at Pilipinas

Ang mga opisyal at kawani ng National Book Development Board, sa pangunguna ng dating Chairman Dante ‘Klink’ Ang  at Executive Director Charisse Aquino-Tugade, ay masiglang nakikipag-usap sa mga panauhing interesado sa ating mga aklat. Kay rami ring mga banyaga ang naakit sa ating mga aklat na naka-display kung kaya’t humihinto sila para buklatin ang mga ito at magtanong sa posibleng kolaborasyon sa ating industriya ng paglalathala sa Pilipinas. Bumisita rin sa ating booth ang mga kababayang naninirahan na sa Germany, France (Paris), Belgium, Netherlands, at iba pang kalapit na bansa. Lahat sila’y sabik sa panitikang galing sa bansa.

Nagkaroon ng reception ang Philippine delegation noong ikalawang araw. Lahat kami ay dumalo suot ang aming Filipiniana attire. Sa naturang handaan, naagaw ang pansin ko ng isang alak na ipinangalan sa ating bayaning si Jose Rizal — ang  Rizal wine. Kahit ang historyador na si Ambeth Ocampo ay nagpakuha ng larawan sa naturang lalagyan ng alak. Marami ring dayuhan ang dumalo upang tikman ang handang Pinoy. Nakatutuwang makita na ang ginamit na mga cork coasters ay may disenyo ng mga tauhan mula sa mga Pinoy books.

Sa idinaos na press conference na magtatampok sa Pilipinas bilang Guest of Honor sa 2025, naging tagapagsalita si Karina Bolasco.

Nagkaroon din ng malaking press conference ang Pilipinas bilang susunod na Guest of Honor (GOH) ng FBM. Nagsalita dito sina Karina Bolasco (GOH core team), Patrick Flores (curator), Eric Zerrudo (executive director ng National Commission for Culture and the Arts), at ang comics artist na si Budjette Tan (na nagpasikat sa serye ng ‘Trese’ comics). Ipinakita sa naturang presscon ang isang animated video na nagpapakikilala sa makulay na kasaysayan ng bansa. Tampok siyempre dito si Dr. Jose Rizal na sumulat ng mga nobelang Noli Me Tangere at El Filibusterismo habang naninirahan sa Germany. Ayon kay Juergen Boos, presidente at CEO ng FBM, “every island has a story to tell, and we want to hear them all.’ Ilang ulit nang nakadalaw si Boos sa Pilipinas kaya alam niyang kay raming isla na bumubuo ng bansa. Ito’y bilang paghahanda na rin sa napipintong pagiging GOH ng bansa.


Kasama ng kolumnistang ito ang dalawang publishers: Kristine Mandigma (ng Vibal Publishing) at Andrea Pasion-Flores (ng Milflores Publishing)

‘The imagination peoples the air,’ ito ang napiling tema ng Pilipinas sa pagiging guest of honor ng Pilipinas sa 2025. Hango ito sa isang linya mula sa nobelang Noli Me Tangere ni Dr. Jose Rizal. Tumutukoy ito sa ating pagkamalikhain bilang isang lahi at nakaugnay sa ating mayamang tradisyon ng pagsasalaysay (storytelling). Sa paksang ito siyempre umikot ang buong produksiyon ng ipinalabas na video na ang narration ay isinulat sa Filipino ni Rody Vera (at may English subtitles). Habang nagbibigay ng mensahe si Karina Bolasco, makikitang nakapaskil ang mga larawan ng ating mga manunulat na hinirang na Pambansang Alagad ng Sining sa Panitikan gaya nina Nick Joaquin, Virgilio Almario, at Bienvenido Lumbera. Lahat ng delegado ng Pilipinas ay dumalo upang saksihan ang press conference. Nalaman ko rin na isa sa pinagpiliang paksa para sa ating pagiging GOH ay ang ‘Islands of Stories,’ na maganda rin naman. Si Patrick Flores ang magsisilbing curator ng Philippine pavilion sa 2025.

Kasama ni Dr Gatmaitan ang Adarna publisher na si Ani Almario sa loob ng Frankfurt Ebbelwei Express sa idinaos na reception ng Philippine Consulate sa Frankfurt.

May isang gabi rin na naanyayahan ng Philippine Consulate General sa Frankfurt ang mga delegado sa isang dinner na ginanap sa loob ng tram. Packed dinner ang naghihintay para sa lahat. Nagkasya ang higit 50 katao sa Frankfurt Ebbelwei Express, ang makasaysayang tram na sinasabing noon pang dekada ’60 sinimulang gamitin ng mga Aleman. Habang ginagalugad namin ang siyudad ng Frankfurt sa gabi sakay ng naturang tram, may inihanda ring entertainment ang konsulado. Tinugtog ang Manila sound (gaya ng awiting ‘Bongga ka, Day’) habang pinangungunahan kami ng isang Pinoy entertainer na naninirahan na sa Germany.

