Katapusang Bahagi
PATAKARANG pangkalahatan ng China na huwag makialam sa mga panloob na kalakaran ng ibang bansa. Subalit sa lumalaking sigalot sa pagitan nina Pangulo Ferdinand “Bongbong” R. Marcos Jr. at Pangalawang Pangulo Sara Duterte, papaano mapananatili ng China ang patakarang ito? Laganap ang paniniwala ng mga Pilipino na sa bisa ng maka-Chinong paninindigan ng nagdaang administrasyon ni dating Pangulo Rodrigo Roa Duterte, si Sara ay pabor din sa China. Magkakamali ang paniniwalang ito. Bukod sa katotohanan na ang anak ay may sariling paninindigan, naririyan ang di mapapasubaliang
katalinuhan ng namayapang Pangulo Ferdinand E. Marcos: “Walang mga permanenteng kaaway. Meron lamang mga pansamantalang kaibigan.”
Hamon sa katinuan ng China sa larangan ng geopolitics na isalang si Presidente Bongbong sa pamantayang binigkas ng kanyang ama.
Oo nga’t nagbigay si Bongbong sa kahilingan ng Amerika ng apat pang base na dagdag sa limang nauna nang naipagkaloob sa bisa ng Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA), hindi ito patunay na sunud-sunuran na lamang ang pangulo sa Estados Unidos. May mga rekisitos ang pamamalakad ng estado na kailangan mong magbigay sa isang panig upang tumanggap naman sa kabilang panig.
Oo, nagbigay si Bongbong sa Amerika sa usapin ng seguridad, subalit naitanong ba natin kung ano naman ang tinanggap ng bansa sa usapin ng kabuhayan?
Malungkot para sa kolum na ito na wala siyang kakayahang suhayan ng mga datos ang kwenta ng kabuhayang trinabaho ng Pangulo para sa bansa simula sa mga unang araw pa lamang ng kanyang panunungkulan. Tali ang Pilipinas sa ekonomiya ng dolyar ng Amerika at sa ganyang pagkakatali, ang pinakamagaling nang maaaring gawin ng isang lider ay, tulad ng madalas wikain ni Dr. Jose P. Laurel sa panahon ng giyera, “itawid ang bansa tungo sa mas magandang mga panahon.”
At sa dakilang gawain ng pagtawid, hindi maaaring hindi ka magbigay katumbas ng iyong tinanggap.
Sa pagsisimula ng kanyang termino, minana ni Bongbong ang pinakamalaking pagkakautang na kinalubugan ng bansa: P15.5 trilyun. Ibig sabihin, samantalang kailangang tuparin niya ang paghuhulog sa utang na iyan, kailangan mangutang siyang muli para sa pinakapangunahing pangangailangan na buhayin ang sambayanan. Kaya kapuna-puna na sa mga unang araw ng panunungkulan, walang inatupag ang pangulo kundi biyahe rito, biyahe roon, tulad sa isang debotadong ama, kayod dito, kayod doon upang maghanap ng pang-agdong buhay ng pamilya.
Sa anong paraan ba agarang makakayod ang kabuhayan ng bansa kundi sa dagdag na pangugutang?
At ang kalakhan ng pangungutang na ito ay sa International Monetary Fund (IMF) at World Bank, ang mga pangunahing instrumento ng ekonomiyang dolyar. Pagtatakhan ba, samakatuwid, kung kapalit ng mga dagdag na pangungutang na ito ay ang karagdagang biyaya naman sa seguridad ng Estados Unidos – halimbawa ang karagdagang apat na baseng EDCA!
Mauunawaan ang pagkaalarma ng China sa mga karagdagang baseng EDCA. Wala nang 100 kilometro ang layo sa China ng tatlo sa mga baseng ito, 2 sa Cagayan at 1 sa Isabela; ang isa pa na nasa Palawan ay mano-mano na sa abanteng kampong militar ng China sa South China Sea.
Subalit kaya nga tinawag na Big Brother ng Pilipinas ang China dahil nasa kalagayan ito na higit na nakauunawa, higit na nanghahawakan sa dayalogo at kooperasyon sa paglutas ng mga hidwaan nito sa Pilipinas.
Mga ilang buwan na ang nakararaan, sa pagtindi ng girian ng China Coast Guard (CCG) at Philippine Coast Guard (PCG) sa South China Sea, tahimik na binuo ng China Foreign Ministry at Department of Foreign Affairs ng Pilipinas ang isang mekanismo sa paglutas ng mga hidwaan
sa pamamagitan ng diplomasya. Ito ang pinilakang sinag sa dako pa roon ng mga nangingitim na ulap ng ugnayang Chino-Pilipino.
Kahit gaano kasidhi ang tensyon, hangga’t may puwang ang pag-uusap, maiiwasan ang armadong banggaan.
Sa bagay na ito, hahangaan si Bongbong. Naaalaala ninyo ang unang insidente ng tinatawag na laser beaming ng CCG sa barkong pang-resupply ng PCG? Napabalita na ang
panininag ng laser ay nagbunga ng pansamantalang pagkabulag ng mga tripulanteng Pilipino.
Agad nanawagan si US State Secretary Antony Blinken na paganahin na ang MDT. Ibig sabihin, giyerahin na ng Amerika ang China bilang pagsunod sa probisyon ng MDT na ang pananalakay sa Pilipinas ay pananalakay din sa Amerika, na obligadong gumanting salakay.
Tumutol si Bongbong, nagwiwika na hindi pa aktong pandigma ang laser beaming upang tapatan ng giyera.
Paninindigan ng Pangulo na isang-isang Pilipino lang ang masawi dulot ng panalakay ng China, iyun ay ituturing na aktong pang-giyera at tatapatan ng kaukulang aksyon.
Kahanga-hanga rin ang disiplinadong pananatili ng China sa mga hangganan ng dalisay na pagpapatupad lamang ng mga batas pangkaragatan sa South China Sea.
Kung ganyang kapwa may pagpapahalaga sa hinahon at kapayapaan ang China at Pilipinas sa kabila ng di-matapos-tapos na pang-uudyok ng Amerika upang mag-away, pasasaan ba’t hahantong din sila sa magandang pagkakasundo.
Maliwanag, ito ang tunguhing tinatahak ng China. May mangilan-ngilan ang naniniwala na sa away na nagaganap ngayon sa pagitan nina Pangulo Bongbong at Bise Presidente Sara, kapanalig ng China si Sara. Subalit pinatunayan sa kasaysayan na sa mga panahon ng panloob na sigalot ng isang bansa, nanatiling nakapanig ang China sa lehitimong halal na lider.
Habang sinusulat ang kolum na ito, matunog ang balita na palalakasin na ni Sara ang people power upang agawin ang kapangyarihan kay Pangulo Marcos. Kung totoo ito, lalong aayaw diyan ang China. Sa Pilipinas, lahat ng matatagumpay na pag-aalsang People Power ay kagagawan ng Amerika. Kung totoo ang people power ni Sara, ibig lang sabihin, bata siya ng Amerika.
Imposibleng kampihan ng China ang manok ng kanyang mortal na kaaway.