PAHINGA ang kailangan nating lahat. Pahimagas sa nakaraang putahe ng mga ingay pulitikal na siyang umistorbo sa halip na bumusog sa sambayanang tila pinapaghingalo na ng tuloy-tuloy na bigat ng buhay: korapsyon sa lahat ng sektor ng pamahalaan, pataas nang pataas na presyo ng mga batayang bilihing pangkabuhayan,
walang katapusang pambubulabog ng pamilya Duterte sa pagsisikap ng pamahalaang Marcos na mapanatag ang pamumuhay Pilipino, at di-maiiwasang epekto ng mga pandaigdigang away sa panloob na seguridad ng bansa.
Kung magagawa mo lang sana na basta na lang takasan ang mga gulo. Pero hindi. Tatakas at saan ka pupunta? Iisa ang ating bansa. Wala ka nang iba pang uuwian. Pagtiisan na lamang, kung ganun, habang inihahanap ng lunas ang kanyang mga kapariwaraan.

Kaya nilalasap ko na parang masarap na ihip ng sariwang hangin ang balitang ito na ang batang aktres Pilipina na si Kyrie Ramos Arceo ay tumanggap ng parangal bilang namumukod na batang artista sa Vietnam International Achievers Award na ginanap sa Melia Hanoi Hotel, Hanoi, Vietnam noong Disyembre 6, 2024.
Sa panahon ng kapighatiang pambansa, isang siyam na taong gulang na musmos pa ang mag-uuwi ng parangal na ganap na ipagkakapuri ng sambayanang Pilipino.
Nadalaw tayo ng siyam na taong gulang na talento kamakalawa upang ipagmalaki ang karagdagang karangalang napagwagian niya sa Vietnam.
Kabilang si Kyrie sa Talents Academy, isang programa sa IBC 13 na pinamamahalaan ni Direktor Jun Miguel. Nakilala ang programa sa television dahil sa mga nilalaman nitong ‘mapagyaman, edukasyonal at nakaaaliw.”
Kasama ni Kyrie bilang cream of the crop ng programa sina Nicole Almeer, Madisen Go, Candice Ayesha, Anika Figueroa, Yzabelle Perez, at Aljur Perez.
Subalit bakit sa kalipunang ito ng mga talento, namumukod tangi si Kyrie?
Mangyari pa, maganda siya. Subalit ang agad na kamamanghaan mo tungkol sa kanya ay ang ismarting pagdadala sa sarili na kakikitaan ng kumpiyansa na sa haba ng panahon ko ng pagsusulat at pagdidirihe ng pelikula ay naobserbahan kong tatak ng matatagumpay na mga artista.
Ang napagwagiang parangal mula sa Vietnam ay isa lamang sa mga tinamo ng batang artista. Nauna rito ang Emerging Female Child Performer for TV and Movie sa Southeast Asian Achievement Awards sa Kuala Lumpur, Malaysia noong Oktubre 12. Ilang araw makaraan iyun, noong Oktubre 21, tinanghal naman si Kyrie bilang Most Promising TV Child Performer sa International Golden Globe Awards na ginanap sa Winford Manila.
Komento ng isang kritikong pampelikula, “Ang mga parangal na kanyang tinanggap ay nagpapatibay sa kanyang reputasyon bilang papasikat na batang bituin na nagtataglay ng di masukat na kinang. Ang likas na talento ni Kyrie, ang kanyang katalinuhan at versatility bilang alagad ng sining ay umakit sa paghanga ng mga tagapanood at maging ng mga kritiko, na kung kaya kaabang-abang ang bawat niyang pagtatanghal.
Partikular sa akin, nagagawa ng batang artista na ibalik ako sa mga araw ng pagtutong sumulat mismong sa kinang at alindog ng mundo ng show business.
Oo nga, bilang nagkukumahog pa lang na tagatulak ng pluma, naging bahagi na ako ng pagpapasikat ng mumunting bituin upang maging mga Nora Aunor at Vilma Santos. Maaaring ulitin ko iyun minsan pa kay Kyrie, halimbawa’y bilang Burkesk Queen, na nagwagi ng 11 sa 12 award – kabilang ang Best Picture, Best Director at Best Screenplay para sa inyong linkod – sa 1977 Metro Manila Film Festival, o di kaya sa pag-ulit ng Ibilanggo Si Neneng Magtanggol, nagwagi ng Best Picture Award sa Davao Film Festival.