Party sa loob ng tram

Ilang saglit pa at nagtayuan na ang mga delegado upang sumayaw sa tugtog ng awiting Pinoy habang patuloy ang pagtakbo ng tren.  Nakita kong nagsasayaw sina Neni Sta Romana Cruz, Sarge Lacuesta, Andrea Pasion-Flores, Beverly Siy, Annette Hug, Claudia Kaisser at Barbel Becker (mga opisyal ng FBM), at Ani Almario. Pero hindi nila napasayaw si Ambeth Ocampo na sobrang higpit ang pagkakakapit sa kanyang upuan. Kumanta rin videoke-style sina Sarge Lacuesta at Toots Policarpio. Hindi ko na nagawang dumungaw sa bintana ng tram upang masdan ang magagandang tanawin sa siyudad pagsapit ng gabi. Mas interesting kasi ang nagaganap na kasayahan o party sa loob ng tram.

Kinatawan ni Ambassador Irene Susan Natividad ang pagtanggap ng ‘guest scroll’ bilang GOH 2025 mula kay FBM CEO Juergen Boos.

Sa huling araw ng FBM ginanap ang ‘handover ceremony,’ ang inaantabayanang pagsasalin ng pagiging FBM Guest of Honor sa Pilipinas mula sa bansang Italya. May isang scroll (‘guest scroll’) na isinalin ng Italya at tinanggap ng ating bansa sa pangunguna ng ambassador ng Pilipinas sa Germany na si Irene Susan Natividad. Si Natividad na rin ang bumasa ng mensahe ni Senadora Loren Legarda. Nagbunyi ang lahat sapagkat ang Pilipinas ang ikalawa pa lamang na bansa sa Timog-Silangang Asya, sunod sa Indonesia, na itatampok bilang GOH sa Frankfurt Book Fair. Talagang bahagi na tayo ng kasaysayan ng FBM. Bago ang handover ceremony, ang Pinoy children’s book illustrator na si Isabel Roxas (na naninirahan na ngayon sa New York, USA) ay itinampok sa isang talakayan kasama ang isa pang sikat na ilustrador mula sa Italya. Ipinakita rin sa pamamagitan ng video clips ang kani-kanilang creative process sa paglikha ng sining.

- Advertisement -
Hinarana ng Philippine Madrigal Singers ang mga panauhin sa handover ceremony

Pagkatapos nito ay nagtanghal si Datu Waway Saway, ang Talaandig master artist mula sa Bukidnon. Sinundan ito ng natatanging pagtatanghal ng Philippine Madrigal Singers na  dumayo pa sa Frankfurt para sa okasyong ito (salamat sa NCCA). Mapapaindak ka sa mga awitin ng pamosong Madrigal Singers na noong ipinakilala’y binanggit na ilang beses nang naging kampeon (Grand Prix winner) sa Choral Competition sa buong Europa. Nang kinanta nila ang awiting ‘Volare’ na may kakaibang areglo, walang nagawa ang mga Italyano sa audience kundi sumabay sa pag-awit sabay galaw ng katawan. Inawit din nila ang ‘Kruhay’ na salitang Kinaray-a para sa ‘Mabuhay.’ Ito’y pagpupugay na rin kay Senadora Loren Legarda, isang Antiquena, na nagsilbing ‘ninang’ ng pagiging GOH ng Pilipinas sa Frankfurt Book Fair. Ang core team ng GOH ay binubuo nina Neni Sta. Romana-Cruz, Karina Bolasco, Ani Almario, Kristian Cordero, at Ria Aurea Lopez.

Bahagi rin ng delegasyong Pinoy si Patricia Evangelista, ang awtor ng aklat na ‘Some People Need Killing’

Ang karangalang maging ‘Guest of Honor’ ng pinakamalaking book fair sa buong mundo ay naging posible sa pamamagitan ng suporta ng Office of Senator Loren Legarda, sa pakikipagtulungan ng Naational Book Development Board (NBDB) at ng National Commission for Culture and the Arts (NCCA).

Patuloy na magsulat. Mga ‘apo’ ni Dr. Jose Rizal sa Frankfurt, Germany.

Pihadong nagagalak ang ating pambansang bayani sa pangyayaring ito sa literary at cultural life ng ating bansa. Ang Germany ay tunay na malapit kay Dr. Jose Rizal sapagkat matagal din ang panahong naglagi siya rito habang nagpapakadalubhasa sa Optalmolohiya. Dito rin niya sinulat ang maririkit niyang nobela na gumising sa ating pagkamakabayan.

Sina Fran Alvarez, Isabel Roxas, at Ani Almario sa isang panel discussion
Kasama ni Dr Gatmaitan ang batikang nobelista at Palanca Hall of Famer na si Butch Dalisay
- Advertisement -
- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -