26.1 C
Manila
Biyernes, Enero 17, 2025

Aerial inspection matapos ang Bagyong Pepito, isinagawa sa Polillo

- Advertisement -
- Advertisement -

ININSPEKSYON ng Office of Civil Defense (OCD) Calabarzon kasama ang Armed Forces of the Philippines Southern Luzon Command at pamahalaang lalawigan ng Quezon nitong Nobyembre 18, Lunes ang mga islang isinailalim sa Tropical Cyclone Wind Signal No. 5 sa Quezon dahil sa Bagyong Pepito.

Layunin ng inspeksyon na matukoy ang naging epekto ng bagyo sa probinsya at masusing mailatag ang kaukulang aksyon bilang pagtugon sa mga komunidad na naapektuhan nito.

Binisita rin ng mga lokal na opisyal at kinumusta ang kasalukuyang sitwasyon ng mga residente sa bayan at naghatid ng kaukulang tulong para sa mga residente.

Sa bayan ng Jomalig, 1,000 food packs na mula sa provincial government at naka-preposition sa isla ang ipinamahagi sa mga lumikas na pamilya dahil sa bagyo.

Giit ni Governor Angelina Helen Tan, plano pa ng pamahalaang lalawigan na magpadala ng karagdagang food packs para sa mga apektadong pamilya ng bagyo.

Sa kanyang pagbisita sa bayan, binanggit ng gobernador ang kahandaan ng lalawigan sa super typhoon, na nag-resulta sa ‘zero casualty’ o kawalan ng nasawi at nasugatan batay sa ulat ng Quezon Provincial Disaster Risk Reduction Management Office.

“Ang ating mga natutunan, dapat kapag may dumarating na bagyo, hindi kailangang super typhoon para kayo ay umalis sa inyong mga tahanan. Kapag ang inyong mga tahanan ay nasa tabi ng delikado ay laging lumikas. Mahalaga sa atin ang kaligtasan at buhay ng bawat isa,” mensahe ni Tan sa mga taga-Jomalig.

Batay rin sa ulat ng Quezon PDRRMO, tinatayang nasa 165,410 ang mga indibidwal o 48,853 pamilya ang lumikas bilang paghahanda sa bagyo.

Sa pag-iikot ng mga opisyal, walang nakitang malaking pinsala sa mga kabahayan o istruktura sa Jomalig, maliban sa ilang mga yero ng kabahayan na tinangay ng malakas na hangin.

Handa naman ang pamahalaang lalawigan na magbigay ng financial assistance sa mga naapektuhang pamilya.

“Sa mga nasiraan ng bahay noong Pepito, irereport yan sa inyong MSWDO. Kapag naireport yan, ipapadala iyan sa probinsya at magpapadala kami ng kaunting financial assistance. Intayin po ninyo at aayusin namin ang listahan,” ani Tan.

Binanggit din ng gobernador na ang mga aksyon ng pamahalaan ay hindi lamang dapat ang batayan upang maging ligtas ang mga komunidad tuwing may kalamidad, ngunit mahalaga rin ang kooperasyon, pakikiisa, at pakikipag-balikatan ng mga mamamayan. (CH/PIA-4A)

- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -