KATATAPOS lamang ng ika-50 taon ng Metro Manila Film Festival (MMFF) at masasabing naging matagumpay ito dahil tinangkilik ng ating mga kababayan (kasama na ako roon) ang mga pelikulang lokal. Sadyang maituturing na โpistaโ ito ng pelikulang Pilipino sapagkat walang pelikulang banyaga (mula sa Amerika, South Korea, o Thailand) na ipinalabas sa loob ng halos dalawang linggo. At mula sa batch ng pelikulang itinampok nitong nakaraang MMFF (2024), lumutang ang โGreen Bonesโ ng GMA Pictures at GMA Public Affairs na idinirihe ni Zig Dulay. Tinanghal itong Best Picture. Nang nakaraang taon (2023), ang pelikula niyang โFireflyโ din ang tinanghal na Best Picture. Naging back-to-back ang tagumpay ni Zig Madamba Dulay sa mga pelikulang idinirehe niya.

Marami ang natuwa na may isang direktor na gumagawa ng mga pelikulang lihis sa mga nakasanayang pormula. Sa dalawang pelikulang nabanggit, walang love story o love team na involved. Itinawid ng magandang kuwento at mahusay na direksyon ni Zig Dulay ang mga pelikula kung kayaโt nagustuhan ito ng mga manonood, kasama na ang inyong lingkod. Idagdag pa na sa dalawang pelikulang ito ay ang award-winning cinematographer na si Neil Daza ang kumuha ng mga larawan.
Pero bukod sa nabanggit kong dalawang pelikula na parehong itinampok sa magkasunod na taon ng MMFF, gusto kong banggitin na may ginawa ring isang video production si Direk Zig Dulay para sa isang proyekto ng Cultural Center of the Philippines (CCP) โ ang โHimig Himbing ,โ na isang aklat ng katipunan ng mga awiting hele o oyayi (lullabies) mula sa rehiyon. Ang bawat heleng itinampok sa aklat na ito ay nilapatan ng video production ng ibaโt ibang film directors, karamihan sa kanila ay mga directors ng mga independent films sa Cinemalaya Film Festival, na isa pa ring taunang proyekto ng CCP.

Sa isang programang ginawa noong araw ng paglulunsad ng aklat na Himig Himbingย sa Tanghalang Ignacio Gimenez ng CCP, natatandaan ko na naagaw ang pansin ko ng video production ng โDandansoyโ dahil sa matapang at madamdaming paglalapat ng kuwento para sa heleng ito. Noon pala, si Zig Dulay pala ang naka-assign na mag-interpret nito. Sa kanyang interpretasyon ng heleng ito mula sa Antique, ipinakita ni Direk Zig ang isang matandang ina (na ginagampanan ni Perla Bautista) na hinahanap ang kanyang anak sa mahangin at maaliwalas na burol/kabundukan. Doon siya sasalubungin ng anak na matagal na niyang di nakikita (malaki na ang anak niyang lalaki). Magyayakap at waring magsasayaw sila.
Matutuklasan nating โLeanโ pala ang pangalan ng anak ng naturang ina. Walang binanggit na apelyido sa video clip. Pero kagyat na babalik sa gunita ng manunuod ang aktibistang si Lean Alejandro, ang student leader mula sa UP Diliman at isang kilalang political activist na walang-awang pinaslang noong 1987 dahil sa pagtuligsa sa administrasyon. Tapos, ipakikitang ipinaghehele ng ina ang bata pang si Lean habang may mga eksena ng torture na ipinapakita. Sa dakong dulo, sinabi ng ina na โgagawin niya ang lahat para mahanap ang nawawala niyang anak.โ Pagkatapos ay yayapusin nito ang anak sa gunita.