Maaari kong papapelan kay Kyrie ang pangunahing tauhan sa isang ampunan na pumatak sa pangangalaga ng tinedyer pa lamang na si Lani Mercado sa muling pagsasapelikula ng Mga Ibong Pipit na nagpaimbilog sa kanya upang maging ganap na bituin.
Ah,ang di mabilang na build-up role na maaari kong paglagyan kay Kyrie, sa sandaling matugunan ko ang pangangailangang muling buhayin ang napakamabungang karerang pampelikula.
Problema na lamang talaga ay ito. Hindi na tayo pabata pa. Sa edad 83, maaaring salat na tayo sa sigla at energiya ng isang filmmaker na noong 1991 ay umibabaw sa lahat ng iba pang direktor sa paramihan ng pelikulang ginawa; sa taong iyun ko inilunsad ang marikit na Assumptionista sa Bad Girl, Cristina Gonzales, na pagkaraan niyon ay gumawa ng hanggang sa ngayon ay di pa napapantayan na rekord: 15 pelikula sa isang taon. At naging mayor pa mandin ng Tacloban City.
Lahat ng mga pagbabalik-tanaw na ito ay nangyayari at maaaring muling magkatotoo kung ang kabuuang potensyal ng batang si Kyrie ay mapapakawalan.
Ang karangalang tinanggap ni Kyrie sa Vietnam ay higit pang nagpatibay ng aking sampalataya na mabibigyan niya ng hustisya ang papel na batang Alice Guo sa isang likhang sining na nilalayon kong gawin.
Sa edad na 83, tunay na wala na akong ilalaban pa sa mga batang manlilikha ng pelikula. Subalit iyun ay hangga’t pinag-uusapan lamang ang pagkakaroon ng film assignment. Sa usapin ng malikhaing pag-iisip, nanatiling nasa rurok ang aking utak. At nasapol ko kung ano ang totoong nasa likod ng malawak na pagpapasademonyo sa suspendidong mayor ng Bamban, Tarlac.
Pagkaraang maisulat ko ang Sequence Treatment, napamulagat ako sa isang trabaho na maaring maging interesante, pulitikado at malalim na nasyunalistikong panoorin.
Isang matingkad na elemento ng panoorin ay ang papel na ginagampanan ng Al Jazeera. Bakit ang isang tanyag at reputadong media network na internasyonal ay mangunguna sa pakikialam sa isang lokal na isyu ng isang maliit na bayan sa Tarlac?
Kalakhan – o di nga ba tanging sa pamamagitan lamang ng Al Jazeera nakuha ang mga ito? – ng mga detalye ng umano’y pinagmulang Chino ni Alice Guo at ugnayan nito sa Communist Party of China (CPC) ay nahalungkat at naibahagi ng Al Jazeera sa Kongreso ng Pilipinas upang pumalaot ito sa pag-iimbestiga sa suspendidong mayor. Isang impormasyon na kaloob ng Asian Century Philippines Strategic Studies Institute (ACPSSI) ay nagbubunyag na ang Al Jazeera ay pag-aari ng Emir ng Qatar, na kliyenteng estado ng Estados Unidos. Ang Chief of Intelligence ng Qatar ay napagkalooban ng Central Intelligebce Agency (CIA) ng pinakaprestihiyosong parangal nito. Lahat nang ito ay naganap habang pinagpipistahan ng mga senador at kongresista ang pagiging espiya kuno ni Alice Guo ng China.
Ang tila magkakahiwalay na mga elemento ay para-parang nangagsipatakan sa iisang senaryo na ang pagkakasangkot ni Alice Guo sa ipinagbabawal na operasyong POGO ay pinatampok sa media upang lumikha ng malaganap na pagkamuhi sa China.
At kung saan ang kilos galit-sa-China ay gumagana, sino pa ba ang may pakana kundi Amerika?
Kaduluduluhan, pinansin ko si Kyrie Ramos Arceo upang libangin ang sarili sa mga problemang gumigiyagis sa sambayanan, heto ako ngayon sumulat at nagdidirihe ng isang naiibang panooring pinamagatang Alice Guo Sa Kuko ng Agilang Amerikano.
Sa video, ginagampanan ni Kyrie ang batang Alice Guo.
- Advertisement -