PAGKALIPAS ng anim na taong agwat ay muling naganap ang BIMP-EAGA (Brunei, Indonesia, Malaysia, Philippines-East ASEAN Growth Area) Friendship Games.
Isinasagawa ito sa Puerto Princesa simula Disyembre 1 hanggang Disyembre 5, 2024 kung saan ay may walong kategorya ng palakasan tulad ng pencak silat, sepak takraw, archery, swimming, badminton, esports, karate, at athletics ang paglalabanan dito ng mga manlalaro mula sa apat na bansa.
Ito na ang ika-11 Friendship Games ng BIMP-EAGA, at sa pangalawang pagkakataon, ito ay ginanap sa Lungsod ng Puerto Princesa.
Ang Philippine Sports Commission (PSC) at ang pamahalaang panlungsod ng Puerto Princesa ang nangasiwa ng nasabing palaro bilang host country ang Pilipinas at host city naman ang Puerto Princesa.
Nasa 720 ang kabuoang bilang ng mga delegasyon na nakiisa sa 11th BIMP-EAGA. Sa nasabing bilang, 502 sa mga ito ay manlalaro, 199 ang coaches at 99 naman ang opisyal.
Ang delegasyon ng Brunei Darussalam ay binubuo ng 53 miyembro, ang Indonesia ay may 45, ang Malaysia Team A (Labuan) ay 32 at Malaysia Team B (Sabah) ay 89.
Samantala, ang Pilipinas ay binubuo ng 501 na nahahati sa limang team. Ang Team A ay 154, Team B-89, Team C-56, Team D-97, at Team E-105. Ang Team A ng Pilipinas ay mula sa Mindanao A o Davao Region; ang Team B ay mula sa Mindanao B o General Santos Saranggani; Team C ay mula sa BARMM; ang Team D naman ay mula sa Palawan at ang Team E ay mula sa Puerto Princesa City.
Nagbukas ang 11th BIMP-EAGA Friendship Games noong Disyembre 1 sa Edward S. Hagedorn Coliseum sa pamamagitan ng parada at maikling programa.
Sa unang araw pa lamang ng nasabing palaro ay humakot kaagad ang team Philippines A ng anim na gintong medalya sa swimming.
Nakakuha na rin ng gintong medalya ang Team Phillippines D o ang delegasyon ng Palawan sa unang araw. Ang gold medal ay nakuha ni Bernard Ganancial sa larong Discus Throw.
Nakakuha rin ang Team Palawan ng isang silver medal sa katauhan ni Alicia Trisha Mae Badajos mula sa larong Shot Put. (OCJ/PIA MIMAROPA-Palawan)