Matapos ang eksenang ito ay biglang tatambad sa manunuod na ang mga eksenaโy kinuhanan lamang pala ni Direk Zig sa โchroma.โ Ang sinasabing โchroma keyโ ay isang technique sa pagkuha ng video kung saan lumilikha ng artipisyal na backdrop sa mga taong kinunan sa studio. Ipinakita ni Direk Zig sa dakong dulo ng video shoot ang puro green naย backdrop (kung kayaโt napatungan ito ng karampatang imahe; this time ay tungkol sa burol at kabundukan). Nag-iisa lamang pala sa studio ang inang si Perla Bautista at kunwaโy may kayakap habang napapaligiran ng berdeng backdrop (โyung โchromaโ nga). Wala pala si Lean.
Di ko naiwasang mapaluha nang mapanuod ang madamdaming video production ni Direk Zig Dulay para sa interpretasyon niya ng heleng โDandansoy.โ Napaka-powerful ng depiction ng pagmamahal ng ina sa anak niyang si Lean. Sa puntong โyun, di mo na maiisip at di na mahalaga kung ano ang political affiliation ng kanyang anak. Nakasentro ang video sa relasyon nila bilang mag-ina. Ang melodiya ng Dandansoy ay bagay na bagay sa naturang interpretasyon ng hele. Lahat ng dumalo sa paglulunsad ng librong HIMIG HIMBING (kaakibat ang video production ng mga itinampok na hele) ay tunay na naantig sa ginawang interpretasyon ni Dulay.

Kamakailan ay inilabas ng Philippine Jaycees ang listahan nila ng mga nagwagi para sa The Outstanding Young Men (TOYM) awards ngayong taong ito. At natuwa ako nang makitang isa si Direk Zig Dulay sa TOYM honorees para sa kaniyang natatanging kontribusyon sa โKultura at Sining: Pelikula at Telebisyon.โ Isa siya sa siyam (9) na napili mula sa higit sandaang nominees para sa 2024 TOYM Awards. โIkatutuwa ito ng aking namayapang Inang na labis kong mahal,โ pagbabahagi ni Zig. โGaling ako ng Isabela at dala ko lang ang pangarap na makapasok sa mundo ng pelikula. Ang laking bagay ng pagkilalang ito ng TOYM,โ dagdag pa niya. Ang batikang broadcast journalist na si Jessica Soho ang nag-nominate sa kanya sa TOYM, ang prestiyosong award na iginagawad sa mga katangi-tanging Pilipino na edad 40 pababa.
Itinampok ni Zig Dulay sa kanyang mga obra ang mga mahahalagang isyu ng ating panahon. Pinalutang niya ang kulturang Pilipino sa kanyang mga palabas. Binigyan niya ng boses ang mga mahihina at mga tauhang sinasabing nasa โlaylayan ng ating lipunan.โ Katunayan, karamihan sa kanyang mga pelikula at teleserye ay pumapaksa sa kultura ng mga katutubong Pilipino gaya ng โSahayaโ (GMA-7; tungkol sa mga Badjao), โLegal Wivesโ (GMA-7; tungkol sa mga Meranaw), โThe Black Rainbowโ (short film; tungkol sa mga Aeta), at โPaglipayโ (full-length film; tungkol pa rin sa mga Aeta).

Pinaging-popular din ni Dulay ang mga nobelang pampanitikan ni Dr. Jose Rizal na โNoli Me Tangereโ at โEl Filibusterismoโ sa kaniyang teleseryeng โMaria Clara at Ibarraโ na ipinalabas sa GMA-7. Lubos itong tinangkilik ng mga manunuod at sadyang muling nagpaalab sa ating pagka-Pilipino. Sa ginanap na Manila International Film Festival (MIFF) sa California, USA, noong 2024,ย pinarangalan ang kaniyang pelikulang โFireflyโ (ng GMA Pictures) bilang Best Picture. Si Dulay naman ay tinanghal na Best Director sa naturang international festival.
Hindi na mabilang ang pagkilalang natanggap ni Direk Zig Dulay mula sa mga prestiyosong award-giving bodies, sa loob man o labas ng bansa, gaya ng Gawad Urian, Cinemalaya Film Festival, PMPC Star Awards, Metro Manila Film Festival, Brussels International Film Festival, Prague International Film Festival, Harlem International Film Festival, at marami pang iba. Patunay ito ng kanyang pambihirang husay sa pagsusulat ng screenplay at pagdidirehe ng mga palabas.
Para kay Direk Zig Dulay, ang pelikula at telebisyon ay mahahalagang medium na maaaring gamitin upang isulong ang kaniyang makabuluhang adbokasiya at makapag-ambag, sa abot ng kaniyang makakaya, sa pag-unlad ng bansa.